Dalawang taon nang magkasintahan si Don at Marife, at dalawang taon na ring tinitiis at kinikimkim ng babae ang mga hinanakit niya sa kanyang nobyo. Nagdaan na ang dalawang Valentine’s Day, ang dalawang anibersaryo, at dalawang kaarawan niya ngunit ni isang beses ay hindi pa siya nakakatikim ng regalo o sorpresa mula kay Don.
“Masama bang mag-expect ako, Jubilee? Dalawang taon, dalawang taon na! Dalawang taon na rin akong palihim na nagtatampo kay Don,” pagrereklamo ni Marife sa kaibigan nang minsang sila ay kumain sa labas.
“E ikaw naman kasi e. Pinaabot mo pa ng dalawang taon. Sabihin mo na kasi sa kanya! Paano niya malalamang nagtatampo ka kung ‘di ka umiimik? Ganyan ang mga lalaki! ‘Di marunong makiramdam, gusto nila e ‘yong harapang sinasabi kung ano ang problema,” buong pusong payo ni Jubilee.
“Baka kasi sabihin niya materialistic ako…” tanging nasabi ni Marife.
Sa loob ng dalawang taong masayang pagsasama nila, naging napakaganda ng takbo ng relasyon ni Don at Marife. Bibihirang mag-away, nagkakasundo sa lahat ng bagay, at palaging nakasuporta sa isa’t-isa. Ngunit matapos ang pagrereklamo ni Marife kay Jubilee, hindi na niya maiwasang palaging simangutan itong si Don.
Nagtatrabaho bilang manager sa isang fast food restaurant si Don. Ngunit kahit na madalas ay gabi nang nakakauwi mula sa trabaho, gumagawa pa rin ang binata ng paraan upang madalas silang magkita ng kanyang nobya.
Isang Biyernes ng gabi, sinundo ni Don si Marife mula sa pinagtatrabahuhan nitong maliit na salon.
“Hi babe, kumusta ang araw mo?” nakangiting bungad ni Don habang sinasalubong ang nobyang naglalakad na pababa ng hagdan.
“Heto, okay naman. Pagod lang, ang daming customer ngayon e,” mabilis na sagot ni Marife habang isinusuot ang helmet bago sumakay sa motor ng kanyang nobyo.
Habang humaharurot ang motor na sinasakyan ng dalawa pauwi sa bahay ng dalaga, napahinto sila nang bigla na lamang nag-alburuto ang galit na galit nang si Marife.
“Ihinto mo, ngayon na! ‘Di ko na kayang magtimpi, Don!” sigaw ni Marife. Matapos huminto ay agad itong bumaba.
“O, bakit?! Anong problema, babe?” tanong ng nagtatakang si Don.
“Hindi mo ba alam?! Valentine’s day ngayon! Araw ng mga puso! Kanina, sa salon, punong-puno kami ng mga customer na gustong magpaganda dahil may date sila kasama ng mga nobyo nila! E ako, as usual, nganga!” bulyaw ni Marife na pipiyok-piyok na habang nagsasalita.
Napakamot ng ulo si Don sabay sabing, “Maganda ka naman na e, hindi mo na kailangang magpaganda pa.”
“Ewan ko sa’yo! Puro ka ganyan,” lalong nainis na sagot ng dalaga.
“Dalawang taon na tayo, Don! Biruin mo, dalawang taon, ni isang pirasong bulaklak na pinitas mula sa kanto, WALA?! Kahit anong okasyon ang dumaan, WALA! Mahal na mahal kita, pero hindi ko na kasi matiis na para bang palagi mong nakakalimutan na may nobya ka,” dagdag pa nito.
“Sorry, babe. Mahal na mahal din kita. Sumakay ka na ulit, please. Malapit na tayong abutan ng ulan,” sagot ni Don sa mahabang litanya ng nobya.
Napabuntong hininga na lamang ng napakalalim itong si Marife. Matapos naman kasi niyang mailabas ang sama ng loob sa nobyo ay agad din siyang nahimasmasan.
“Sorry din, Don. Mahal kita. Mababaw nga ang pagtatampo ko, sorry talaga. Sige, ihatid mo na ako,” ani Marife sabay yakap ng mahigpit kay Don.
Dala ng matinding pagod mula sa trabaho, at dala na rin ng labis na pag-iyak kanina, dahan-dahang nakatulog itong si Marife habang naka-angkas sa likod ng kanyang nobyo.
“Babe, gising na. Nandito na tayo,” paggising ni Don sa nobya.
Pupungay-pungay ang mata ni Marife nang bumaba sa motor ng nobyo.
“Sorry, babe. Buti ginising mo agad ako. Delikadong natutulog habang angkas ng motor. Teka, hindi naman dito ang bahay ko…” ani Marife habang nakatingala sa dalawang palapag na magandang bahay sa kanyang harapan.
“Ano ka ba? ‘Yan ang bahay mo,” sagot ng nakangiting si Don na para bang may hinahanap sa kanyang bulsa.
“Babe naman e… Tara na, ihatid mo na ako sa’min,” natatawang sagot ni Marife.
Natigilan na lamang siya sa pagtawa at pagsasalita nang bigla na lamang lumuhod sa kanyang harapan ang kanyang nobyo.
“Marife… Maraming salamat sa pagtitiyaga sa kuripot mong boyfriend sa loob ng dalawang taon. Noong nililigawan pa lamang kita, nagsimula na agad akong mag-ipon. Bakit? Dahil noong nakita ko pa lamang ang mukha mo, siguradong-sigurado na akong ikaw na ang babaeng pakakasalan ko…” panimula ni Don.
“Babe, will you marry me?” tanong ni Don habang nakaluhod, sabay inilabas ang napakagandang singsing na gawa sa ginto at diyamante.
Napakusot ng mata itong si Marife dahil hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari. Marife, gising! Baka nananaginip ka! Bubulong-bulong pa niya sa sarili habang kinukurot ang kanyang braso.
Nang mapagtantong totoo nga ang lahat, sumagot na ang dalaga.
“Yes, Don! Yes!”
Matapos isuot ang singsing, agad inilapat ni Marife ang kanyang labi sa mapupulang labi ng kanyang nobyo. Punong-puno ng luha ang mga mata niya nang dahil sa sorpresa ng kanyang nobyo.
“Tara, babe. Pumasok na tayo sa bahay natin,” paanyaya ni Don sa babae.
“Ha?” nagtatakang sagot ni Marife.
Ibinukas ni Don ang kanina pa niyang nakatikom na palad, at doon nakalagay ang isang piraso ng susi.
“Sa dalawang taon na iyon, nakapag-ipon ako ng sapat upang makabili ng singsing at ng bahay na ibibigay ko sa iyo sa oras na yayain kitang magpakasal. Kaya’t humihingi ako ng tawad kung dalawang taon kang hindi nakatanggap ng kahit ano mula sa akin,” nakangiting sabi ni Don.
Maligayang-maligaya si Marife nang malaman kung bakit palaging nagtitipid ang noo’y akala niya’y kuripot lang na si Don.
Matapos ang ilang buwang pag-oorganisa ay natuloy rin ang kanilang pinangarap na pag-iisang dibdib. Doon sila nagpalitan ng matatamis na pangako na kailanma’y hindi na mapapako.
Sa karanasang iyon, natutunan ni Marife ang kahalagahan ng paghihintay at pag-intindi, pati na rin ang pagtitiwala sa taong minamahal mo.