Inday TrendingInday Trending
Muling Binuhay Mo

Muling Binuhay Mo

Sampung taon ang itinagal ng relasyon ni Olivia at Samuel, mula pa noong nasa highschool sila ay naging magkasintahan na ang dalawa. Ngunit sa hindi niya malamang dahilan ay biglang nagbago ang pakikitungo ng lalaki sa kaniya. Bigla na lamang itong nanlamig at nakipaghiwalay.

“Olivia, patawarin mo ako pero hindi na ako masaya sa relasyon natin. I need space at gusto kong hanapin ang sarili ko,” wika ni Samuel.

Bakit kailangan nitong hanapin ang sarili? Naliligaw ba ito mula nung naging sila? Nagmakaawa ang dalaga, lumuhod at umiyak, huwag lang siyang iwanan ng lalaki dahil hindi niya kakayanin.

“Olivia, hindi na nga kita mahal. Hindi ko na kayang dayain ang sarili ko. Hindi na ikaw ang nilalalaman ng puso ko,” naiinis na wika nito habang nakikiusap siyang bigyan ng pagkakataon ang relasyong ilang taon nilang iningatan.

“Ganun na lang ba kadali ang lahat para sa’yo, Samuel? Paano ako? Naibigay ko na ang lahat-lahat ko sa’yo. May magmamahal pa ba sa’kin?” nagsusumamo niyang wika.

“Tapos na ang lahat sa’tin, Olivia, hindi na kita mahal. Kung wala nang magmamahal sa’yo na lalaki, pwede ka namang magmahalang t*mboy,” anito dahilan upang mahinto ang kaniyang pag-iyak.

Pakiramdam niya ay sinampal siya nang isang matigas na bagay dahil sa narinig. Sobra na ba siyang kawawa? Masyado na bang mababa ang pagkatao niya, dahil sa pagmamahal niya sa nobyo? Mula noon ay hindi na siya muling nakiusap pa kay Samuel, itinanim niya sa isip at puso ang huling sinabi ng lalaki. Sapat na ang pagpapakatanga at ayaw na niyang ibaba pa ulit ang sarili.

Tatlong taon na ang nakakalipas mula noong naghiwalay sila ni Samuel, wala na sa puso niya ang sakit pero nasa puso niya pa rin ang takot. Takot na muling magtiwala at magmahal, na baka magaya na naman sa relasyong meron sila ni Samuel noon, na bigla na lang nitong sabihin na hindi na siya mahal at lumisan din.

“Olivia, alam mo ba na may crush sa’yo si Renz?” tanong ni Lourdes ang kaniyang kaibigan sa trabaho. “Kaso natatakot siyang diskartehan ka kasi man hater ka daw. Pero sabi nga niya bet na bet ka daw niya kaya gagawin niya ang lahat mapalapit lang sa’yo,” dagdag pa nito.

“Kahit huwag na. Pare-pareho lang naman kasi ang lalaki,” maiksi niyang tugon.

“Oy, grabe ha? Confirm nga friend, man hater ka,” sambit nito at saka umalis sa harapan niya. Kahit ano pa ang sabihin ng lahat, wala siyang pakialam. Pino-protektahan niya lang ang puso niya.

“Olivia, mangga gusto mo?” alok ni Renz.

“Ha? Wala akong pera eh, pass na muna ako,” pagtanggi ni Olivia..

“Hindi ko naman binebenta ‘to. Ibibigay ko sa’yo,” tugon naman ng lalaki, sabay abot ng isang supot ng mangga sa kaniya. “Matamis ‘yan, ako talaga ang pumitas niyan sa bakuran namin.”

“Ah, ganun ba? Thank you ah,” naiilang na sagot ng dalaga.

Hindi iyon ang huling beses na nagbigay si Renz nang kung ano-ano sa kaniya. Kahit tinatanggihan niya ay pilit pa rin nitong iginigiit ang mga bagay na binibigay nito.

“Renz, para saan ba ang ginagawa mong ito?” tanong niya.

“Gusto ko lang na mapansin mo ako kasi gusto kita noon pa, Olivia,” pagtatapat ng binata. “Alam kong ayaw mong may nanliligaw sa’yo, pero bakit hindi mo subukang buksan ulit yung puso mo para makita mo ako. Tunay ang nararamdaman ko para sa’yo, Olivia…”

“Renz, ilang beses ko nang narinig ang bagay na iyan, pero iniwan pa rin ako. Tunay ‘yan ngayon, pero darating ang araw na bigla mo na lang sasabihin sa’kin na hindi mo na ako mahal at hahanapin mo ‘yung sarili mo, tapos makikita na lang kitang nahanap ang sarili sa ibang babae. Kaya ayoko nang maniwala sa ganiyang salita, Renz,” madamdaming sagot ni Olivia.

“Hindi naman lahat ng lalaki ganoon, Olivia. Siguro iyong mga nagdaang lalaki sa buhay mo ay tunay nga ang nararamdaman nila pero hindi talaga sila ang lalaking itinakda para sa’yo. Binigay lang sila ng Diyos para matuto ka sa buhay at sa relasyon, may mga dahilan kaya natin nakikilala ang isang tao.

Malay mo isa sila sa binigay para bigyan ka ng leksyon upang mas maging handa ka sa lalaking nakalaan talaga para sa’yo. Okay lang na masaktan, kasi kasama iyon sa buhay pag-ibig, pero huwag kang matakot magmahal ulit.

Hangga’t ikaw ang nasa puso ko, hihintayin ko kung kailan ka magiging handa, Olivia. Ang pakiusap ko lang sana ay hayaan mo lang akong ipakita sa’yong mahal talaga kita,” pagtatapat naman ni Renz.

Pakiramdam niya nang umalis si Renz sa harapan niya’y nagising siya mula sa pagkakatulog ng mahaba, may punto ang lahat nang sinabi nito. Mula noon ay hinahayaan lang niya ito kung ano ang gusto nitong ibigay sa kaniya at hindi na pinatigil si Renz sa panliligaw sa kaniya.

Kinilala niya ang lalaki at noong naramdaman niyang handa na siyang papasukin ang lalaki sa kayang puso ay agad niya itong sinagot. Labing dalawang taon na mula noong ikinasal sila ni Renz at may dalawang anak na sila na parehong babae at hanggang ngayon ay masaya pa rin sila at mas lalo nilang minahal ang isa’t-isa.

Tama si Renz, nasaktan ka man sa pag-ibig ay hindi iyon sapat na dahilan para ikulong mo ang sarili sa sakit. Buksan mo ang puso mo at huwag matakot magmahal, dahil parte ang sakit sa proseso upang makilala mo ang taong itinakda ng Diyos para sa’yo.

Advertisement