Nanlamig ang Babae sa Mister dahil Di Sila Magkaanak, Isang Trahedya ang Naganap Kaya Nagsisi Siya
Padabog na isinara ni Ella ang maingay na alarm clock sa gilid ng kama niya, sinulyapan niya ang asawang tulog na tulog pa rin. Alas siyete na ng umaga, alas nuwebe ang time nila sa opisina at magbi-byahe pa sila mula Cavite hanggang Makati kaya kailangan na nilang kumilos.
“Benji..gising na, seven na,” sabi niya rito at marahang tinapik ang braso nito. Saglit namang umungol ang lalaki bago tuluyang idinilat ang mga mata, napangiti pa ito nang makita siya.
“Goodmorning honey ko,” malambing na sabi nito.
“Sige na, kilos na. Mauna ka nang maligo habang inaayos ko ang breakfast natin. Late na naman tayo,” sabi niya, umiwas pa sa halik nito. Pitong taon na silang kasal ni Benji pero hindi pa sila binibiyayaan ng anak, aba’y 34 anyos na si Ella. Mukhang imposible na, iyon ang dahilan kung bakit nanlalamig siya sa asawa. Sa halip na lalaki ang manlamig ay baligtad pa sila, kahit na anong sabi kasi ni Benji na ayos lang sa kanya kung hindi pa ibinibigay ang anghel nila ay di naniniwala si Ella.
Nakatatak na sa isip niyang di magtatagal, maghahanap ng ibang babae ang mister niya. Babaeng malusog ang matris at kaya itong bigyan ng maraming anak. Kaya nga inihahanda na niya ang sarili.
Lumipas ang araw nila na normal lang, paulit ulit na lang. Nawawalan na ng ganang mabuhay si Ella, pakiramdam niya ay wala siyang silbi bilang babae. Anong klaseng misis siya kung hindi niya mabigyan ng supling ang asawa?
“Alam mo, nagsisimula na akong magtampo sa’yo. Ilang araw ka nang ganyan, nakasimangot ka palagi sa akin. Nakalimutan mo pa kung gaano kahalaga ang araw na ito para sa ating dalawa,” komento ng mister niya pag uwi nila sa bahay.
Abala namang naghubad ng medyas si Ella, “Ano ba’ng meron?” maang na tanong niya.
“Hay nako, tignan mo na tong misis ko na to. Anniversary po natin! Happy Anniversary, nagpapasalamat ako sa Diyos na nakilala kita,” madamdaming sabi ng lalaki, tinangka pa siyang yakapin.
“Ano’ng Diyos Diyos ka diyan, nagpapasalamat ka sa kanya dahil binigyan ka ng babaeng di magkaanak? Wag mo nga akong lokohin, for sure naman pag nagtagal magsasawa ka rin sa akin,” walang damdaming sabi niya rito.
“Hindi lang naman anak ang magbibigay kahulugan sa relasyon natin, nagpakasal nga tayo na tayong dalawa lang. Ayos lang sa akin tumanda na tayo lang dalawa. Wala ka bang tiwala sa pag ibig ko sa’yo?”
“Honestly? Wala.” sabi nya at tumalikod na. Nasaktan naman ang asawa sa isinagot niya, anniversary nila ay ganito siya kung magsalita.
“Wag na muna tayong mag usap, nakakasakit ka lang.” sabi ng lalaki bago tumalikod, maya maya pa ay narinig niya ang makina ng motorsiklo nito na humarurot. Baka magpapalamig lang.
Hatinggabi na ay di pa rin bumabalik ang kanyang mister, nagsisimula na siyang mag-alala. Agad niyang sinagot ang cellphone nang mag-ring iyon.
“Hello Hon? Sorry sa mga nasabi ko kanina, umuwi ka na please. Mag-usap tayo,”
“Mrs. Sevilla? Nurse po ako mula sa Sto. Domingo Medical Center, narito po ang asawa nyo ngayon..” hindi na niya masyadong narinig pa ang mga sasabihin nito dahil nataranta na siya at agad na tumungo sa ospital. Habang sakay ng taxi ay walang tigil siya sa pagdarasal at paghingi ng tawad sa Diyos.
“Diyos ko, patawarin mo ako kung pinagdudahan kita. Patawarin mo ako kung nagalit ako sa buhay, ayos na po sa akin kung sa tingin mo hindi ako nararapat maging ina kahit masakit ay tatanggapin ko, basta iligtas mo lang ang asawa ko. Diyos ko po, babawi ako. Parang awa Mo na..” bulong niya.
Pagdating sa ospital ay agad siyang dumiretso sa emergency room, nagulat pa siya nang makitang may nakatalukbong doon.
“Oh my God! Oh my God Benji No!” sigaw niya, hilam na hilam ng luha ang kanyang mga mata. Hinawakan siya ng nurse sa braso pero tinabig niya ito. Ang sakit sakit, bakit kailangang mawala ang asawa nya? Sino na lang ang matitira sa kanya ngayon?
“Ma’am..” sabi ng nurse.
“Bitiwan mo ako, ang laki laki ng pagkukulang ko sa asawa ko. Kung sana lang naririnig niya ako, Benji ko..” palahaw niya.
“Kung sana lang din nakikinig ka sa nurse, edi sana malalaman mong andito ako,” napatigil siya sa pag iyak nang marinig ang boses na iyon. Si Benji! Nagulat siya nang hawiin ng nurse ang kurtina sa katabing kama ng nakatalukbong, naroon ang asawa niya, nakaupo pero may benda ang dalawang kamay.
“Honey! I’m sorry.. I’m so sorry,” paulit ulit na sabi niya, nawalan ng kontrol ang motorsiklo nito, mabuti at iyon lang ang inabot nito. Hindi ito maka-dial sa cellphone kanina kaya ang nurse ang kumausap sa kanya. Kinabukasan rin ay naiuwi niya ang asawa at habang inaasikaso niya itong kumain ng almusal ay bigla na lamang siyang naduwal. Nagkatinginan sila, may makahulugang ngiti sa labi ng asawa niya, umiling naman siya.
“Hindi, imposible,” sabi niya.
Pero muli siyang naduwal, puro tubig lamang ang isinuka niya, sobrang pait ng lasa noon. “Walang masama kung susubukan mo lang. Kung negative edi ayos lang,” sabi ng lalaki. Pinagbigyan niya ito at sinubukan niyang mag-pregnancy test.
Ganoon nalang ang halakhak ng lalaki nang marinig ang sigaw niya mula sa CR, “Buntis ako!”
Sobrang saya ng mag asawa dahil matagal man silang naghintay, doble namang ligaya ang ibiniyaya sa kanila ng Diyos. Nagsilang si Ella ng malusog na kambal na babae at lalaki.
Minsan talaga may mga pintong nagsasara upang mabuksan ang mas maganda pa. Sinasadya ng Diyos na masaktan tayo upang ihanda tayo sa mas magandang planong inihanda Niya para sa atin.