Kaunting Paggalang Mula Sa Inyo, Anak At Apo
Katulad ng nakagawian, alas-kuwatro pa lamang ng umaga ay gising na si Lola Pacing. Simula nang magkaedad, laging ganoon ang kanyang gising. Kinuha niya ang takureng nakalapag sa lababo, nilagyan ng tubig mula sa de-pihit na water container, at isinalang sa kalan.
Habang hinihintay kumulo ang tubig, inilabas niya ang uniporme ng kanyang apong si Rico, nasa ikawalong baitang sa Junior High School, upang plantsahin. Nang sumipol na ang takure, isinalin niya sa thermos ang mainit na tubig. Naglagay rin siya sa kanyang mug, at sa paboritong mug ni Rico. Pagkatapos, muli niyang nilagyan ng tubig na mula naman sa gripo ang takure. Pampainit naman ito para sa paligo ni Rico. Nagtimpla siya ng kape, at gatas naman dito.
Maya-maya, kinatok na ni Lola Pacing ang kwarto ng apo.
“Rico, anak, gising na. Tanghali na…” nakagawian nang sabihin ni Lola Pacing na ‘tanghali’ kapag gahol na sa oras o mahuhuli na.
Pupungas-pungas na lumabas ng kwarto si Rico at nagtuloy sa palikuran upang umihi.
“Apo, kumain ka ng nilagang itlog, saka inumin mo na ang gatas mo.”
“Ayoko ho ng itlog. Wala na po bang iba?” pabalang na sagot ni Rico.
“Ah, eh… walang ibang pwedeng makain dito na madaling lutuin. Ano bang gusto mo?”
“Huwag na lang ho. Wala naman po palang mailuluto tapos magtatanong pa kayo,” sagot ni Rico, at padabog na kinuha ang takure, isinalin ang mainit na tubig sa timba, at naligo.
Napailing na lamang si Lola Pacing. Hindi niya alam kung bakit ganoon kung sumagot sa kanya si Rico. Hindi niya alam kung anong nagawa niyang mali para ituring siyang parang ibang tao ng kanyang apo. Siguro, nakita nito kung paano naman siya sagutin din ng kanyang anak na si Melba, ang ina nito.
Ni hindi man lang nagpaalam sa kanya si Rico nang umalis na ito ng bahay. Matagal na niyang kinausap ang anak na si Melba tungkol sa ugali ng apo, subalit kinakampihan pa ito. Huwag na raw siyang makialam.
“Hindi pwedeng hindi ako makikialam, Melba. Apo ko si Rico. Ayokong lumaki siyang bastos,” minsan ay nasabi ni Lola Pacing sa anak, nang minsang maungkat niya ulit dito ang kakaibang ugali ng apo.
“Nay, huwag n’yo na ho sabing pakialaman si Rico. Saka ho huwag n’yo pong pakialamanan ang pagpapalaki ko sa anak ko,” sagot sa kanya ni Melba.
“Gusto ko lang makatulong…”
“At galing talaga ho sa inyo ‘yan?” sarkastikong sabi ni Melba, sabay talikod at alis.
Malamig ang pakikitungo ni Melba sa ina simula noong sumakabilang buhay ang kanyang asawa. Single parent si Melba, kaya minabuti ni Lola Pacing na samahan ang anak upang may mag-alaga kay Rico.
Minsan, nilinis ni Lola Pacing ang kwarto ng apo. Niligpit ang mga damit. Inayos ang kama. Pagdating nito, nagalit pa ito sa kanya, sa halip na magpasalamat.
“Bakit ho ba kayo nakikialam sa mga gamit ko?” padabog na sagot ni Rico.
“Inayos ko lang naman, apo. Wala namang masama sa ginawa ko…” mahinahong paliwanag ni Lola Pacing.
Bumulong bulong na inilapag ni Rico ang kanyang bag sa kama. “Pakialamera kasi eh… matatanda nga naman…”
Nang marinig ito ni Lola Pacing, nagpanting ang kanyang tenga. “Anong sabi mo? Rico, wala kang karapatang pagsabihan ako ng ganyan. Apo pa rin kita at Lola mo ako. Tatandaan mo, kung wala ako, wala ka rin sa mundong ito. Ako ang nagluwal sa nanay mo.”
Pagkatapos ay nagkulong sa kanyang kwarto si Lola Pacing. Masama ang kanyang loob. Hindi na siya iginagalang ng kanyang anak at apo.
Dumating si Melba mula sa trabaho at kinumpronta siya nito.
“Nay, nagsumbong ho si Rico sa akin, at sinabihan mo raw siya ng masasakit na salita.”
“Pinagsabihan ko lang ang anak mo. Masyado na akong binabastos.”
“Kasalanan n’yo ho iyan! Mahilig ho kasi kayong makialam,” sumbat ni Melba. Hindi na nakapagtimpi si Lola Pacing at hinarap si Melba.
“Alam mo, kaya lumalaking bastos ang anak mo, ay dahil nakikita at naririnig niya sa iyo. Ano bang problema mo sa akin, anak? Hanggang ngayon ba, malaki pa rin ang galit mo sa akin? Hanggang ngayon ba, hindi mo pa rin ako napapatawad?!”
“Oo! Galit na galit ako sa iyo, ‘nay. Kung hindi dahil sa inyo, hindi sana nawala ang Itay. Kasalanan n’yo ang lahat! Kung hindi sana kayo nanlalaki noon, eh di sana hindi aatakihin sa puso ang Itay! Sana, hindi ko na lang kayo naging ina!” Umiiyak na sabi ni Melba sa ina.
Sukat nito’y isang sampal ang pinakawalan ni Lola Pacing sa kaliwang pisngi ng anak.
“Matagal ko nang pinagsisihan ang nagawa ko. Nagkasala ako sa Itay mo. Kaya nga bumabawi ako sa inyo, dahil sa pagkukulang ko. Pinagbayaran ko na ang lahat. Nawala na sa atin ang Itay mo. Pero sana naman, bigyan n’yo pa ako ng isa pang pagkakataon! Nanay mo pa rin ako, kahit anong gawin mo! Igalang mo naman ako!” humahagulhol na sabi ni Lola Pacing. Nakatulala lamang sa kanila si Rico.
“Hindi mo ba nakikita ang pagbawi ko sa iyo? Nang maipanganak mo si Rico, sino ang nasa tabi mo? Ako! Ginawa ko iyon upang makabawi sa inyo. Sana naman huwag mong kalimutan iyon. Kung hindi mo ako kayang igalang bilang ina mo, igalang mo na lang ako bilang tao!” bumabaha ng luha ang mukha ni Lola Pacing. Nagtungo siya sa kanyang kwarto at sinimulang ilagay sa maleta ang kanyang mga damit at gamit. Sinundan siya ni Melba at ni Rico.
“Ano hong ginagawa n’yo? Bakit ho kayo nag-iimpake?” umiiyak na tanong ni Melba sa ina.
“Aalis na lang ako. Tutal hindi naman nanay ang turing mo sa akin. Mas makabubuti kung lalayo na lang ako. Hindi n’yo naman ako kailangan.”
“Patawarin n’yo po ako Inay. Inaamin ko… naging matigas ang puso ko sa inyo. Hindi ko ho sinasadya ang lahat. Sa tuwing naaalala ko ang nagawa n’yo kay Itay, napupuno ng galit ang puso ko. Pero tama kayo. Bumawi naman kayo. Hindi n’yo ko iniwan kahit napariwara ang buhay ko. Hindi n’yo ko iniwan sa kabila ng mga maling desisyon ko sa buhay. Mahal ko kayo. Mahal namin kayo ni Rico,” lumuluhang sabi ni Melba.
Mahigpit na nagyakap ang mag-inang Pacing at Melba. Nakiyakap na rin si Rico. Humingi ng tawad si Rico sa kanyang Lola Pacing.
“Hindi pa huli ang lahat, apo. Magsisimula tayong muli,” nakangiting sabi ni Lola Pacing kay Rico.
Simula noon ay naging maayos at maganda na ang pakikitungo nina Melba at Rico kay Lola Pacing. Lagi nang kinakain ni Rico ang mga nilagang itlog at itinitimplang gatas ni Lola Pacing sa kanya tuwing umaga. Hindi rin siya umaalis ng bahay hangga’t hindi nakakapagpaalam at nakapagmamano rito. Hindi na rin pabalang sumagot, at mas naging magalang. Naging maayos at maganda ang kanilang pamumuhay.