Hiniwalayan ng Binata ang Nobya at Pinagsabihan ng Masasakit na Salita; Sampung Taon ang Lumipas saka Nalaman ng Dalaga ang Totoong Dahilan Nito

“Teka bes, ‘di ba si Erick yun?” mabilis na kumilos si Ivy at hinabol ang lalaking natanaw sa ‘di kalayuan. Pipigilan pa sana siya ng matalik niyang kaibigan na si Angel pero huli na dahil sa bilis kumilos ng dalaga.

“Erick,” tawag ni Ivy sa binata ng sa wakas ay naabutan niya rin ito. Nagulat ang lalaki ng makita siya at agad na kumunot ang noo.

“Ikaw na naman? Pwede ba Ivy, utang na loob, maawa ka naman sa sarili mo. Tantanan mo na ako! Ilang buwan na tayong tapos, okay? Mag move on ka na, nagmumukha ka nang desperada sa ginagawa mo,” pagkatapos sabihin iyon ay agad ding naglakad paalis si Erick at iniwan si Ivy na halatang sobrang nasaktan sa kanyang narinig.

Gaya nga nang sinabi ni Erick ay ilang buwan na din silang hiwalay ng dalaga ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin sumusuko si Ivy. Hindi niya kasi magawang paniwalaan na ganun lang kadali na kalimutan ang lahat ng pinagsamahan nila.

Nasa high school palang si Ivy habang nasa kolehiyo naman si Erick. Iisa lang ang unibersidad na kanilang pinapasukan kaya naman hindi naging mahirap ang pagkikita nila. Masaya sila at marami rin silang nabuong pangarap na magkasama.

Pero hindi inakala ni Ivy na maaari rin palang matapos ang lahat ng kaligayahan nila. Isang linggo bago ang sana’y first anniversary nila ni Erick ay bigla na lamang nakipaghiwalay sa kaniya ang binata.

“Pero bakit? Ang sabi mo sa’kin mahal mo ako. Ang sabi mo ako lang ang mamahalin mo. Bakit ka nakikipaghiwalay? Hindi ko maintindihan Erick!” hindi niya man lang makitaan ng kahit na anong emosyon ang binata. Nasasaktan siya sa kanyang nakikita. Naguguluhan siya.

“And that was not a lie. Ikaw lang ang minahal ko,” sagot niya sa dalaga.

Advertisement

“Minahal? So, hindi mo na ako mahal ngayon?” unti-unti ng tumulo ang mga luha ni Ivy sa kanyang mga mata. Umiwas naman ng tingin sa kaniya si Erick.

Kitang-kita ng binata ang sakit sa mga mata ng dalaga. Umiwas siya ng tingin sa mga mata nito dahil hindi niya kayang makitang nasasaktan ang babaeng mahal niya. Umiwas siya ng tingin dahil baka bawiin niya ang kaniyang mga sinabi, yakapin ito ng mahigpit at humingi ng tawad rito.

Pero hindi niya pwedeng gawin iyon. Matagal tagal niya na rin namang pinag-isipan ito ng mabuti. Kaya bago pa magbago ang isip niya ay agad siyang tumayo sa pinagkakaupuan niya.

“Nasabi ko na ang gusto kong sabihin. Kailangan ko ng umalis. Bye Ivy, salamat sa lahat. Sana matupad mo ang mga pangarap mo,” tinawag pa siya ulit ni Ivy ngunit hindi niya na ito pinansin at tuloy-tuloy lang hanggang sa makalayo na siya sa dalaga. Ngayon ay maari niya ng pakawalan ang kaniyang mga luhang kanina pa nagbabadyang tumulo dahil sa sakit na kaniyang nadarama.

Hindi din naging madali para kay Erick ang paghihiwalay nila. Lalo na nakikita niyang hindi pa rin siya sinusukuan ng dalaga. Umabot pa nga sa puntong lumuhod pa ang dalaga sa harap niya para lamang balikan niya ito.

Sa bawat masasakit na salitang binibitawan niya sa dalaga ay para siyang sinasaksak sa puso. Alam niyang sobrang sama niya at pareho lamang silang nasasaksaktan sa ginagawa niya pero ito nalang ang alam niyang paraan para matulungan ang dalaga na matupad ang mga pangarap nito.

“Para din naman sa’yo ‘to babe. Sana balang araw, mapatawad mo rin ako,” bulong niya habang nakatingin sa likod ng papalayong si Ivy kasama ang matalik na kaibigan nito.

Apat na taon ang agwat nila ni Ivy sa isa’t isa pero hindi ito naging hadlang sa kanilang pagmamahalan. Bata pa man si Ivy ay napaka mature naman ito. Nagkakilala sila dahil pareho silang naging volunteer ng Red Cross sa campus nila.

Advertisement

Pareho rin nilang pangarap ang maging isang doctor. Doon nagsimula ang lahat.

Mahal na mahal niya si Ivy. Alam niyang hindi na siya ulit makakahanap ng babaeng mamahalin niya ng kagaya ng pagmamahal niya rito. Pero kinailangan niya itong hiwalayan.

Ginawa niya iyon dahil ayaw niyang maging sagabal siya sa mga pangarap ni Ivy. Napapansin niya kasi na nawawalan na ng focus sa pag-aaral ang dalaga ng dahil sa kanya. Simula kasi ng maging sila ay unti-unti na ring bumaba ang mga grades nito dahil masyadong nawawalan na ng focus.

Nakaplano na ang lahat para kay Ivy. Bata pa lamang ang dalaga ay plinano niya na ang lahat. Kung saan siya mag-aaral, saan siya magrereview at kung saan siya magtratrabaho sa oras na maging ganap na doctor na ito.

Sobrang hirap makapasok sa unibersidad na pinapangarap pasukan ng dalaga at natatakot siyang siya ang maging dahilan kapag hindi ito pumasa o matanggap. Hindi niya mapapatawad ang sarili kung siya ang magiging rason ng pagkasira ng mga parangap ni Ivy.

Labis siyang nasasaktan sa nakikitang paghihirap ng dalaga ngunit alam ng binata na hindi titigil si Ivy hangga’t hindi niya naipapamukha sa kaniya na ayaw niya na talaga.

“Sige na Mila, tulungan mo na ako. Just this once please?” paki-usap niya sa ex-girlfriend niyang pinagseselosan ni Ivy.

“Pero Erick, hindi tama ang ginagawa mo. Bakit mo ba sinasaktan si Ivy na pareho naman nating alam that you’re still in love with her?”

Advertisement

Pinaliwanag ni Erick sa dalaga ang rason kung bakit niya ginagawa ang bagay na ito. Hindi man sang-ayon sa paraang kaniyang naisip ay pumayag na rin naman si Mila.

Umepekto naman ang plano niya dahil nang makita silang magkasama ni Ivy ay bakas sa mukha nito na halos mawasak ang mundo niya. Ngayon sigurado na siyang tatantanan na siya ni Ivy at kasusuklaman.

Nakita ni Erick kung paano naging miserable si Ivy dahil sa ginawa niya sa dalaga, nasasaktan siya sa tuwing nakikita niya ito. Nagsisimula na siyang tanungin ang sarili niya kung tama nga ba ang ginawa niya para matulungan ang dalagang abutin ang kanyang pangarap.

Si Ivy kasi yung tipo ng tao na kapag dina-down ay mas lalong namo-motivate na ipamukha sa ibang tao na kaya niya. Kaya d-in-own niya ang dalaga. Pinamukhang wala siyang kwenta at hindi niya kaya. Para magpursige itong ipakita sa kanya kung ano ang kaya niya.

Bigla namang ngumiti ang dalaga at pinunasan ang kanyang mga luha. Iyon ang huli nilang pagkikitang dalawa.

Alam niyang sobra niyang nasaktan si Ivy at madalas ay gusto niyang magsisi sa lahat ng kanyang nagawa rito pero lahat naman ng sakripisyo niya ay nagbunga bumalik na sa dati ang dalaga na parating naka-focus sa kaniyang pag-aaral.

Nabalitaan niya ring tumaas na ulit ang grades nito. Mas lalo na nung sa wakas ay nakamit na rin ng dalaga ang matagal niya ng pangarap.

“I know you can do it. Ngayon, wala na akong pinagsisisihan,” lumuluha niyang bulong sa sarili habang nakatingin sa pangalan ng babaeng pinakamamahal niya.

Advertisement

Hindi lamang bastang nakapasa si Ivy sa Physician Board Exam kundi isa rin ito sa Top 10 passers. Sobrang proud ni Erick sa dalaga. Mas masaya pa nga ata siya ngayon kaysa noong siya ang nakapasa at naging isang ganap na doctor.

Pero kung inaakala ni Erick na doon nagtatapos ang kwento ni Ivy ay nagkakamali siya.

“Alam ko na ang lahat. Hindi sinasadyang nagkita kami ni Mila noong nagrereview pa lamang ako. She told me everything,” saad ni Ivy. Hindi niya inaasahan na ito ang madadatnan niya nang tawagan siya ni Mila at pinapunta sa coffee shop na malapit sa ospital na pinagtratrabahuan nila.

“Gusto kitang puntahan ng mga oras mismong iyon pero naisip ko na ayaw kong sayangin lahat ng ginawa mo. Oo sobra akong nasaktan. Umabot pa ako sa puntong kinamuhian kita pero lahat ng iyon ay naglaho nung nalaman ko ang tunay mong dahilan. That’s why I give it everything I had. I don’t want to disappoint you. Hanggang ngayon, mahal na mahal pa rin kita Erick,” tumulo ang mga luha sa mga mata ni Ivy at marahan naman itong pinunasan ng binata. Pagkatapos ay hinawakan niya ang kanang pisngi nito at tinignan ito sa mga mata.

Sobrang dami ng gustong sabihin ni Erick sa babaeng pinakamamahal niya pero walang salitang lumabas sa kanyang bibig. Imbis na salita ay idinaan na lamang ng binata sa isang halik ang mga salitang nais niyang sabihin sa dalaga.

Nagsimula muli ang dalawang. Sabay nilang tinupad ang mga pangarap nilang binuo ilang taon na ang nakalilipas. Sinimulan nila ito sa pagpapatayo nang isang maliit na klinika sa nagbibigay ng libreng check up sa mga mahihirap.

Ilang taon mang nagkahiwalay at nagkasakitan, kung tunay ang pag-ibig na nararamdaman ay siguradong sa huli ay pusong nagmamahal pa rin ang magwawagi.