Inday TrendingInday Trending
Anong Meron Sa Kaniya Na Wala Ako

Anong Meron Sa Kaniya Na Wala Ako

Mahal na mahal ni Sarita ang kaniyang asawa na si Paul at ang nag-iisa nilang anak. Buong buhay niya ang inaalay niya para sa kaniyang pamilya.

“Asawa ko, baka ma-late ka na naman sa trabaho mo. Naihanda ko na ang sapatos mo at ang uniporme mo, pati ang pagkain sa mesa ay nakahanda na rin, kaya bilisan mo na ang pagligo d’yan,” wika ng babae.

“Opo, asawa ko. Minamadali ko na nga dito e,” malambing na wika ni Paul.

Masaya siyang sinisilbihan ang asawa kahit na hindi pa siya magkandaugaga sa pag galaw, basta ang mahalaga ay mapagsilbihan niya ang kaniyang mahal na asawa.

“I love you asawa ko, aalis na ako,” sambit nito sabay halik sa labi ng asawa.

“Mag-iingat ka asawa ko ah? I love you, too,” tugon naman ng babae. Nawawala ang pagod niya lalo na kapag nakikita niyang masaya ang asawa’t anak niya.

Ang buong akala niya ay tuloy-tuloy na iyong kaligayahan na iyon, ngunit tama nga ang sinasabi nang karamihan na ang kakambal ng saya ay ang lungkot.

“Oyy, Sarita, nakita ko kaya ang asawa mo na may kasamang ibang babae doon sa may Farmers Cubao. Ang sweet nila at mukhang may relasyon ang dalawa,” wika ni Jane.

“Ano? Baka kamukha lang niya, imposible naman na ang asawa ko iyon. Lagi kayang pumapasok sa trabaho si Paul at hindi uma-absent,” pagtatanggol pa niya.

“Hindi ako pwedeng magkamali, Sarita. Sigurado akong si Paul iyong nakita ko, hindi naman ibig sabihin na araw-araw siyang pumapasok sa trabaho ay sa opisina talaga iyon pumunta.

Bakit sinusundan mo ba siya para malaman mong sa opisina talaga siya mismong pumupunta? Naku! Hindi masamang magtiwala, pero minsan dapat maniguro din tayo,” dagdag pa ng kaibigan at saka umalis sa harapan niya.

Mula noong nakausap niya si Jane ay hindi na niya maiwasang hindi mag-isip at magduda. Hanggang sa naisip niyang sundan nga ang asawa upang siguruhin kung tama bang magtiwala na lang siya rito. Ngunit laking gulat niya nang tinahak ng sasakyan nito ay ibang daan at hindi papunta sa opisina. Saan nga kaya ito pupunta?

Gusto niyang maglupasay sa kakaiyak nang masaksihan niya ang dalawang taong naghahalikan mula sa ‘di kalayuan sa pwesto niya. Ang asawa niya at ang seksing babae, sobrang sweet sa isa’t-isa habang panay ang yakapan na animo’y mga tuko na mahirap paghiwalayin.

Anong kulang sa kaniya? Anong naging mali niya? Anong nagawa niya upang gawin ng asawa niya ang bagay na ito? Pilit niyang pinipigilan ang luha habang marahan na naglakad sa pwesto ng dalawang kanina pa niya pinapanuod.

“Asawa ko…” pagtawag niya rito dahilan upang lumingon ito sa gawi niya. “Akala ko pumasok ka sa opisina. Bakit nandito ka?” pilit niyang kinakalma ang sarili kahit na ang totoo ay nais na niyang magwala.

“Sarita,” sambit ng lalaki sa pangalan niya. Nakikita niyang naguguluhan ito at hindi malaman kung ano ang gagawin.

“S-sino siya? Siya ba ang babaeng ipapalit mo sa’kin? Alam mo ba kung ano ang pinakamalaking pagkakamali ang ginawa ko? Iyon ay ang magtiwala ako sa’yo ng sobra-sobra at mahalin ka ng higit pa sa buhay ko.

Halos sa’yo na umiikot ang mundo ko, Paul. Ikaw na ang naging buhay ko pero bakit? Bakit nagawa mo pa rin sa’kin ito? May nagawa ba akong pagkakamali? Nagkulang ba ako? Nasaktan ba kita? Ano bang nagawa ko Paul?” umiiyak niyang sambit.

“Sarita,” akma siya nitong yayakapin na agad namang naiwasan ng babae.

“Huwag mo akong hahawakan! Nandidiri ako sa’yo!” galit na wika ni Sarita.

“Sarita, patawarin mo ako. Mahal kita, sobra, at alam nang Diyos na mahal na mahal kita. Pero hindi na ako nasasabik sa relasyon natin. Hindi ka nagkulang sa pag-aalaga sa’kin, wala kang nagawang masama. May hinanap lang ako na hindi mo kayang ibigay,” wika ni Paul.

“Ano?! Anong hinanap mo? P*ke ng ibang babae? Naghanap ka nang ibang putahe dahil nagsawa ka na sa’kin? Ngayon ko lang nalaman na ang babaw mo palang lalaki!

Ang buong akala ko, isang kang lalaki na kayang panindigan at iwasan ang isang bagay na magpapasira sa pamilya natin. Ang taas ng tingin ko sa’yo, pero katulad ka lang pala ng karamihan, walang kwenta! Nandidiri ako sa’yo at ayoko nang makita ang pagmumukha mo,” mariin na sabi ni babae at saka nagsimulang maglakad papalayo sa dalawang taong labis siyang sinaktan.

Binuhos niya ang lahat ng pagmamahal niya para sa asawa at halos wala nang itinira para sa kanyang sarili. Kaya ang sakit-sakit malaman na niloko siya nito, dahil naghanap ito ng ibang kaligayahan na hindi na makita sa kanya. Ang buong akala niya’y kuntento na ito at masaya na sa kaniya, hindi pa pala.

Tuluyan siyang nakipaghiwalay kay Paul. Kasama ang anak, umuwi siya ng probinsya upang doon magsimula ng panibago. Hindi lahat ng pagkakamali ay dapat bigyan ng isa pang pagkakataon. May mga kaniya-kaniyang dahilan ang bawat tao at para sa kaniya, hindi niya kayang tanggapin ang ginawa ng kaniyang asawa. Puno na ng takot ang kaniyang puso at nahihirapan na siyang magtiwala pang muli.

Makalipas ang dalawang taon, biglang naging matagumpay na negosyante si Sarita. Pumatok ang itinayo niyang maliit na kainan, na ngayon ay isang kilalang restawran na. Di na siya muling nag-asawa pa at nakuntento na lamang sa buhay na kasama ang anak.

Ang huling balita naman ni Sarita sa dati niyang asawa ay naaksidente daw ito at ngayon ay wala nang trabaho at nabubuhay na baldado. Totoo ngang hindi natutulog ang karma, dahil parang impyerno daw ang buhay nito ngayon kasama ang kabit. Tunay nga na kung ano ang itinanim, siya din ang aanihin.

Advertisement