Sinuway Nila ang Bilin ng Kanilang Ina; Kakaiba ang Kanilang Magiging Karma!

Tatawa-tawa sina Jon, Louie at Red habang pumupuslit sa gate ng kanilang bahay. Nang tuluyan na silang makatakas ay nag-high five pa ng mga ito dahil sa wakas ay naeskapuhan na nila ang kanilang ina.

Ayaw kasi sila nitong payagang pumunta sa fiestahan sa kabilang baryo dahil babala nito’y kabilugan na naman daw ng buwan. Delikado raw na lumabas. Mapamahiin kasi si Aling Lita, samantalang ang tatlo’y ayaw namang maniwala sa mga ganoon.

“Si nanay talaga, oh! Ang tatanda na natin, eh, tinatakot pa tayo!” kakamot-kamot sa ulong ani Louie na siyang pinakamatanda sa magkakapatid.

“Kaya nga, eh! Twenty-first century na, naniniwala pa rin sila sa gan’on,” komento naman ni Jon na siyang ikalawang anak ni Aling Lita.

“Mga kuya, bilisan na natin at baka maubusan tayo ng makakasayaw na mga babae!” tarantang saad naman ng bunsong si Red na lakad-takbo na ang ginagawa dahil sa pagmamadali.

Narating ng tatlong magkakapatid ang sayawan sa naturang baryo nang hingal na hingal. Paano’y nilakad lang nila ang papunta roon dahil halos wala na talagang dumaraang sasakyan tuwing sasapit ang alas nueve ng hatinggabi. Kung mayroon ma’y puro naman iyon pribadong sasakyan.

Napakaraming naggagandahang babae ang naabutan nilang naroon din sa kasiyahan. Tuwang-tuwa namn ang magkakapatid, dahil ang mga babae na ang kusang lumalapit sa kanila’t nagyayayang makipagsayaw.

“Ang saya-saya naman ng fiestahan dito sa lugar n’yo. Buti na lamang at naimbitahan kami ng isang kaibigan namin na dumalo rito,” malawak ang ngising ani Red noon sa babaeng kaniyang kasayaw.

Advertisement

“Oo naman! Masaya rin kami na dumalo kayo rito,” sagot naman ng babae at sumilay ang kakaibang ngiti sa labi nito.

Inaya ng mga babaeng kasayaw nila ang tatlong magkakapatid na kumain muna raw sa kanilang bahay bago magsiuwi. Agad naman iyong pinaunlakan ng tatlo at sila’y sumama sa mga ito sa kanilang tinitirahan.

“Mukhang paiiskorin tayo ng mga ’yan, ah!” bulong ni Louie sa kaniyang mga kapatid na halata ang kasabikan.

“Kaya nga, eh. Kursunadang-kursunada nila tayo,” sagot naman ni Jon.

Inaasahan na ng tatlo na ganoon nga ang mangyayari, ngunit hindi pa rin nila naiwasang magulat nang biglang maghubad sa kanilang harapan ang naturang mga babae nang sabay-sabay!

Napapangisi na sina Louie, Jon at Red at handa nang sunggaban ng halik ang mga babaeng walang saplot sa kanilang katawan… nang mapansinn nilang tila nagbabago ang hitsura ng mga ito.

Nanghahaba ang mga pangil nila, pati ang mga kuko. Ang mukha’y unti-unting nabalutan ng maiitim na balahibo at nagkaroon ng hati ang kanilang mga dila!

“Aswang!” napasigaw ang tatlo at halos sabay-sabay na nagtakbuhan palabas sa pinakamatulin nilang kakayahan!

Advertisement

Takot na takot sila, ngunit patuloy pa rin silang hinahabol ng mga aswang!

Noon napagtanto ng magkakapatid na sana’y nakinig na lamang sila sa kanilang ina!

“Tulong! Tulong!” patuloy na naghihiyaw sina Jon at Louie.

Si Red na siyang bunso ay napaihi na sa sariling salawal habang humahagulhol at tinatawag ang pangalan ng kaniyang ina.

“Kkkksssshhh!”

“Kkkksssshhh!”

“Kkkksssshhh!”

Panay ang paangil na huni ng mga aswang sa magkakapatid na malapit na nilang abutan!

Advertisement

Ngunit laking pasasalamat ng tatlo nang bigla silang mapadpad sa biladan ng mga asin!

Sandamakmak na panindang asin ang nakita nilang nakahayang sa daanan kung saan sila dinala ng kanilang mga paa. Mukhang naiwan na ito ng may-ari mula sa maghapong pagbilad.

Doon ay nagsidapa sina Jon, Louie at Red kaya’t hindi sila malapitan ng mga aswang na humahabol sa kanila. Pinaghahagis ng magkakapatid ang mga asin sa himpapawid kaya naman galit na galit lalo ang mga aswang!

Mabuti na lamang at malapit na ang bukang liwayway at doon lamang sila nilubayan ng mga ito!

Nakauwi nang ligtas ang tatlo ngunit naiwan ang labis na takot at pagsisi sa kanilang mga puso’t isipan. Nang makita nila ang nag-aalalang mukha ng kanilang ina ay napaiyak na lamang ang tatlo at laking pasasalamat nilang walang nangyaring masama sa kanila.

Humingi sila ng kapatawaran para sa pagsuway nila sa bilin ng kanilang Nanay Lita, at isiniwalat nila rito ang kanilang karanasan.

Nang puntahan ng mga taong bayan ang tatlong babaeng aswang ay wala na ang mga ito sa kanilang tinutuluyan. Mukhang tumakas na ang mga ito’t nangibang-bayan upang hindi sila mapahamak.

Simula noon, hindi na kailan man sinuway pa ng magkakapatid ang utos ng kanilang ina. Mas naging masunurin na silang anak dahil ayaw na nilang maulit pa ang nangyari nang dumalo sila sa pistahan ng mga aswang!