Susubuan Ko Po Kayo
Ang pagtitinda ng mga lutong pagkain ang ikinabubuhay ni Ising at katu-katulong niya sa pagtitinda ang anak niyang si Bonbon.
“O, anak tulungan mo nga akong ibigay doon sa ale iyong in-order niyang lugaw,” utos niya sa anak.
“Opo, inay,” sagot ng bata at iniabot sa babaeng kustomer ang order nito habang dahan-dahan ang paghakbang sa bato-batong daan.
“Mag-ingat ka ha? Naku, hindi pa kasi nasesementuhan ang kalsada dito sa atin kaya nakakatalapid ang aapakan mo diyan, anak.”
“Ayos lang po ako, inay.”
Napakasipag ni Bonbon sa tuwing tumutulong sa pagtitinda ng ina. Sa edad na limang taon ay marunong na ito sa mga gawaing bahay. Nataon na bakasyon sa eskwela kaya napapakinabangan ni Ising ang anak.
“Ale, ale, heto na po ang order niyo,” sabi ng bata sa babae.
“Aba, salamat hijo. Ising, napakasipag naman nitong anak mo. Siya pa talaga ang nagbigay nito sa akin,” wika ng kustomer sabay kurot ng pisngi ng bata.
“Masipag talaga ang anak kong iyan at matalino pa sa eskwela kaya napakasuwerte ko at biniyayaan ako ng anak na gaya ni Bonbon,” pagmamalaking sabi ni Ising.
“O, heto na ang bayad ko ha? Ito namang sampung piso ay tip ko sa iyo dahil napakasipag mo at ang kyut kyut mo pa,” masayang wika ng babae.
“Anak, anong sasabihin mo?!” sigaw ni Ising.
“Thank you po!” tugon naman ni Bonbon.
Nang umalis na ang ale ay bumalik sa puwesto ang bata kasama ang ina.
“Ganyan nga, anak. Dapat ay magalang ka sa mga kustomer at asikasuhin mo sila ng maayos para mas dayuhin ng tao ang karinderya natin at mas maraming bumili. Kapag maraming kita, marami tayong pera at mabibilhan kita ng bagong laruan. Gusto mo ba iyon?” ani Ising.
Nanlaki ang mga mata ni Bonbon nang marinig ang tungkol sa pagbili ng laruan.
“Talaga po, inay? Sige po mas lalo ko pong sisipagan,” tuwang-tuwang sagot ng anak.
“Very good, anak. Kagaya ni Aling Doring, kahit mukhang mahirap ang aleng kausap mo kanina ay mapera iyon. Parehong nasa abroad ang mga anak niya at nagtatrabaho naman sa isang malaking kumpanya ang asawa niya. Kaya nga ikaw ang pinag-abot ko ng in-order niya para matuwa siya sa iyo at bigyan ka ng tip. ‘Di ba binigyan ka nga? Mahilig kasi sa bata iyon. Ganito ha, kapag bibili si Aling Doring ay ikaw na ang mag-aabot sa kanya tapos ay sabihin mong maganda siya para matuwa ulit siya sa iyo at bigyan ka ulit ng tip,” paalala ng ina.
“Ganoon po ba iyon, inay? Sige po,” masayang sagot ni Bonbon sabay kamot sa ulo.
Maya-maya ay may dumating na matandang lalaki at umorder ito sa kanila ng champorado. ‘Di gaya ng pag-asikaso kay Aling Doring ay halos gustong itaboy ni Ising ang kustomer.
“Narito na naman ang matandang bulag na ito,” inis niyang bulong sa sarili.
“Pagbilhan mo nga ako ng isang order ng champorado,” ulit na sabi ng matanda.
Walang nagawa si Ising kundi pagbilhan ito. Kahit ayaw na ayaw niya na naroon ang presensiya ng matanda, kahit paano ay kustomer pa rin ito at magbabayad. Padabog niyang kinuha ang order nito at iniutos kay Bonbon na ibigay iyon sa kustomer na nakaupo na sa mesa sa labas ng kanyang karinderya.
“Iabot mo itong order nung matandang bulang na iyon sa labas, anak. Singilin mo agad ha, baka mamaya ay makalimutan pang magbayad,” aniya.
Ang matandang bulag ay si Mang Erning, isa sa mga kapitbahay nila. Hindi naman talaga ito likas na bulag, nabulag ito dahil sa isang aksidente. Para kay Ising ay iyon ay karma sa matanda dahil sa pananakit nito noon sa asawa nito. Mula nang hiwalayan ng misis ay mag-isa na sa buhay ang lalaki.
Iniabot na ni Bonbon ang champorado ni Mang Erning. Doon nito kakainin ang in-order. Nang magsimula nang kainin ng matanda ang champorado ay ay nakita ng bata na kinakapa-kapa nito ang kutsara at parang nahihirapan kung paano isusubo ang pagkain. Nakaramdam ng awa si Bonbon kaya ang ginawa niya ay siya ang kumuha ng kutsara at sinabi kay Mang Erning na siya na ang magsusubo rito.
“Ako na po ang magsusubo sa inyo. Para hindi po kayo mahirapan,” sabi ni Bonbon sa matanda.
“Nakakahiya naman sa iyo, bata,” anito.
“Huwag na po kayo hiya, ako na po magsubo sa inyo,” pagpupumilit ni Bonbon.
Natuwa ang matanda sa inasal ng bata kaya hinayaan nito na subuan siya.
Hindi nakaligtas sa mga mata ni Ising ang ginagawa ng anak kaya sinigawan niya ito.
“Hoy, Bonbon! Halika nga dito!”
Itinigil ng bata ang pagsusubo sa matanda at dali-daling lumapit sa ina.
“Anong ginagawa mo? Bamkit mo sinusubuan ang matandang iyon? Hindi ba siya marunong kumain na mag-isa?” inis na sabi ng babae sa anak.
“E, inay nakakaawa po kasi siya kaya sabi ko po na ako na po ang magsusubo sa kanya,” pagtatapat ng bata.
“Bulag lang ang matandang iyon at mayroon siyang mga kamay na puwede niyang gamitin sa pagkain kaya itigil mo ang pagsusubo sa kanya ha?” saway pa rin niya rito.
“Pero inay ‘di po ba sabi niyo maging magalang ako at asikasuhin ang mga kustomer natin? Ganoon naman po ang ginawa ko. Tinulungan ko po siya para mapadali po ang kanyang pagkain. Bakit po, hindi po ba tama ang ginawa ko?” naguguluhang tanong ni Bonbon.
Napakamot sa ulo si Ising at hindi alam kung ano na ang sasabihin sa anak. Tama nga naman ang sinabi nito. Ano nga ba ang mali?
“A, e anak kasi…”
“Inay, dapat nga po ay maawa tayo sa kanya dahil hindi po siya nakakakita. Mahirap po iyon. Huwag po kayong mag-alala, kapag dumating po ang araw na hindi rin po kayo makakita ay susubuan ko rin po kayo gaya ng ginawa ko sa kanya,” sabi ni Bonbon sa ina.
Hindi nakapagsalita pa si Ising. Napatanto niya na napakabuting bata ng kanyang anak. Handa nitong ipagtanggol ang sarili kung alam nitong nasa katuwiran ito. Sa murang edad ay nakakapgsalita na ng ganoon ang anak. Kaya hindi niya napigilang mangilid ang kanyang luha dahil sa sinabi ni Bonbon.
Mula noon, sa tuwing kakain si Mang Erning sa karinderya ay hinahayaan na niyang subuan ito ng kanyang anak. Sa isip niya ay malaking tulong na iyon sa matanda para hindi na ito mahirapan pa sa pagkain.