
Sa Panahon ng Kalamidad, Takot at Pangamba ang Nararamdaman ng Lahat; Ngunit Naging Matapang ang Isang Bata Para sa Kaniyang mga Alaga
Natataranta na ang lahat sa pagbitbit at paghakot ng kaniya-kaniyang kagamitan dahil sa walang tigil na paglakas ng ulan. Kagabi pa’y ibinalita na sa telebisyon ang pagbagsak ng bagyo sa kanilang lugar. Pinapalikas na rin sila ng kanilang mga nakakataas ngunit hindi naman nila kayang iwanan ang kani-kanilang bahay.
“Denver, bilisan mo na riyan para makalikas na tayo bago pa man tuluyang tumaas ang tubig baha!” Natatarantang tawag ni Aleng Dina sa sampung taong anak na si Denver.
“Teka lang po mama. Dadalhin ko sina Uno at Dos,” anito na ang tinutukoy ang dalawang alagang aso. “Wait lang Uno at Dos ah, pangako hindi ko kayo iiwan rito. Kasama ko kayong maliligtas,” kausap ni Denver sa dalawang aso na kahit hindi nakakapagsalita’y halata rin ang pangamba at takot sa mga mata at sa tono ng tahol ng mga ito.
“Bilisin mo na at hindi nagpapaawat ang ulan sa paglakas,” kinakabahan pa ring wika ni Dina.
“Opo mama,” ani Denver na mas lalong binilisan ang bawat galaw.
Nang mapakawalan ang dalawang alagang aso ay agad na lumabas ng bahay sina Denver, kasama ang pamilya nito. Ang nanay niya’y may dala-dalang tatlong malalaking bag, gano’n rin ang kaniyang papa at dalawa pang kapatid. Habang siya’y hawak-hawak sina Uno at Dos.
“Denver, kaya mo bang suungin ang baha?” Nag-aalalang tanong ng kaniyang kuyang si Xander.
Tinitigan ni Denver ang dalawang alagang aso saka inilipat ang tingin sa kulay chocolateng tubig na sa kaniya’y hanggang dibdib ang taas.
“Kaya ko po kuya, pero paano sina Uno at Dos?” Nag-aalalang wika ni Denver. Imbes na intindihin ang sarili ay mas inintindi ang dalawang alaga.
“Hawakan mo lang ang tali nina Uno at Dos, Denver, marunong naman lumangoy ang mga iyan,” ani Ate Sabel.
“Sige po.”
“Itong kanan mong kamay ay ihawak mo sa’kin ng maigi ah. Iyan namang kaliwa mo’y sa tali nina Uno at Dos,” mariing bilin ni Kuya Xander kay Denver.
“Opo.” Desididong tango ni Denver.
Sa awa ng Diyos ay natawid naman nila ang baha at ngayon nga ay narito na sila sa covered court kung saan mas ligtas ang lahat.
“Denver,” tawag ni Aleng Dina sa anak na ngayon ay nilalaro ang dalawang aso na kani-kanina lang ay kasama nilang nakikipagsapalaran kay kam*tayan.
“Po, ma?”
“Salamat at naalala mong iligtas sina Uno at Dos ah. Sa sobrang pagkataranta ko kanina’y hindi ko na naisip pa ang dalawang aso,” ani Aleng Dina sabay yakap sa anak.
“Mahal ko po sina Uno at Dos mama,” ani Denver saka niyakap ang dalawang aso. “Gaya po ng pagmamahal ko sa inyo nina papa, kuya at ate. Noong pumasok na po ang tubig sa loob ng bahay natin at lahat kayo’y natataranta na sa pagkuha ng kaniya-kaniyang kagamitan na kayang iligtas at madala rito’y wala namang ibang pumasok sa isip ko kung ‘di sina Uno at Dos.
Hindi ko kayang isipin na malulunod sila sa baha dahil nakalimutan ko silang iligtas. Kawawa naman sina Uno at Dos, kaya sila agad ang pinuntahan ko no’ng sinabi mong kailangan na nating lumikas bago pa man mahuli ang lahat. Pamilya tayo at kasama sa pamilya natin sina Uno at Dos,” ani Denver saka hinalikan ang dalawang magigiliw na aso.
Matamis na ngumiti si Dina saka isa-isang kinarga sina Uno at Dos. “Mabuti at nar’yan ang Kuya Denver niyo para iligtas kayo,” ani Dina.
Sabay namang nagtahulan ang dalawang aso na tila ba may nais sabihin. Saka dinilaan ang mukha ni Dina at ang kamay naman ni Denver na tila nais ipahiwatig ang labis na pagpapasalamat sa hindi pagkalimot sa kanila sa panahon ng kalamidad.
“Mahal na mahal ko kayo Uno at Dos, kaya kahit anong mangyari’y hinding-hindi ko kayo iiwan, lalo na sa mga ganitong sitwasyon,” ani Denver saka isa-isang hinalikan ang mga kaibigan at muling nakipaglaro sa dalawang aso.
Sa panahon ng kalamidad, madalas ay nakakalimutan natin ang ating mga alaga. Nakakalimutan natin na kung tayong mga tao’y nakakaramdam ng pangamba at takot ay gano’n rin ang mga alaga nating hayop.
Kung kaya nating iligtas ang mga sarili natin sa anumang kalamidad na dumating, sana iligtas rin natin ang mga alaga nating hayop. Tama si Denver, kasama sila sa pamilya at mayroon din silang mga buhay. Gaya sa tao’y nakakaramdam din sila ng takot.
Salamat sa mga taong may malasakit sa mga alaga nilang hayop.