
Sa Kabila ng Kahirapan ay Nagpursige pa rin ang Binata Upang Maiahon sa Hirap ang Kaniyang Pamilya; Tunay Nga Kayang Lahat ng Nagsusumikap ay Tiyak na may Aanihin sa Hinaharap?
Masayang naglalakad pauwi si Jose sa kanilang munting tahanan dala-dala ang pagkaing ganyang nabili gamit ang perang kaniyang nalikom sa pangangalakal gayong araw.
Lumaki sa hirap si Jose. Nakatira lamang sila ng kaniyang pamilya sa squatter sa Maynila. Namamasada lang ang tatay niya habang ang nanay niya naman ay walang trabaho at siyang nag-aasikaso sa bahay nila at inaalagaan silang anim na magkakapatid.
“Nay, may dala po akong bigas at ulam! Nakuha na po kasi yung sahod ko sa pagtutor sa mga anak ni Ninang Lolet,” natutuwang balita ni Jose sa ina. But it ang bigas, mga de latang ulam at iba pang mga pangangailangan nila sa bagay.
“Nabili ko na rin po kayo ng gamot ‘Nay,” sabay abot nang binata sa ina ng gamot nito.
“Nako! Maraming salamat anak, napaka swerte talaga namin sa’yong bata ka! Gwapo at matalino na nga ay ubod pa ng sipag at bait!” natutuwang salubong sa kaniya ng nanay niya at hinalikan siya sa noo. Napangiti naman ang binata. Likas talaga kasing malambing ang nanay niya. Nginitian niya rin ang kambal niyang kapatid na babae na nasa tabi ng nanay nila.
Si Jose ang panganay sa kanilang anim na magkakapatid. Siya din ang pinakapaboritong anak ng kaniyang mga magulang at inaasahang magtataguyod sa kanilang pamilya.
Bata pa man ay ginagawa niya na ang makakaya niya ng kahit sa paano ay makatulong sa kaniyang pamilya. Matalino si Jose kaya naman nagtututor siya sa mga anak ng Ninang Lolet niya at mga pamangkin nito.
Sa dami nilang magkakapatid at inang mahina ang katawan ay hindi sapat ang kinikita ng tatay nila sa pamamasada nito. Kulang kasi talaga ang kinikita ng kaniyang ama sa araw-araw para sa kanilang mag-anak.
Pero simula noong nakapagtutor siya ay kahit papaano ay gumaan gaan din Ang buhay nila. Rumaraket din pa minsan-minsan Ang binata kasama ang mga kaibigan nito. Kumakanta at nagsasayaw sila sa mga mahahalagang okasyon at sumasali din sa mga contest.
“Nako sayang naman ang talino mo Jose kung hindi mo ipagpapatuloy ang pag-aaral mo,” malungkot na saad ng teacher ng binata ng sabihin niya rito na baka Hindi na muna siya pumasok sa kolehiyo.
“Opo ma’am. Yung ipon ko po kasi nagamit namin nung isang buwan nang kinailangan ni nanay na operahan eh,” paliwanag niya sa guro.
“Napakabait mo namang anak Jose. Kung gusto mo ay tutulungan kitang makahanap ng scholarship sa kolehiyo. Nang sa ganun ay wala ka nang problemahin sa tuition mo, pag-igihan mo lamang ang iyong pag-aaral. Pwede din kitang tulungan na makakuha ng student loan. Sigurado naman akong magiging matagumpay ka sa buhay dahil sa talino at sipag mo,” alok pa nito.
“Talaga po? Nako, maraming salamat po talaga ma’am! Gagawin ko po ang lahat ng makakaya ko para hindi po kayo mabigo ma’am!” nagagalak at walang tigil na pasasalamat ni Jose sa kaniyag guro.
Kumuha ng exam si Jose at wala namang naging problema sa kaniyang scholarship dahil agad niya namang naipasa ang lahat ng exams na ibinigay sa kaniyang ng unibersidad na kaniyang papasukan. Nagpaalam din siya sa eskwelahan kung maaari ba siyang magtrabaho habang nag-aaaral.
“Usually kasi, hindi namin pinapayagan ang mga estudyante o scholars namin na magtrabaho dahil nakaka-apekto ito sa kanilang performance sa academics nila. Pero dahil matataas naman ang mga markang nakuha mo sa exam mo at as long as maipapangako mong kaya mong e maintain ang mga grades mo, ay wala tayong magiging problema,” mahabang paliwanag sa kaniya ng presidente ng unibersidad na kaniyang papasukan. Malugod namang tinanggap ng binata ang mga kondisyon nito at nangakong gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya.
Nagpatuloy si Jose sa pagtutor. Dahil sa taas ng mga marka niya sa skwela ay mas rumami pa ang mga batang nagpapatutor sa kaniya. Nag-apply din siya bilang isang manunulat.
Sa umaga ay nag-aaral si Jose, samantalang pagkatapos ng klase hanggang sa gabi naman ay nagtratrabaho siya. Hindi naging madali ang lahat para sa binata. Madaming beses ginusto niya ng sumuko dahil sa hirap na ipagsabay ang trabaho at pag-aaral, halos wala siyang tulog parati.
Ngunit sa tuwing naiisip niya ang kaniyang pamilya ay muli siyang nabubuhayan ng loob para magpatuloy at magsikap pang lalo.
Mabilis na lumipas ang mga taon at sa wakas ay nakapagtapos na rin si Jose. Marami siyang karangalang natanggap sa kaniyang pagtatapos at agad niya ding naipasa ang kanilang board exam. Ngayon ay isa nang ganap na engineer si Jose.
Unti-unting naka-ahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Napagtapos rin ni Jose ang kaniyang mga kapatid at tulong-tulong silang pina-unlad ang pamumuhay nilang pamilya.
Tulong-tulong sila upang mabilhan ng bahay at lupa ang kanilang mga magulang at nakapagpatayo ng isang maliit na grocery store ang kanilang ina.
Naging sobrang hirap man ng kanilang pinagdaan ay hindi pa rin sila sumuko at patuloy na lumaban. Dahil sa pagpupursige ni Jose ay nakamit niya rin sa huli ang bunga ng lahat ng kaniyang paghihirap.
Kailanman ay wala tayong magagawa kung sino o ano tayo paglabas natin dito sa mundo. Hindi natin makokontrol kung ipapanganak tayong mayaman o mahirap. Pero hindi ibig sabihin nun ay wala na tayong magagawa para sa kinabukasan natin. Pakakatandaan na hawak natin ang ating kapalaran.
Sa buhay natin, hindi talaga maiiwasan ang problema dahil parte ito ng buhay. Kaya imbis na iwasan ito ay buong tapang sana natin itong harapin at huwag tayong magpatalo sa pagsubok ng buhay. Sa halip, magpatuloy tayo sa pagpupursigeng makaahon sa hirap. Nawa’y huwag tayong panghinaan ng loob at ‘wag sana tayong mawalan ng pag-asa. Sapagkat habang may buhay, may pag-asa.

Bukod sa Magandang Mukha ay Nagtataglay ng Magandang Buhok ang Dalaga Kaya Nagustuhan Siya ng Binata; May Pinakatatago Pala Siyang Lihim
