Inday TrendingInday Trending
Kinukutya ng Karamihan ang Pagpapahaba ng Binata sa Kaniyang Buhok; Nakakahabag Damdamin ang Totoo Nitong Dahilan

Kinukutya ng Karamihan ang Pagpapahaba ng Binata sa Kaniyang Buhok; Nakakahabag Damdamin ang Totoo Nitong Dahilan

“Alex, bakit ganyan ang ayos mo? Nagmumukha kang binabae! Tingnan mo nga iyang hitsura mo oh! Ang haba ng buhok mo, kaya nagmumukha kang b*kla!” Nang-aasar na wika ni Janno, sabay tawa nang malakas.

Ngunit imbes na patulan ni Alex si Janno ay ngumiti lamang ito saka balewalang umupo sa bakanteng silya. Reunion ng batch nila ngayon at halos lahat ng mga kaklase nila noong high school ay dumalo.

Noong una’y hindi rin nakilala ni Samantha si Alex dahil sa haba ng buhok nito. Kung hindi to nagpakilala ay hindi niya talaga malalaman na ito na pala ang kaibigan at kaklase niyang si Alex.

“Ikaw naman Janno, malay mo iyan na ang trip na pormahan ngayon ni Alex, kaya nagpahaba ng buhok. B*kla agad,” segundang kutya ni Henry.

“Nakaka-b*kla ang nais mong pormahan ah,” natatawa pa ring wika ni Janno.

“Tama na nga iyan. May kaniya-kaniyang trip ang bawat tao. Kung hindi mo nagustuhan ang pormahan ni Alex, manahimik ka na lang,” ani Samantha na pinaparinggan ang mga kaklaseng pinagtatawanan ang hitsura ni Alex.

“Hayaan mo na, Sam. Sanay na ako sa mga ganiyang kutyaan,” nakangiting wika ni Alex. “Mula noong naisipan kong magpahaba ng buhok ay inasahan ko na ang mga ganitong kutya. Sa katunayan ay manhid na ako at pinagtatawanan ko na lang,” dugtong ni Alex, saka kumuha ng pagkain upang makakain na.

“Kahit na Alex, wala pa rin silang karapatan na kwestyunin ang trip mo,” wika ni Cheska, isa sa mga ka-klase nila.

“Bakit ba? Masama bang matawa sa itsura ni Alex? Tingnan niyo naman kasi. Borta ang katawan, tapos ang haba ng buhok, may bangs pa. Kaya nakakatawa talaga. Para siyang pamintang b*kla na nagpapanggap bilang Maria Clara, hindi bagay!” May halong inis na wika ni Janno.

“Paki mo ba, Janno? Kung gusto mo gayahin mo si Alex,” depensa ni Samantha.

“Tama na,” awat ni Alex. “Narito tayo para magsaya, hindi para magbangayan. Pasensiya na kayo sa pormahan ko. Nagkataon lang na kailangan ko pang pahabain ang buhok ko para mas bumagay ito sa taong pagbibigyan ko.

Ang totoo ay wala talaga akong balak na sumama sa okasyong ito, dahil nga sa itsura ko ngayon. Ngunit gusto ko rin kasing makasama at makamusta kayo kaya kahit nakakahiya’y pinilit kong pumunta.

Ang totoo’y sinadya ko talagang magpa-haba ng buhok. Hindi dahil trip ko o dahil b*kla ako. Ibibigay ko kasi ito sa kapatid kong may sakit na alopecia. Tatlong taon na mula noong napansin namin ang paglalagas ng buhok niya.

Kaya mula noon ay hindi na siya nakakalabas ng bahay kapag hindi siya nagsusuot ng wig. Naisip ko bilang kuya niya, ang buhok ko ang pinakamagandang regalo upang kahit papaano’y mapasaya ko siya. Kahit na ang kapalit no’n ay ang mga pangungutya ng ibang tao.

Handa akong ngitian at tawanan ang lahat ng mga taong nagsasabi ng masama sa’kin, basta ang mahalaga lang naman para sa’kin ay ang mapasaya ko ang kapatid ko. Kahit sa maliit na bagay lang.” Mahabang paliwanag ni Alex, dahilan upang matameme ang lahat.

“Kaya pasensiya na kayo kung ‘di niyo gusto ang itsura ko ngayon. Pagpasensiyahan niyo na muna ako,” dugtong ni Alex na punong-puno ng pagpapaunawa ang boses.

Tumayo si Janno saka inakbayan si Alex. “Pasensiya ka na pare sa mga sinabi ko kani-kanina lang. Hindi ko alam ang pinagdadaanan ng pamilya mo. Patawarin mo sana ako,” humihinging paumanhin na wika ni Janno.

“Ayos lang iyon pare. Naiintindihan kita. Minsan na nga lang tayong magkita ganito pa ako ngayong muli tayong nagkita,” nakangiting wika ni Alex.

Bahagya namang ngumiti si Janno. “Aaminin ko. Naasar talaga ako sa itsura mo kanina. Para kasing nawala ang kaibigan kong si Alex dahil sa pagpapahaba mo ng buhok.

Isipin mo tigasin ka noon tapos, bigla na lang ganiyan ka na ngayon. Pero no’ng narinig ko ang kwento mo pare, mas lalong tumaas ang paghanga at respeto ko sa’yo. Mula noon hanggang ngayon hindi ka pa rin talaga nagbabago,” ani Janno.

“Salamat p’re,” ani Alex.

“Hayaan mo tutulong kami sa problema mo, Alex. Kahit anong paraan ay tutulungan ka namin,” ani Henry na agad namang sinang-ayunan ng lahat.

Gaya ng ipinangako ng mga kaklase ni Alex, nagbigay ang mga ito ng tulong pinansyal, para sa pamilya nila at bukod pa roon ay nagbigay rin ang mga kaklase niyang babae ng buhok na gawa na at susuotin na lang ng kapatid niya. Walang paglagyan naman ang pasasalamat ni Alex sa mga kaibigan.

Minsan, ang bilis nating magbitaw ng masasakit na salita lalo na kapag hindi natin nagugustuhan ang ating nakikita. Laging tatandaan na ang lahat ng nangyayari sa mundo ay may kaniya-kaniyang dahilan.

Advertisement