Inday TrendingInday Trending
Oportunista ang Dalagang Ito na Naghahanap Lamang ng Mayamang Matandang Kano; Impyerno ang Nadatnan Niya sa Amerika

Oportunista ang Dalagang Ito na Naghahanap Lamang ng Mayamang Matandang Kano; Impyerno ang Nadatnan Niya sa Amerika

Noong isang buwan lamang naka-graduate ng college si Kristina, pero sa halip na maghanap ng trabaho ay iba ang inaatupag niya. Mas gusto niya pang makipag-chat sa boyfriend niyang Kano na taga-Amerika, ayaw niya nang maghirap sa Pilipinas, bakit kailangan pa siyang magkanda-kuba bilang empleyado kung mayroon namang mas madaling paraan para yumaman? Easy money kumbaga. Ang totoo ay di niya naman mahal ang lalaki, pera lang talaga ang target niya rito. Hello, bakit siya mapapaibig ng isang matandang mayamang malapit nang mamatay? Ang ganda-ganda niya.

Nagsimula ang pangarap niyang ito nang ang isa sa ate ng kaklase niya ay nakapag-asawa ng foreigner, kitang-kita ang pag-angat ng buhay ng mga ito. Lumipat na sa mas magandang eskwelahan ang kaklase niya dahil biglang yaman ang kapatid nito. Gusto niyang maging ganoon din, ang pagkakaiba nga lang nila ay hindi para sa pamilya ang pinaghuhugutan niya kundi para sa sarili lamang. Para makapagyabang sa mga pinsan niya kung gaano kalayo ang agwat ng buhay nila kung sakali.

Saglit siyang nag isip bago muling nag-type ng sasabihin sa nobyong Amerikano.

Baby, when u come to d philippines? Let’s get married and i live with u , sabi niya rito.

Soon babe, simpleng sagot ng kano. Nakaramdam siya ng konting inis, puro soon ang sagot nito! Bumuntong hininga siya bago nagtuloy sa pangungumbinsi, hindi siya pwedeng sumuko. Kailangan niyang mauto ito na kunin na siya at dalhin na sa Amerika, excited na siyang mag-buhay Donya!

Araw-araw ay iyon lang ang ginagawa ni Kristina, kakain, matutulog at makikipagchat kay Bill, ang amerikano. Isang gabi ay ganoon na lamang ang pagsigaw niya nang mabasa ang chat ni Bill. Napasugod pa ang nanay niya sa kanyang kwarto.

“Ano bang nangyayari sa iyo Kristina at nagsisisigaw ka riyan?” natatarantang sabi nito.

“Nay kukunin na raw ho ako ni Bill! Asikasuhin ko na raw ang papel ko at magsasama na kami sa Amerika!” sigaw niya, pero sa halip na tuwa ay lungkot at pag-aalala ang nasa mukha ng kanyang ina.

“Sigurado ka ba dyan anak na doon ka na titira? Hindi mo ka-lahi iyan, iba ang kultura. Baka mamaya’y hindi kayo magkasundo, paano ka uuwi rito?” nababahalang sabi nito.

“Nay madali kong mauuto si Bill! Mayaman na ako, hindi ka ba natutuwa? Maiinggit sa akin ang mga pinsan ko, lahat ng kamag-anak natin! Paano kasi sila habang buhay nalang kakayod para lumamon, ako sa Amerika na titira!” muntik pa siyang mapatalon sa sobrang saya. Napapailing na lang naman ang kanyang ina at di na umimik pa, halata namang hindi magpapatinag ang kanyang anak sa desisyon nito. Ipagdarasal niya na lamang na sana ay hindi ito nagkakamali.

Mabilis lumipas ang panahon at naayos na ni Kristina ang kanyang mga papeles, sumapit na rin ang araw ng pag-alis niya sa Pilipinas. Ang kanyang mga kamag-anak walang hangad kung hindi ang mapabuti ang buhay niya sa ibang bansa, habang inihahatid siya ng mga ito sa airport ay taas noo at nakaismid na si Kristina. Hindi pa man nakakahawak ng aktwal na salapi akala mo ay kaya nang bumili ng pagkatao ng iba.

“Baby, I’m here at airport, where r u?” text niya sa number ni Bill nang makarating siya sa airport sa Amerika.

“Just book a cab, here’s the address.” at ibinigay nito sa kanya ang address ng bahay nito, nakaramdam man siya ng konting inis dahil di man lang siya sinundo nito at isinawalang bahala niya na lamang. Syempre ganoon talaga ang mayayaman, hindi masyadong lumalabas ng bahay.

Pero taliwas sa inaasahan ang madaratnan niya, may kalakihan nga ang bahay nito pero luma iyon at makalat. Napakaraming tao rin sa bahay nito nang dumating siya.

“Who are they baby?” tanong niya rito nang makapasok siya sa bahay, lahat ng tao ay nakatingin sa kanya.

“They’re my children, these kids are my grandchildren,” sabi ni Bill at hinalikan siya, hinawakan pa nito ang pwet nya sa harap ng maraming tao. Medyo nailang si Kristina pero wala naman siyang magawa.

Hindi niya alam na may mga anak pala si Bill, ang pakilala nito sa kanya ay matandang binatang pensyonado. Para silang sardinas sa bahay na iyon, hindi pa man din niya nailalagay sa kwarto ang kanyang bagahe ay nagsalita na ang sa tingin niya ay panganay na anak ni Bill.

“Kristina! Perfect timing, the dirty dishes are waiting for you,” sabi nito at sinundan iyon ng halakhak, nagtawanan rin naman ang iba pang mga tao. Akala niya ay nagbibiro ito pero nagulat pa siya nang igiya siya ni Bill sa lababo at senyasan siyang hugasan ang maruruming pinggan.

“I’ll wait for you in my room,” sabi lang nito at muling tinapik ang pwet nya. Ganoon ang buhay ni Kristina sa Amerika, parang katulong kung itrato siya ng mga anak ng boyfriend, alam naman daw kasi ng mga ito na pera lang ang habol niya. Habang ginagawa naman siyang parausan ni Bill sa gabi at kapag tumatanggi siya ay sinasaktan siya nito, gayunpaman, wala naman siyang natitikmang pera. Ni hindi siya makatawag sa kanyang ina sa probinsya. Apat na buwan siyang nakatiis sa ganoong buhay nang maisipan niyang humingi ng tulong sa embassy ng Pilipinas doon.

Nakauwi siya sa Pinas na luhaan at may ilang pasa. Nag-a-alalang niyakap siya ng kanyang ina. Naroon rin ang mga tiya niya at pinsan, nahihiya siyang humingi ng tawad sa mga ito.

“Sorry, nagmalaki kasi ako. Sa paghahangad kong makapagyabang ay ganito ang inabot ko,” sabi niya, nanginginig pa siya sa bisig ng nanay niya.

Nakakaunawa namang tumango lang ang kanyang mga tiya at kamag-anak, sino pa ba ang magdadamayan kundi silang pamilya lang.

Hindi naman lahat ng lahi ay masama ang ugali. Karma ang inabot ni Kristina- masama ang kanyang intensyon sa pagpunta sa Amerika kaya natikman niya ang hinahanap niya.

Advertisement