Sa Ating Pagkikita
Ngingiti-ngiti si Jasper, habang titig na titig sa kaniyang cellphone. Ka-text na naman kasi niya ang kaniyang textmate na si Anika.
Sa text lang sila nagkakilala ng babae, nang minsang ma-wrong send siya sa number na ginagamit nito. Nag-reply naman ito nang maayos at doon nagsimula ang kanilang pag-uusap.
Sinubukan niyang hingin ang social media accounts ng babae, ngunit ayaw naman nitong ibigay. Subalit imbis na ma-turn-off ay mas lalong tumaas ang interes niya sa babae dahil sa pagkamisteryosa ng dating nito sa kaniya. Niligawan niya ang dalagang si Anika, hanggang sa mapasagot niya ito ng oo. Sa loob ng ilang buwan ay naging mag-on sila sa text, hanggang sa magkasundo na silang magkita sa personal…
“Mahal, sa SM na lng tayo magkita, ha?” ani ni Anika sa text message na ipinadala nito sa binatang si Jasper.
“Sige, mahal. Sabi mo e,” sagot naman ng binata.
“Kulay dilaw na blouse ang isusuot ko, Mahal, ikaw?” ang tanong ni Anika, maya-maya.
“Kulay blue ʼyong sa akin, Mahal,” agad namang sabi ni Jasper.
Halos hindi mapagkatulog ang dalawa nang gabing iyon, bago ang araw ng kanilang pagkikita. Masaya silang nag-usap sa cellphone at madaling araw na nang nagpasya silang matulog.
Ngunit may sinabi si Anika na talagang tumatak sa isip ni Jasper.
“Mahal, sana, mahalin mo pa rin ako kahit anoʼng mangyari, ha?” sabi ng babae kanina. Talagang ikinakunot iyon ng noo ni Jasper.
Tila naman kinutuban ang binata roon. Kaya ba ayaw nitong ipakita ang mukha nito, kahit sa mga pictures man lang ay dahil—pangit ito?
Dahil doon ay ipinasya ni Japer na ibahin ang kulay ng damit na isusuot niya sa kanilang pagkikita, kaysa sa napag-usapan na nila. Imbes na kulay asul ay kulay itim na polo ang isinuot niya upang hindi siya nito agad makilala.
“Mahal, nandito na ako,” ayon sa text message ni Anika.
“Saan banda, Mahal?” tanong naman ni Jasper sa dalaga. Luminga-linga si Jasper sa paligid hanggang sa mahagip ng kaniyang mata ang isang babaeng nagpipipindot sa kaniyang cellphone sa tapat ng isang book store.
Napalunok ang binata nang makita ang hitsura ng babaeng nakasuot ng kulay dilaw na blouse na may halo ng kulay na kahel bilang disenyo. Mataba ito at may pagkamaitim. Makapal ang mga labi nitong maputla at maitim ang ilalim ng mga mata. Idagdag pa ang namumula-mulang mga taghiyawat sa mukha nitong tila nasunog na sa astringent.
“Nandito ako sa tabi ng book store. Iʼm wearing a yellow blouse.”
…At doon na nga nakumpirma ng binatang si Jasper sa kaniyang sarili na ang babaeng kinahuhumalingan niya sa text ay isa palang—pangit!
Nanlumo ang binata. Tila gusto na niyang umatras sa eyeball nila ni Anika. Ilang minuto rin siyang nakatitig lamang sa cellphone, kahit pa ilang beses din iyong tumunog dahil sa sunod-sunod na text messages na kaniyang na-recieve.
“Mahal?”
“Mahal, bakit ang tagal mo mag-reply?”
“On the way ka na ba or nandito ka na?”
“Mahal, please reply, ASAP.”
Ayon sa ilang text na natanggap niya mula kay Anika na binasa lang ni Jasper.
Handa na sana siya para umuwi at indian-in na lang ang dalaga sa kanilang usapan, nguniy huli na ang lahat. Bago pa namalayan ni Jasper ay nasa harapan na niya ngayon ʼyong babaeng mataba na alam niyang si Anika at tinutungo ang pwesto niya.
“Hi,” bati ng dalaga. “Ikaw po ba si Jasper, Kuya?” sabay tanong nito.
Agad na nagulat si Jasper. Nataranta sa kung ano ang kaniyang gagawin para makaiwas sa babaeng lumapit sa kaniya. Mabuti na lamang at mabilis talagang mag-isip ng paraan si Jasper kayaʼt may ideya na siya upang takasan ito.
“O-ofcourse not! Mukha bang Jasper ang pangalan ng kagandahan kong ʼto? Iʼm Jazzy!” anang binata na ginaya ang tono, pananalita at kilos ng karaniwang binabae nakikita niya sa daan.
“Ay, sorry po. Ikaw lang kasi ang nakikita kong panay ang text dito sa area na ʼto kaya akala ko ikaw ang inaabangan ko,” paghingi ng paumanhin naman ng dalaga.
Tumalikod na ang babae sa kaniya. Nakahinga naman na nang maluwag si Jasper. Pinagmasdan niya ang paglayo ng pangit na babaeng inakala niyang mukhang diyosa noon kapag magka-text sila.
Ngunit nagulat si Jasper nang biglang tumawag nang medyo pasigaw ang babaeng mataba.
“Anika!” hiyaw nito. Ganoon na lang ang windang ni Jasper nang makitang biglang lumitaw mula sa tagong standy ng isang artista sa tapat ng book store ang isang napakagandang babae.
Total opposite ito ng babaeng mataba kanina. Itong bago ay napakaganda ng katawan, napakaputi, nabiyayaan ng magandang dibdib. Nakasuot ito ng purong dilaw na blouse.
“Anika, mukhang in-indian ka na ng boyfriend mo,” dinig pa niyang sabi ng babaeng mataba sa babaeng sexy.
“Hindi, Anne, hindi niya tayo nagustuhan, pero dumating siya. Iyon nga lang… nakalimutan niya yatang may nakaburdang pangalang “Jasper” sa likuran ng suot niyang itim na polo kaya huling-huli na siya.”
Bigla siyang napalingon sa salamin sa kaniyang tapat kayaʼt nakita niyang mayroon ngang nakaburdang pangalan doon!
Napatampal na lang ng noo si Jasper. Sobrang mali na nanghusga siya ng tao kayaʼt ito ang napala niya. Napahiya siya sa mala-beauty queen niya palang girlfriend at ngayon ay pihadong ayaw na nito sa kaniya. Isang malaking SAYANG!