Inday TrendingInday Trending
Barya Lang Po Sa Umaga

Barya Lang Po Sa Umaga

Maagang umaalis si Leonard papasok sa kanyang trabaho. Madaling araw pa lamang ay gising na ito, inaasikaso na ang mga gamit at ang sarili. Alas-6 ng umaga siya umaalis ng kanilang bahay, takot kasi ito na maabutan ng rush hour dahil agawan ng jeep palagi sa kanilang lugar, marami kasi siyang kasabay na estudyanteng sumasakay.

Isang umaga, late na nagising si Leonard. Hindi kasi tumunog ang alarm na inaasahan niya. Agad-agad itong bumangon at kumaripas na nang takbo papunta sa banyo upang maligo. Halos hindi na nga ito masyado nakapagpatuyo ng katawan at agad nang isinuot ang damit. Sa pagmamadali ay hindi na rin niya nasuklay ang kanyang buhok at binitbit na lamang ang medyas, sabay suot sa itim na sapatos sa labas ng kanilang pinto.

Dali-dali itong nagtungo sa pilahan ng traysikel at sumakay papuntang highway. At habang nasa loob ng traysikel, isinuot na ni Leonard ang medyas na hawak-hawak at nagsuklay na. Napansin pa nga nito na mali ang pagkakabutones ng kaniyang polo, kaya habang nasa biyahe papuntang highway ay inayos niya muna ito. Nang bababa na ay iniabot ni Leonard ang nag-iisang bente pesos sa bulsa ng kanyang bag.

“Salamat po kuya. Ingat po,” bati ni Leonard sa traysikel drayber nang iniabot ang bayad.

Buong akala ni Leonard ay mahihirapan siyang sumakay ng jeep, ngunit laking gulat nito nang may bakanteng jeep ang lumiko sa kanto, kaya agad itong nakasakay. Dahil marami nang nag-aabang ay agad naman itong napuno at nagtuloy-tuloy ang biyahe niya.

“Hay, buti na lang napuno agad. Mabilis lang nito ang magiging biyahe ko. Sana umabot pa ako at hindi ma-late,” bulong ni Leonard habang nakaupo sa dulo ng jeep na malapit sa babaan.

Mag-aabot na sana ito ng bayad, pero bigla itong nag-alala dahil wala na siyang madukot na bente or barya sa bulsa ng kaniyang bag. Kinapa naman niya ang bulsa ng kanyang pantalon at tanging limang pisong buo na lamang ang laman nito. Agad naming inisip ni Leonard kung may barya ba siyang natira kagabi noong pauwi siya galling trabaho, at ang tanging naalala nito ay ang sukling bente pesos na isinukli sa kaniya nang sumakay siya ng traysikel pauwi.

Ang limang piso naman sa bulsa ay ang napulot niyang barya sa lamesa bago siya umalis kanina. At dahil wala nang makitang barya, kinuha na lamang nito ang pitaka sa loob ng bag. Ngunit mas ikinabahala niya nang makita ang pera na nasa kaniyang pitaka. Wala ng barya na nakaipit at nakalagay sa bulsa nito, at nang tingnan na niya ang lagayan ng kaniyang papel na pera, mas ikinabahal niya nang makitang ang nag-iisang limang-daang piso na lapat na lapat pa ang pagkakalagay sa kaniyang pitaka.

“Hala, ito na lang ba ang pera ko?” bulong ni Leonard sa sarili.

“Hindi ito maari! Nakakahiyang magbayad ng limang-daan sa jeep sa ganitong oras. Mapapagalitan at mapapahiya ako kay manong drayber. Nako,” wika pa ni Leonard sa sarili.

Hinalungkat ni Leonard ang kaniyang bag sa pagbabakasakaling may mahanap man lang barya kahit sampung piso para maidagdag sa limang piso nasa bulsa ng kaniyang pantalon. Pilit na hinalungkat ni Leonard ang bag, kinalikot ang bawat bulsa nito ngunit wala na siyang makapang barya. Pinagpapawisan na nang malamig si Leonard sa kaba. Hindi na niya alam ang gagawin dahil ang dami nang umiikot sa isip nito.

“Hindi pa naman ako nakakalayo? Baba na lang kaya ako? Magpapalit ako sa tindahan.”

“Hindi ‘yan sigurado. Tingnan mo nga wala pang bukas na tindahan sa labas. At kung mayroon man, sa tingin mo may barya na sila ng ganito kaaga?”

Pagtatalo ng kaniyang isip habang nakatulala sa jeep. Nagmamasid sa labas kung may madadaanan na.

“Oo nga, di ‘yan sigurado. Tsaka mahirap makasakay ng jeep. Swerte ko na nga at may nasakyan ako eh. Pag bumaba ako, baka wala na akong masakyan, mas mahuhuli ako sa trabaho.”

“Tsaka baka habulin ka ni kuya kasi hindi ka pa nagbabayad. Lalong nakakahiya!”

Patuloy na pagtatalo ng isip ni Leonard. Sinisilip ang drayber na abalang nagmamaneho at nanunukli sa ibang pasahero.

“Kausapin ko kaya itong isang pasahero, mukhang may pera ito. Baka may barya siya sa limang-daan.”

“Paano pag wala? Ang aga-aga pa! Tingnan mo nga singkwenta na papel lang ang inabot niya, baka wala siyang barya?”

Hindi matigilan ni Leonard ang mag-isip kung paano ang gagawin. Inis na inis na rin ito sa kaniyang sarili, dahil naging pabaya siya. Nawaglit sa kaniyang isipan na siguraduhin na may barya siyang pamasahe sa umaga, dahil tulad nga ng kasabihan, barya lang po sa umaga.

“Ikaw kasi Leonard e! Tanghali ka na nga gumising, wala ka pang barya. Paano ka na niyan?” sermon ni Leonard sa kanyang sarili.

“Paano na ang gagawin ko? Kausapin ko kaya itong katabi ko? Baka may papalit siya sa limang daang piso.”

“Paano ‘pag wala? Naku, subukan mo na lang kaya ibayad yan, malay mo at may barya si manong drayber.”

“Wala sigurong barya si manong. Ang aga-aga pa lang e. Panigurado ako, unang biyahe pa nga lang niya ito.”

Pagtatalo pa rin ng kaniyang isip habang tinitignan ang drayber na hanggang ngayon ay abala sa panunukli.

“Alam ko na, pumunta kaya ako sa likod ni manong? Pagbaba kaya nung isang pasahero, lilipat ako. Tapos bu-bulungan ko na lang si manong drayber na wala akong barya, tas pasimple ko na lang iaabot yung limang-daan?”

“Oo nga, tapos pag sinabi niya na walang siyang barya. Baka pwede siyang dumaan sa gasulinahan para magpabarya, o pagdating ng Recto ay bumaba ka sa 7-eleven at magpabarya habang hinhintay ka niya. Basta ang mahalaga, magbayad ka Leonard. Hindi ka mag 1-1-2-3 sa jeep ha!”

Bilin na Leonard sa sarili. Habang nasa biyahe ay patuloy na iniisip ni Leonard ang magiging diskarte pra makarating sa likod ni Manong Drayber. Nang makarating sa Blumentritt ay bumaba ang babae na nakaupo sa likod ng drayber, kaya agad-agad na lumipat si Leonard sa likod nito.

“Manong…” bulong ni Leonard sa likod ng drayber.

Tinignan ng drayber si Leonard.

“Bayad ko po. Eto na lang po ang pera na mayroon ako, nakalimutan ko pong magdala ng barya. Pasensiya na po kayo kuya,” wika ni Leonard sa nakikinig na drayber.

“Pag wala po kayong barya, daan na lang po tayo sa gasulinahan o kaya sa 7 eleven at magpapalit po ako. Hintayin niyo po ako,” mabilis na pagpatuloy ni leonard sa sinasabi upang makapagpaliwanag ito at hindi na magalit ang drayber ng jeep.

Nakinig ang drayber sa kanya at ang unang nagging sagot nito ay isang ngiti.

“Hayaan mo na, hijo. Libre ko na ang pamasahe mo,” sagot ng drayber.

Gulat na gulat si Leonard sa naging sagot ng drayber. Nahiya ito at pinilit ang drayber na magpapalit. Nagkalakas loob din si Leonard na magtanong kung may barya ba sa limang-daan ang mga pasaherong sakay ng jeep, ngunit walang sumasagot.

“Kuya, pasensiya na po kayo at wala akong barya. May madadaanan po tayong 7-eleven, magpapalit po ako,” pagpipilit ni Leonard.

“Ako na lang ang magbabayad sa’yo,” wika naman ng isang babae na kumukuha na ng barya sa kayang pitaka.

“Wag na po,” wika ng drayber.

“Hanga ako sa katapatan ng lalaking ito. Kaya nais ko na ilibre na siya ng pamasahe. Dapat maging katulad mo ang iba kong mga pasahero, na mas pipiliin na maging tapat kaysa mangdaya sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng pamasahe o pag 1-2-3,” dagdag ng drayber.

“Kaya hayaan mo na ilibre na kita, hijo. Premyo mo ‘yan sakin dahil isa kang matapat na tao,”sabi ng drayber na nakangiti.

Bigla naman lumambot ang puso ni Leonard nang marinig ang sinabi ng drayber. Tunay na mas mahalaga at mas pinagpapala ang mga taong mas pinipili ang gumawa ng tama. Nagsilbing aral sa kanya ang nangyari at mula noon ay sinigurado na niyang lagi siyang may dalang barya.

Lagi nang tinandaan ni Leonard na ang paggawa ng tama ay kailanman ay hindi maghahatid sa atin ng kapahamakan. At ang pagiging tapat sa lahat ng pagkakataon, ang isa sa mga ito.

Advertisement