Inday TrendingInday Trending
Kung Ano ang Puno, Siya Din ang Bunga

Kung Ano ang Puno, Siya Din ang Bunga

Bata pa lang si Kendra ay hinuhusgahan na siya ng lahat dahil sa ina niya. Alam kasi ng lahat kung anong klase ang kaniyang ina, kaya iniisip din ng lahat na ganun siya. P*kpok daw kasi ang mama niya at kabit ng kahit sinong lalaki, isinusuka na ito ng baryo nila. Kaya pati siya ay ganun din ang turing ng mga tzo, dahilan upang lampas langit ang galit niya sa ina. Labis ang kaniyang pagkamuhi dito, at nagsisisi siya kung bakit ito pa ang kanyang naging ina.

Lumaki siyang masama ang tingin sa kanya ng karamihan, may lumapit lang na lalaki sa kaniya, masama na agad ang ibig sabihin. Kaya lumaki siyang walang kaibigan sa lugar nila, dahil para bang mayroon siyang nakakahawang sakit kung ituring ng mga tao.

Hanggang sa nakilala niya si Nathaniel, kasama niya sa trabaho at ito lang ang lalaking bukod-tanging hindi nag-alinlangang kaibiganin siya, kahit alam na nito ang buong kwento ng masalimuot na buhay niya, kaya hindi niya maiwasang hindi mahulog sa lalaki.

“Mahal kita, Nathaniel,” pagtatapat ng dalaga na labis na ikinagulat ng lalaki.

“K-kaso Kendra, may asawa na ako,” nauutal na tugon ni Nathaniel.

Siya naman ang nagulat sa inamin ng lalaki, dahil ang buong akala niya ay binata pa ito, hindi kasi halatang may asawa na ang lalaki. Sinubukan niyang umiwas kaso hindi niya magawa, napamahal na siya kay Nathaniel at nahihirapan na siyang lumayo rito.

Kaya pinagkasya niya ang sarili sa pagiging kaibigan ng lalaki. Naging mas malapit pa sila, hanggang sa dumating ang araw na nagkaroon ng problema sa asawa ang lalaki. Sinamantala niya ang pagkakataong iyon upang mas mapalapit pa kay Nathaniel.

Lagi na silang sabay umuwi, hinahatid na siya nito sa bahay nila at minsan ay sabay pa silang kumain. Noong gabing nalasing silang dalawa ay may nangyari sa kanila. Ang akala niya ay doon na matatapos ang lahat, ngunit nasundan iyon ng nasundan. Naging isang kabit siya at nakipag-relasyon kay Nathaniel ng patago.

“Kailan mo ba iiwan si Sherly? Para tayong dalawa na lang ang magsama,” tanong ni Kendra.

“Humahanap lang ako ng tiyempo, Kendra. Sa ngayon huwag muna nating isipin ang bagay na iyon, ang mahalaga ay masaya tayo sa isa’t-isa,” wika naman ni Nathaniel, ngumiti siya bilang tugon at siniil naman siya nito ng halik.

Kinamumuhian niya ang pagiging kabit ng kaniyang ina, ngunit hindi niya akalain na tinatahak na niya ang parehong landas na tiahak nito. Gusto man niyang kasuklaman ang sarili ay hindi niya magawa. Mahal na mahal niya si Nathaniel at hindi niya kayang mawala ito.

“Kendra!” galit na tawag sa kaniya ng babaeng hindi niya kilala. “Ahas ka! Mang-aagaw ka ng asawa,” galit na sigaw nito sabay hablot sa buhok niya.

“Sino ka! Aray naman!” nasasaktan niyang wika. Nakahinga siya ng maluwag nang bitawan nito ang kaniyang buhok at sabay tumayo sa harapan niya upang duru-duruin siya.

“Ako lang naman ang asawa ni Nathaniel! Ako lang naman ang babaeng inaagawan mo ng asawa! Ang kapal ng mukha mong landiin ang asawa ko, sa palagay mo ba iiwanan niya ako para sa’yo? Isa ka lang parausan ni Nathaniel!” sigaw ng galit a babae, dahilan upang makaramdam siya ng hiya.

“Ngayon pa lang, Kendra, gumising ka na sa ilusyong maaagaw mo ang asawa ko. Ano ka lang ba niya? Isa ka lang kabit! Parausan! Kirida at kung ano-ano pa! Ito lang ang sasabihin ko sa’yo, hanggang d’yan at hinding-hindi mo mapapalitan ang pwesto ko, kirida!” sigaw pa ng galit na babae at agad na umalis.

Naiwan siyang hiyang-hiya sa sarili. Ang lalaking akala niya ay magtatanggol sa kaniya’y tumakbo papunta sa asawa nito. Ang lahat ng ipinangako nito sa kaniya ay nalusaw na lang na parang bula.

Tama ang asawa ni Natahaniel, hanggang kabit nga lang siya at hinding-hindi niya ito mapapalitan sa buhay sa buhay ng lalaki. Umiiyak siyang naglakad sa gitna nang mapanghusgang mga mata ng mga kasamahan.

Parang gusto na lamang niyang lamunin siya ng lupa sa sobrang kahihiyan. Ngayon ay naiintindihan na niya ang kung ano ang nararamdaman ng kaniyang inz sa tuwing sinusugod ito ng mga asawang galit na galit rito.

Nagpahinga siya sa trabaho upang umuwi sa Montalban at dalawin ang kaniyang mama. Nahihiya na siyang pumasok sa trabaho, Mula nang nangyari ang panggugulo ng asawa ni Nathaniel ay iniwasan na siya nito at iba na ang tingin ng mga katrabaho niya sa kaniya. Para na naman siyang may sakit na nakakahawa kung layuan ng mga ito.

“Ma,” tawag niya sa ina at agad itong niyakap. Hindi niya aakalain na kakailanganin niya ang mama niya sa ganitong sitwasyon.

Ginising yata siya ng Diyos at pinakita sa kaniya kung ano ang nararamdaman noon ng kaniyang ina. Hindi madaling maging kabit, hindi niya ginustong mahalin si Nathaniel kahit alam niyang may asawa na ito. Ito lang kasi ang lalaking nagparamdam sa kaniyang may halaga siya. Kaso kahit kailan ay hinding-hindi ito mapapa-sakaniya. Dahil sa huli ay pipiliin nito ang pamilya. At ang mali ay kailanman hindi magiging tama.

Advertisement