Bago Mawalan ng Buhay ang Kanyang Ama ay May Pangitain Ito Tungkol sa Lalaking Mapapangasawa Niya, Di Niya Akalaing Magkakatotoo Ito
Nagmamadaling tumakbo si Aria papunta sa kwarto ng kanyang ama sa ospital. Kani-kanina lang ay tumawag sa kanya ang ina, ipinatatawag na raw ang buong pamilya nito dahil malapit na itong bawian ng buhay. May klase siya sa eskwela kanina kaya di niya nasagot agad ang tawag nito, sana, hindi pa huli ang lahat.
Parang tumigil ang mundo niya nang buksan niya ang pintuan, naroon ang kanyang ina sa gilid ng kama ng kanyang papa, hawak-hawak nito ang kamay ng lalaki. Wala na ang mga aparatong nakakabit dito, talagang naghihintay nalang ito. Lumapit siya agad at hinawakan ang isa pang kamay nito.
“Papa..” mahinang sabi niya, di niya maisip kung ano ang tamang sabihin sa ganitong sitwasyon. Ang alam niya lang ay napakasakit ng puso niya, paano ba magpaalam?
Ngumiti ang lalaki, hirap na hirap itong nagsalita. “A-aria,” sabi nito.
“Sshh, magpahinga ka na. Magiging okay kami ni Aria, di ko sya pababayaan, pangako,” sabi ng kanyang ina, iyak na ito ng iyak. Magkakahalong lungkot, takot, at saya ang dahilan ng pagluha nito. Saya dahil sa wakas ay matatapos na ang paghihirap ng kanyang ama. Ilang buwan din nitong nilabanan ang cancer sa baga, masakit man para sa kanila ay mapapanatag na sila dahil hindi na ito maghihirap pa.
“Aria, pakasalan mo ang lalaking may pulang ibon sa bulsa, sabi yan ng Diyos,” nakangiting sabi nito bago panawan ng hininga, mapayapa na itong pumikit.
Pinahid ni Aria ang luhang tumulo sa kanyang mga mata sa alaalang iyon, hanggang ngayon na sampung taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin pala humihilom ang sugat. Tingin niya, hinding-hindi na mababago ang sakit na nararamdaman niya sa pagkawala ng kanyang ama.
“Are you okay?” nag-aalalang tanong sa kanya ni Jonathan, narito sila ngayon sa isang magandang restaurant at nagse-celebrate ng kanilang anniversary.
“Wala, naalala ko lang ang daddy ko. Siguro, magugustuhan ka niya kung inabot mo sya,” sabi niya sa gwapong lalaki. Napangiti naman ito at hinawakan siya sa pisngi, mabait si Jonathan, responsable at malaki ang respeto sa kanya. Nakilala niya ito dalawang taon na ang nakalilipas sa kanilang opisina. Ito ang kanyang unang boyfriend, sinubukan niya kasing tuparin ang habilin ng tatay niya na pakasalan ang lalaking may pulang ibon sa bulsa kahit pa hindi niya alam kung paano mangyayari iyon. Ayaw yata talaga ng ama niya na mag-asawa siya, sino naman ang matinong taong maglalagay ng ibon sa bulsa? Pero nang dumating si Jonathan, hindi niya na napanindigan ang paghahanap dahil napaibig siya ng lalaki.
Nagulat na lang siya nang bigla itong lumuhod, hawak na pala nito ang pagkaganda-gandang singsing. “Hayaan mo akong pasayahin ka habambuhay, will you be my wife?” madamdaming sabi nito.
Muling napaisip si Aria. Paano na ang habilin ng kanyang ama? Ah, baka naman nagha-hallucinate na ang daddy niya habang sinasabi iyon, after all, nasa bingit ito ng kamatayan noon. Bukod doon.. siguro naman ay di ito magtatampo sa langit kung sakali. Mahal na mahal niya si Jonathan, siguro naman magiging masaya ang daddy niya, kung saan siya masaya diba?
“Babe?” nag aalala nang tanong ni Jonathan, di pa kasi siya sumasagot.
“Yes!” buong lakas na sabi niya, niyakap siya ng lalaki at binigyan ng matamis na halik.
Mabilis lumipas ang panahon at sumapit na ang araw ng kasal ng dalawa. Inihatid si Aria ng kanyang ina sa altar, kung saan naghihintay si Jonathan. Titig na titig sa kanya ang binata at puno ng pagmamahal ang mga mata nito. Habang papalapit siya sa lalaki ay palakas din nang palakas ang tibok ng puso niya. Nang alalayan siya nitong maglakad para umupo sa harap ng pari ay parehong hilam ng luha ang kanilang mga mata.
Nagsimula na ang misa, sulyap nang sulyap sa kanya si Jonathan. Iyak pa rin ito nang iyak, “Pasensya ka na babe ha, ang saya-saya ko lang talaga,” bulong nito sa kanya.
Tumango lang siya, nakangiti pa rin. Maya-maya pa ay kinuha ni Jonathan ang panyo nito upang magpahid ng mga luha, basang-basa na kasi ang mukha nito kaiiyak. Natatawang tinitigan ni Aria ang kanyang groom.
Nanlaki ang mata niya nang matitigan ang panyo nito. May drawing iyon ng ibon, kulay pula!
Parang narinig niya ang boses ng kanyang ama, ‘pakasalan mo ang lalaking may pulang ibon sa bulsa, sabi iyan ng Diyos’
Napahagikgik siya, at si Jonathan pala ang lalaking tinutukoy ng daddy niya. Kung paano nito nalaman, hindi niya alam. Bigla na lang siyang napasigaw ng “I do!”
Napatingin sa kanya ang pari at natahimik ang lahat, nagsalita ang matandang nagmimisa, “Hija, hindi ko pa kayo tinatanong,”
Napuno ng tawanan ang simbahan, maging ang kanyang groom ay natawa rin sa kanyang ginawa. Sobrang saya ni Aria.
Napatunayan niyang pagsilang pa lang ng isang tao ay mayroon nang magmamahal na nakalaan para rito.