Ang Alok na Kasal
Nasasabik na ang puso ni Lemuel. Ilang beses niyang pinaghandaan at pinagplanuhan ang lahat. Ilang mga kaibigan na ang napagtanungan niya sa iba’t ibang mga kakaiba at malikhaing paraan kung paano isasagawa ang wedding proposal para sa kasintahang si Kathleen. Tatlong taon na silang magkarelasyon, at sa palagay niya, nararapat nang tanungin ang nobya kung gusto na nitong lumagay sa tahimik kasama niya.
“Dinner date, pare. Mas classic. Mas maganda. Walang ibang kaartehan. Mas sweet. Mas intimate,” payo sa kanya ni Greg. Bagay na sinang-ayunan naman niya. Subalit hindi basta dinner date. Sa isang five-star hotel sa Tagaytay nakatakda ang gagawin niyang proposal. Agosto 14, 2019. Sa araw mismo ng kanilang 4th anniversary.
Ginalugad na niya ang iba’t ibang mga jewelry shop upang pumili ng mahal at magandang engagement ring. Isang 24-karat na diamond ring ang kanyang napili. Ang totoo niyan, kabadong kabado siya sa kanyang gagawin. Inihanda niya ang sarili.
“Babe, gusto kong magdinner sa Tagaytay….” Sabi ni Lemuel sa kasintahan nang tinawagan niya ito.
“Kailan ba? Sige, schedule natin…” Sagot ni Kathleen.
“August 14, babe. Susunduin kita.”
Bago dumating ang araw na pinakahihintay ni Lemuel, siniguro muna niyang maayos ang lahat. Tiniyak niyang maayos ang kanilang reservation, at ipinalagay niya sa loob ng cake ang singsing. Nagpagupit din siya at nagpagwapo nang husto.
Kinakabahan siya at nasasabik sa kanyang gagawin. Alam niyang hindi naman tatanggi sa kanyang alok na kasal ang kasintahan. Matagal na ang kanilang pinagsamahan.
Habang nasa daan patungo sa hotel, walang kibo si Kathleen.
“Babe, okay ka lang? Is there something wrong?” untag ni Lemuel sa kasintahan.
“Wala naman, babe. Pagod lang ako. Pasensya na,” sagot ni Kathleen.
Pagdating sa hotel, agad silang nagtungo sa restaurant para sa kanilang dinner date. Matapos maubos ang kanilang pagkain, ipinalabas na ni Lemuel sa waiter ang cake na naglalaman ng singsing. Nang matuklasan ni Kathleen ang singsing sa loob ng cake, isang fireworks display ang pumailanlang sa langit. Kasama ito sa pakulo ni Lemuel. Gaya ng tipikal na ginagawa ng mga nanghihingi ng kamay, kinuha ni Lemuel ang kaliwang kamay ni Kathleen at tinanong siya ng isang makabagbag-damdaming tanong:
“Kath…we’ve been together for almost 3 years, and I think, this is the right time to ask you this… Kath, babe, will you marry me?” diretsong nakatingin si Lemuel sa mga mata ni Kathleen habang itinatanong ito.
Kinuha ni Kathleen ang singsing. Kinuha rin niya ang kanang kamay ni Lemuel. Inilagay sa kamay nito ang singsing.
“I-I’m sorry… Hindi ko matatanggap…” umiiyak na sabi ni Kathleen. Kitang-kita niya ang pamumula sa mukha ng kanyang kasintahan.
“B-bakit babe? Hindi ka pa ba ready mag-asawa? S-sige, kung hindi ka pa ready sa ngayon, handa naman akong maghintay…”
“Hindi Lemuel. I’m breaking up with you. Hindi ako karapat-dapat para sa’yo. Nagkasala ako sa’yo,” pag-amin ni Kathleen. At dito’y inamin niyang dalawang buwan siyang buntis. Nagbunga ang isang pagkakamali ng kanyang bestfriend na si James nang minsang malasing sila.
Hindi makapaniwala sa kanyang narinig si Lemuel. Pakiramdam niya ay pinagbagsakan siya ng langit at lupa. Hindi niya mawari na magagawa ito sa kanya ni Kathleen. Alam niya kasing matinong babae ang kanyang nobya, kaya nagulat siya sa nangyari.
Lubhang nakaapekto kay Lemuel ang nangyaring break up nila ni Kathleen. Hindi niya alam kung ano ang nagawa niyang pagkakamali rito, kung ano pa bang kulang, dahil lahat naman ng mga bagay na makapagpapasaya kay Kathleen ay ibinibigay niya. Napadalas ang mga pagliban at late ni Lemuel sa trabaho. Bumagsak din ang kanyang katawan. Pinabayaan niya ang kanyang pisikal na pangangatawan. Siyam na buwan din ang lumipas mula nang maghiwalay sila ni Kathleen, at balita niya’y nakapanganak na ito.
“Pare, huwag mo namang pabayaan ang sarili mo. Makakahanap ka rin ng mas deserving na babae para sa iyo,” minsan ay nasabi ni Greg sa kanyang kaibigan. Upang matulungan ito, lagi niya itong isinasama sa kanyang mga lakad, hanggang sa makakilala si Lemuel ng isang babaeng nagngangalang Grace, isang pharmacist. Nagkapalagayang-loob sila sa loob ng tatlong buwan, at inaya na niya itong magpakasal.
“Pare, hindi ka ba nabibigla? Tatlong buwan pa lang kayong magkakilala, kasal agad? Baka naman rebound mo lang siya kay Kathleen?” tanong ni Greg kay Lemuel.
“Hindi. Mahal ko si Grace. Wala naman iyan sa taon ng pagsasama. Nasa nararamdaman iyan. Tingnan mo kami ni Kathleen. Nasayang ang tatlong taon diba?” Sagot ni Lemuel kay Greg.
Isang araw, bago ang kasal nina Lemuel at Grace, isang nakagugulat na bisita ang nagtungo sa apartment ni Lemuel. Si Kathleen. Bitbit nito ang anak. Nagmamakaawa itong huwag ituloy ang pagpapakasal kay Grace, at pakasalan na lamang siya.
“Bakit? Bakit nagmamakaawa ka ngayon? Dahil ayaw kang panagutan ni James? Tapos ako ang sasalo? Huwag ganoon. Maging responsable ka naman sa buhay mo, Kathleen.”
At walang nagawa si Kathleen. Natuloy ang kasal nina Lemuel at Grace. Bagama’t tatlong buwan lamang silang nagkakilala, pinatunayan nilang kaya nilang mahal nila ang isa’t isa. Binuhay namang mag-isa ni Kathleen ang kanyang anak, at namuhay na lamang sa Amerika kasama ang kanyang pamilya. Nagkaroon ng apat na anak sina Lemuel at Grace, at namuhay nang masaya at mapayapa.