Kapansin-pansin ang isang lalaki na kanina pa lapit nang lapit sa mga kumakaing tao sa abalang kalsada ng Maynila. Mukhang nasa edad trenta hanggang kwarenta anyos ang lalaki. Hindi gula-gulanit ang suot nito, ngunit bakas sa kanyang itsura ang paglalaboy-laboy sa kalsada ng ilang araw na.
“Ate, pwede ho bang makahingi ng pagkain? Kahit iyan lang hong tira ninyong kanin at ulam,” pakiusap ni Carmelo sa isang ale.
“Ha? Hindi! Ayoko, lumayo ka nga! Pulubi!” matigas na sagot nito at halatang diring-diri sa lalaki.
“Pasensiya na ho, ilang araw na kasi akong hindi kumakain. Kahit iyang tubig na lang ho,” patuloy niyang paki-usap.
“Sinabi nang lumayo ka e! Tatawag ako ng pulis at ipapabugbog kita, sige!” banta ng ale.
Doon, nakayuko at pahiyang-pahiyang umalis si Carmelo at nagpatuloy sa paghahanap ng taong tutulong sa kanya. Ala una na noon ng hapon at mahigit sa labinlimang tao na ang sinubukan niyang hingan ng pagkain. Lahat ng kanyang nilalapitan ay halatang nakakaraos at maginhawa ang pamumuhay, at ang hinihingi niya ay ang tira-tira lamang ng mga ito. Gayunpaman, ni isa ay walang gustong tumulong sa kanya nang dahil sa kanyang hitsura.
“Kaunti na lang, Carmelo. Mahahanap mo rin ang taong bukal ang pusong tutulong at magpapakain sa iyo,” bulong ng lalaki sa kanyang sarili habang tumatagaktak ang pawis dala ng matinding init sa Kamaynilaan.
“Boss, pahingi naman ng pagkain. Ilang araw na akong walang kinakain,” muling pagtatanong ni Carmelo sa isang lalaki.
“Put*ngina! Nakikita mong kumakain ako, tapos lalapit-lapit ka! E ang baho baho mo. Umalis ka nga rito!” sagot nito habang umaamba pang babatuhin ng hawak niyang bote ng soft drinks ang kawawang pulubi.
Wala nang nagawa si Carmelo kundi magpatuloy muli sa paghahanap.
Inabot na ng alas kwatro ng hapon ang lalaki, ngunit ni isa ay wala pa ring tumutulong sa kanya. Dala ng pagod at matinding uhaw, naisipan niya munang maupo sa tabing kalsada kung saan naroon ang isang maliit na pamilya. Gaya niya, mukhang walang makain ang mga ito at gusgusin din ang pananamit.
“Ang hirap ng buhay,” ani Carmelo sa sarili habang nakatingin sa langit. Natigilan siya nang bigla na lamang siyang kinausap ng isa pang pulubing lalaki, na pakiwari niya ay ang ama ng mga batang kalsadang katabi niya.
“Ayos ka lang, kuya?” tanong nito sa kanya.
“Kanina pa kasi ako naghahanap ng makakain e. Napakarami ko nang nilapitan, ngunit ni isa ay walang gustong tumulong. Kadalasan pa, imbes na tumanggi na lamang ay pinapahiya pa nila ako,” paliwanag ni Carmelo sa lalaki.
“Nako, sinabi mo pa! Pero ganyan talaga ang buhay nating mga sadlak sa kahirapan,” anito, sabay dukot ng isang pirasong pandesal mula sa isang plastik na tangan pa ng kanyang misis.
“Heto, kuya. Nakapangalakal ako ng basura kanina, kaya kumita kahit papaano. Kumain ka muna, pantanggal din ‘yan ng gutom,” nakangiti nitong sabi sabay abot ng pandesal sa kapwa niya pulubi.
“Ah… Eh… Sigurado ka ba? Tatlo pa naman ang anak mo, baka magutom sila,” nahihiyang sagot ni Carmelo.
Sa kanyang pagtanggi, pinilit pa rin siya ng lalaki na tanggapin ang inaalok na pandesal.
“Sino pa bang magtutulungan kundi tayo-tayo lang din na nakakaintindi sa mga pinagdadaanan ng mga gaya natin, ‘di ba? Sige na’t kumain ka na. Heto ang tubig, kaunting panulak,” dagdag pa nito.
Hindi makapaniwala si Carmelo. Isang pulubi pa, na halatang nangangailangan, ang tumulong at nagpakain sa kanya. Kahit pa isang pirasong pandesal lamang iyon, naging napakasarap sa pakiramdam na makita mong may taong nagmalasakit sa iyo.
Matapos kumain, agad nagpaalam si Carmelo sa lalaki. Ang pangalan pala nito ay Kevin.
Kinabukasan, nagsimula muling mangalakal ng basura itong si Kevin upang may maipakain sa kanyang misis at tatlong anak, nang bigla na lamang isang magarang sasakyan ang huminto sa kanyang tabi.
“Kevin!” wika ng lalaking nakasakay rito.
“A- ano ho iyon? Sino ho kayo?” tanong nito sa lalaking nakasuot pa ng sun glasses.
Nang tanggalin ng lalaki ang suot na sun glasses, laking gulat niya nang makita kung sino ito.
“C- Carmelo, ikaw ba ‘yan?! P- paano?!” uutal-utal na sabi nito.
Nang makababa si Carmelo sa kanyang sasakyan, sinimulan na niyang kausapin si Kevin. Isa pala siyang mayamang lalaki na naghahanap ng isang “good samaritan” na tutulong sa kanya sa oras ng kagipitan. Hindi niya inakalang sa isang pulubi pa niya matatagpuan ang bukal na puso!
“Dahil sa kabutihan mo, Kevin, tanggapin mo sana itong tulong na ibibigay ko,” panimula ni Carmelo.
Pinasakay ni Carmelo si Kevin sa kanyang sasakyan at nagtungo sila sa kinaroroonan ng munting pamilya ng lalaki. Matapos sunduin ang misis at mga anak ni Kevin, nagtungo sila sa isang mamahaling restawran.
“Umorder muna kayo ng makakain. Kahit ano, ako ang bahala. ‘Wag kayong mahihiya ha? Alam ko ang pakiramdam ng sumasakit ang sikmura nang dahil sa gutom,” ani Carmelo sa mga ito.
Matapos kumain, nagtuloy-tuloy pa ang pagbibigay ni Carmelo ng biyaya. Nagmaneho sila patungo sa isang maliit na subdivision sa Maynila.
“Bakit ho tayo nandito, Carmelo?” tanong ni Kevin nang huminto sila sa isang bagong tayong bahay.
“Hindi na kayo lalamigin ng mga anak ninyo sa gabi,” nakangiting sabi ni Carmelo sabay abot kay Kevin ng isang susi! Susi ito ng bahay na ngayon ay ibinibigay na niya sa pamilya ng pulubi.
Bukod sa bahay at lupa, inalok din ni Carmelo si Kevin ng trabaho sa kanyang sariling kompanya. Isa pa, binigyan din niya ang misis ni Kevin ng pangpuhunan sa isang maliit na sari-sari store.
Hindi makapaniwala si Kevin sa mga nangyayari. Nang dahil lamang sa isang pirasong pandesal ay nagbago ng tuluyan ang kanyang kapalaran. Mabuti na lamang at kabutihang asal ang palagi niyang pinaiiral sa kabila ng hirap ng buhay, dahil ito pa pala ang magbibigay daan para makilala niya si Carmelo na nagbigay sa kanyang pamilya ng sobra-sobrang pagpapala!