Inday TrendingInday Trending
Magkapatid na Pagdurusa

Magkapatid na Pagdurusa

“Kuya, umuulan na!!! Yehey!!!”

Nagtatatakbo si Tonton, pitong taong gulang, hinubad ang kanyang pang-itaas, at hinayaan ang kanyang murang katawan na mabasa ng ulan. Ganoon din ang ginawa ni Sol, ang kanyang kapatid, na sampung taong gulang naman. Saglit nilang kinalimutan ang lahat, at nagpakasaya sa paliligo sa ulan. Nakangiti ang mga bulaklak at mga dahon na tila masayang-masaya sa buhos ng ulan na magpapatingkad sa kanila.

Matapos ang pagbuhos ng ulan, umakyat ng puno ng santol ang magkapatid. Kumuha ng ilang mga bunga nito, at umupo sa lupa. Doon, kinain nila ang mga bunga ng santol na kanilang paboritong prutas.

“Kuya, mukhang maggagabi na… Baka naroon na ang Papang…” paalala ni Tonton sa kanyang Kuya Sol.

Napapitlag si Sol. Napasarap ang kanilang paliligo sa ulan at pagkain ng santol. Kailangan na nilang umuwi. Tiyak na darating na sa kanilang bahay ang amang si Mang Isko na isang magsasaka. Kailangan na niyang ihanda ang tuba at pulutan nito. Muli na nilang binitbit ang mga dalang sako ng kusot na kinakailangan nila sa pagluluto at tinahak ang daan pauwi.

Pagdating sa kanilang bahay, agad na kinuha ni Sol ang kanilang butas na kaldero. Tinapalan lamang nila ang butas sa ilalim nito sa pamamagitan ng bubble gum na binili nila sa isang tindahan. Matapos hugasan at alisin ang bahaw na kanin, inutusan ni Sol si Tonton na magsaing na. Siya naman ang nagparikit ng apoy sa kanilang latang lutuan na may kusot. Mahirap lamang sila. Wala na ang kanilang Mamang, na sumama umano sa ibang lalaki.

Dumating ang kanilang Papang na si Mang Isko na may bitbit na sako ng palay. Pabagsak nitong inilagay ang sako sa mesang kahoy na nasa labas.

“Nariyan na ang Papang…” nababahalang sabi ni Tonton sa kanyang kuya.

At narinig na nga nila ang sigaw nito.

“Hoy mga batugan… May pagkain na ba? Ang babagal n’yong kumilos! Mga pesteng bata ito. Puro laro ang inaatupag n’yo!” galit na sabi ni Mang Isko.

Dali-daling lumabas si Sol bitbit ang tuba at baso. Magpapakalasing na naman ang kanilang Papang. Binatukan siya nito.

“Mabagal ka talaga kahit kailan… Malas ka! Nakasaing ka na ba? Anong pagkain?”

“Kakasaing ko lang po, Papang. Wala pa po tayong ulam…”

“Lumayas ka nga sa harap ko! Magluto ka ng kahit ano! Bilisan mo!” galit na sabi ng kanyang Papang.

“Eh… Pang… wala po tayong kahit ano. Wala na po tayong tawilis. Ubos na rin po ang itlog. Gu-gusto n’yo ho bang ipagpitas ko na lang kayo ng malunggay?” Takot na sabi ni Sol.

Hinatak ni Mang Isko ang kanyang damit.

“Nagpapakahirap ako sa bukid, puro halaman na ang kaharap ko, hanggang ngayon ba naman halaman pa rin ang ipapakain mo sa akin?”

“Papang, wala naman po kayong ibinibigay na perang panggastos…”

“Anong wala? At sumasagot ka na ngayon ha…” nanlilisik ang mga mata ng kanyang Papang. Kinuha nito ang dos por dos at inihampas kay Sol. Iyak nang iyak si Tonton. Inawat niya ang kanyang Papang.

“Mga wala kayong silbi! Wala kayong silbi sa buhay ko!” sabi ni Mang Isko sa kanyang mga anak. Nagsimula na ito sa pag-inom ng tuba.

Kumuha naman si Tonton ng mainit na tubig at tuwalya. Ipinunas iyon sa mukha at mga sugat ng kanyang kuya.

“Kuya, ang dami mo na namang sugat…” naiiyak na sabi ni Tonton sa kanyang Kuya Sol.

“Huwag mo akong intindihin, bunso. Ayos lang ako…” sabi ni Sol sa nakababatang kapatid.

“Bakit ba ganyan ang Papang sa atin, kuya? Simula nang mawala si Mamang, ganyan na siya sa atin. Kailan kaya tayo mamahalin ni Papang?” Niyakap ni Tonton ang kanyang Kuya Sol.

“Basta Tonton, ito ang tatandaan mo. Huwag kang magagalit kay Papang, dahil kahit na anong mangyari ay tatay pa rin natin siya. At dito ka lang sa aking tabi,” nasabi ni Sol sa kanyang kapatid.

Isang araw, hindi nagpunta sa bukid ang kanilang Papang. Inutusan nito si Tonton na maligo at mag-ayos. Inutusan naman niya si Sol na magtungo sa bayan upang bumili ng tuba. Tumalima naman si Sol. Pagbalik niya, nabitiwan niya at natapon ang bote ng tuba sa lupa at tuluyan itong natapon, nang makita niya ang umiiyak na kapatid, na pilit na isinasakay sa isang owner type jeep, ng dalawang lalaki.

“Kuuuuyyyyaaaaaa!!!!! Kuuuuuyyyaaaaa Sol!!!! Tulungan mo ako!!!”

Kumaripas ng takbo si Sol patungo sa sasakyan.

“Saan n’yo dadalhin ang kapatid ko? Sino ba kayo?”

Pinigilan siya ng kanyang Papang.

“Ibinenta ko na si Tonton. Kailangan nila ng utusan. Huwag ka nang umangal,” tila walang pakialam na sabi ni Mang Isko kay Sol. “Nasaan ang tubang ipinabibili ko sa iyo?”

“Hayup ka, Papang! Paano mo nagawa ang bagay na ito? Sarili mong anak? Nagawa mong ibenta? Anong klase kang tatay?!” umiiyak na sumbat ni Sol sa ama.

Dinuro ni Mang Isko ang mukha ng anak. “Wala kang karapatang pagsabihan ako ng ganyan. Anak lang kita!”

Nang gabing iyon, napanaginipan ni Sol ang kanyang kapatid. Nagmamakaawa itong tulungan siya. Kinakaladkad ito ng mga lalaking kumuha sa kanya. Napabalikwas ng bangon si Sol. Isang pagpapasya ang kanyang ginawa. Nagbalot ng kanyang mga gamit si Sol. Naglayas siya. Hahanapin niya ang kanyang kapatid. Nagpagala-gala siya sa bayan, walang katiyakan sa kanyang patutunguhan. Hindi niya alam kung sino at saan dinala ang kanyang kapatid. Napadpad si Sol sa isang lugar na maraming batang kalye. Dahil bagong salta, sinaktan siya ng mga ito at binugbog. Kinuha rin ang kanyang mga gamit.

Isang matandang lalaki ang nakakita kay Sol at itinakbo siya sa ospital. Pagkamulat ni Sol, ikinuwento niya ang buhay sa naturang matandang lalaki. Naawa naman ito sa kanya at nangakong tutulong sa paghahanap sa kanyang kapatid. Isa pala itong retiradong pulis at imbestigador.

Matapos ang ilang buwang paghahanap, napag-alaman nilang nasa pag-iingat ng isang sindikato si Tonton. Pinagbebenta ito ng sampaguita malapit sa simbahan, at pinagnanakaw din. Sa tulong ng isang police operation, nailigtas ang mga batang ginagamit ng sindikato, kabilang si Tonton. Muli silang nagkita ni Sol. Mahigpit silang nagyakap.

“Kuuuyyyyaaaa… ayoko na sa kanila… ayoko na sa kanila!” umiiyak na sabi ni Tonton sa kanyang Kuya Sol.

“Hinding-hindi na tayo magkakalayo, kapatid ko! Pangako!” masayang-masayang sabi ni Sol sa bunsong kapatid.

Sumakabilang-buhay si Mang Isko dahil sa sakit sa puso dulot ng labis na pag-inom ng tuba, kaya tuluyan na ngang kinupkop ng retiradong pulis ang magkapatid na Sol at Tonton. Pinag-­aral sila hanggang sa kolehiyo, hanggang sa makatapos at makahanap ng magandang trabaho. Gumanda ang kanilang buhay.

Pareho rin silang nagka-asawa at nagkaroon ng sariling pamilya. Ipinangako nila sa kanilang mga sarili na hindi nila tutularan ang kanilang Papang, bagkus, magiging mabubuting ama sila sa kanilang mga anak, na bubusugin nila ng pagmamahal.

Advertisement