
Galit ang Magkakapatid sa Kanilang Panganay sapagkat Ibinenta raw Nito ang Bahay; Dito Pala Niya Dinala ang Pera
“Nasisiraan na ba sila nanay at tatay, ate? Bakit kay Kuya Roger ipapamana itong bahay? Baka mamaya ay kung ano lang ang gawin niya dito,” saad ni Richard sa nakakatandang kapatid na si Juliet.
“Hindi ko nga rin alam kung bakit. Baka dala na rin siguro ng katandaan nila at nawawala na sila sa tamang katinuan. Alam naman nila kung anong buhay mayroon ‘yang si Kuya Roger. Masyadong maligalig pagdating sa pera, tingnan mo ngayon kung nasaan siya,” tugon naman ni Juliet sa kapatid.
“Subukan kaya nating kausapin sina nanay at tatay. Baka sakaling magbago ang isip nila. Baka patirahan kung kani-kanino itong bahay o hindi kaya ay biglang ibenta,” giit ni Richard.
Matagal nang may hidwaan sa pagitan ng magkakapatid na Roger, Juliet at Richard. Naiinis kasi ang dalawa sa kanilang panganay na kapatid na si Roger dahil sa lahat ng sakit ng ulo na dinala nito sa kanilang pamilya.
Iniwan ng asawa ang kanilang Kuya Roger dahil marami silang hindi pinagkakasunduan. Napasok din kasi ang ginoo sa iba’t ibang ilegal na gawain tulad ng pagsusugal.
Habang ang kaniyang dalawang kapatid ay nagpapakadalubhasa sa paaralan, sinikap maghanap ng marangal na trabaho at ngayon ay magaganda na ang mga buhay, si Roger naman ay walang ginawa kung hindi dungisan ang kanilang apleyido.
Ilang beses na nakulong ang ginoo. Sa tuwing makikita nga nila ito ay alam nilang sakit ang ulo ang kaniyang dala. Kaya ganoon na lamang ang pag-iwas at inis sa kaniya nila Juliet at Roger. Lalo pa ngayon nang malaman nilang ang kanilang bahay pala ay ipapamana ng mga magulang sa kanilang panganay na kapatid.
Kaya minabuti ng dalawa na kausapin ang mga magulang bakasakaling magbago ang mga ito ng kanilang isip.
“Buo na ang pasya namin ng tatay niyo. Matatanda na nga kami ngunit sana naman ay h’wag ninyo nang pangunahan ang aming mga desisyon. May maiiwan din naman para sa inyo,” saad ng kanilang ina.
“Ngunit, ‘nay. Alam niyo kung gaano kaligalig si kuya sa pera. Darating ang araw ay ibebenta niya itong bahay kalakip ng iba pang ari-arian. Sinasabi ko sa inyo na mali itong desisyon niyo ni tatay,” sambit ni Juliet.
“Tapos na aming pasya. Wala nang makakapagpabago noon,” pahayag naman ng ama nila.
Makalipas ang anim na buwan ay sumakabilang buhay ang ama ng magkakapatid. Nang makita nina Juliet at Richard ang kanilang kuya ay hindi man lamang nila ito nagawang batiin ng maayos bagkus ay nais pa nila itong paalisin.
“Kuya, kung may dala ka na namang masamang balita, p’wede ay h’wag ngayon. Hayaan mo namang magdalamhati ang nanay natin,” sambit ni Juliet pagkakita sa panganay na kapatid.
“Narito lang ako para makita ang ating ama at damayan ang nanay. Hindi na ba ako kabilang sa pamilyang ito?” tugon ni Roger.
Bago pa lumaki ang gulo ay agad na silang inawat ng kanilang ina bilang respeto na rin sa kanilang namayapang ama.
Nailibing ang ama na hindi man lamang natatapos ang sigalot sa pagitan ng magkakapatid.
Wala pang isang taong namamapayapa ang kanilang ama ay nagulat na lamang sina Juliet at Richard sa balita na ibinenta ni Roger ang bahay na nakuha nito nilang pamana.
“O, hindi ba? Tama ang hinala namin ni Richard, ‘nay! Hindi pa man siya nakakatira sa bahay na ito ay binenta na niya. Wala talagang puso ang kapatid naming iyan. Hindi ko alam, ‘nay, bakit kami nagkaroon ng ganiyang uri ng kapatid!” sambit ni Juliet.
“Saan kayo ngayon titira, ‘nay, ngayong wala na ang bahay?” tanong naman ni Richard.
Napatingin na lamang sa kanilang dalawa ang ina.
“Hindi p’wede sa amin, ‘nay. Alam niyo namang ang gusto ng asawa ko ay siya lang ang reyna ng bahay namin. Ayaw no’n nang napapakialaman siya,” saad ni Richard.
“Hindi rin p’wede sa amin, ‘nay, sapagkat hindi ko nga pinayagan na tumira sa bahay namin ang magulang ng asawa ko, tapos ay iuuwi ko kayo. Ito naman kasing si Kuya Roger, napakasakim!” sambit ni Juliet.
Sa galit ng dalawang magkapatid ay inaway nila ang kanilang Kuya Roger.
“Wala kang kasing sama, Kuya! Dapat ay sa amin na lang pinamana ang bahay. Siguro ay napunta pa sa maganda ang pinagbentahan nito. Paano mo ito nagawa? Napakawalang kwenta mo talaga!” sigaw ni Juliet sa panganay na kapatid.
“Naturingan kang panganay pero sarili mo lang ang iniisip mo,” saad naman ni Richard.
Hindi na sumagot pa ang panganay na kapatid at iniabot na lamang sa kanila ang tig-isang sobre. Nang buksan ng dalawa ito ay laking gulat nila nang makita ang tseke sa kanilang pangalan.
“A-anong ibig sabihin nito?” pagtataka ni Juliet.
“Iyan ang pinagbentahan ng bahay. Ibinibigay ko na sa inyong dalawa. Alam kong mas kailangan niyo ang pera na iyan,” saad ni Roger sa mga kapatid.
“Alam ko na hindi maganda ang takbo ng negosyo niyong mag-asawa, Juliet. Makakatulong ang pera na iyan upang magsimula kayong muli. Richard, alam kong malaki ang nadispalkong pera sa iyo ng pinagkatiwalaan mong kasamahan sa trabaho, gamitin mo ang pera na iyan para sa pamilya mo,” dagdag pa ng nakakatandang kapatid.
Hindi lubusan maisip nina Juliet at Richard na sa kabila ng galit nila sa kanilang kapatid ay sila pa rin pala ang iniisip nito.
“Maraming pagkakamali sa buhay niya ang kuya niyo. Pero pilit siyang nagbago at bumangon. Nakakalungkot lamang na sa tuwing gusto niyang makipag-ugnayan sa inyo ay pilit kayong lumalayo,” pahayag ng ina.
“Hindi niyo na kailangan pang mag-isip kung saan ako titira dahil maayos na ang buhay ng kuya niyo at sa kaniya ako sasama. Sana ay hindi pa huli ang lahat na magkalapit-lapit kayong muli tulad ng dati noong kayo ay bata pa at kasama pa natin ang inyong ama. Tiyak ko ay magiging masaya siya sa langit kung matutupad ito,” patuloy ng kanilang matandang ina.
Humingi ng tawad sina Richard at Juliet para sa maling pagtingin nila sa kanilang Kuya Roger. Simula ng araw na iyon ay unti-unting naibalik ng magkakapatid ang masaya at maayos nilang samahan.
Napatunayan ng kanilang ina na hindi sila nagkamali sa desisyon na kanilang ginawa na ipamana sa panganay na anak na si Roger ang kanilang bahay.