
Sabik na Makilala ng Babae ang Lolo at Lola ng Kaniyang Mapapangasawa; Hindi Niya Inasahan ang Matutuklasan
Hindi maipaliwanag ni Kathleen ang kaniyang nararamdamang pagkasabik habang sila ay nasa bus ng kasintahang si Randy. Patungo sila sa lalawigan nito sa Cagayan. Ipakikilala na raw kasi siya sa mga lolo at lola nito na nagpalaki sa kaniya. Batay sa mga kuwento nito, malaki ang utang na loob ni Randy sa dalawang ito. Sila ang nag-aruga sa kaniya.
“Tapos alam mo ba, lagi silang sabay na nanunundo sa akin noong nasa Grade 1 pa lang ako. Hindi papayag ang lolo ko na lola ko lang ang magsusundo. Matiyaga silang maghihintay sa labas ng gate ng school. Tapos, paglabas ko, lagi kaming kakain sa paborito naming kainan sa probinsiya. Hindi pa uso ang fast food chains noon,” pagkukuwento ni Randy.
“Talagang mahal na mahal mo ang Lolo Anselmo at Lola Juanita mo, ‘no? Kaya mahal na mahal din kita eh,” papuri ni Kathleen sa kaniyang nobyo.
“Salamat, babe. Mahal na mahal din kita. Alam ko, nagsasawa ka na sa akin sa mga kuwento ko kung paano ako inalagaan ng aking mga lolo at lola. Tatanawin kong utang na loob sa kanila ang lahat. Kung hindi dahil sa kanila, hindi ako nakapag-aral. Hindi ako nakatapos, nakahanap ng trabaho, at hindi ako nakatuntong ng Maynila. Dahil nasa Maynila pala ang babaeng ihaharap ko sa dambana,” matamis na tugon ni Randy sabay sulyap kay Kathleen. Kinilig naman si Kathleen sa tinuran ng kaniyang nobyo.
“Babe, ikuwento mo nga yung unang beses na napalo ka nila? Natatawa kasi ako eh,” pakiusap ni Kathleen.
“Sige, babe. Kasi noon, gustong-gusto kong manghuli ng mga gagamba. Pinaglalaruan namin, tapos may tayaan pa. Sumusuot ako kung saan-saan. Kahit sa pinakailalim ng kanal, nakakarating ako para lang makahanap ng mga gagambang ekis. Isang beses eh napasarap ako sa panghuhuli ng mga gagamba. Hindi ko namalayan ang oras,” kuwento ni Randy. Hindi niya mapigilang mapangiti habang nagkukuwento.
“Tapos… ano’ng nangyari?”
“Nakita ko si Lolo Anselmo may dalang pagkahaba-habang dos por dos. Natakot ako. Nagtatakbo ako. Eh maluwag na kasi yung garter ng shorts ko, ‘di ko namalayan nakalawlaw na pala. Eh hindi rin ako nagbi-brief noon. Kaya nagtatakbo akong hubo. Nakakahiya, kasi nakita pa ako ng crush ko noon. Hiyang-hiya ako. Akala ko ligtas na ako kay Lolo Anselmo, iyon pala, nakaabang naman si Lola Juanita. Nakaligtas nga ako sa dos por dos, hindi naman ako nakailag sa hanger,” tawang-tawang saad ni Randy.
“Matinik pala sina Lolo Anselmo at Lola Juanita! Alam mo, natutuwa talaga ako kapag may kuwento ng mga lolo at lola. Hindi ko kasi naranasan iyan. Alam mo naman… maaga silang nawala,” sabi ni Kathleen.
“Mapalad ka rin naman kasi masipag sina Tatay at Nanay. Ako, iyan naman ang hindi ko naranasan. Hindi ko alam kung paano alagaan ng isang nanay at tatay, pero pasalamat na lang talaga ako kina Lolo Anselmo at Lola Juanita.”
“Excited na akong makita at maka-bonding sila. Sa palagay mo ba magugustuhan nila ako?” nag-aalangang tanong ni Kathleen sa nobyo. Sinulyapan siya nito at ngumiti lamang.
“Lagi naman kitang iniisip at lagi ka namang nasa puso ko kaya siguradong alam na nila iyon,” tugon ni Randy.
“Saka alam mo babe, idolo ko si Lolo Anselmo pagdating sa pagmamahal at pag-aalaga niya sa lola. Mahal na mahal niya ang lola ko. Hindi ko pa narinig si Lola Juanita na inaway niya si Lolo dahil sa ibang babae. Kaya idolo ko siya at ginagawa ko sa iyo ang ginawa niya kay Lola.
Makalipas ang tatlong oras na paglalakbay ay nakababa na rin sina Randy at Kathleen. Kumain muna sila sa isang fast food chain, bago sumakay ng tricycle. Bago sila umalis, bumili muna si Randy ng pulumpon ng mga bulaklak para kay Lola Juanita, at binilot na tabako naman para kay Lolo Anselmo.
Makaraan ang ilang minuto…
“Lolo… lola… ang mapapangasawa ko po, si Kathleen…”
Hindi makapaniwala si Kathleen na ang Lolo Anselmo at Lola Juanita pala ni Randy ay matagal nang nananahimik sa kalangitan. Nasa harap sila ng puntod nila. Nagtulos ng mga kandila si Randy. Inilapag niya ang mga pulumpon ng bulaklak at ang tabakong binili kanina, sa ibabaw ng puntod.
“H-Hindi mo sinabi sa akin na… na wala na sila…” nagulat na sabi ni Kathleen.
“Para sa akin kasi, nariyan lamang sila at hindi nawala. Pasensiya na babe kung umasa kang makakaharap mo sila,” nahihiyang paliwanag ni Randy.
At nagsalaysay si Randy.
“Hanggang sa dulo ng walang hanggan, sila pa rin. Nawala si Lola Juanita dahil sa isang malubhang karamdaman. Makalipas ang dalawang linggo, si Lolo Anselmo naman ang nawala. Hindi niya kinayang mawalay sa mahal niyang asawa.”
Hindi sumagot si Kathleen. Bagkus, hinaplos-haplos nito ang puntod ng dalawang matanda.
“Ikinagagalak ko po kayong makilala, Lolo Anselmo at Lola Juanita. Ako po si Kathleen, ang mapapangasawa po ng apo ninyong si Randy. Mahal na mahal ko po siya, at kahit na hindi ko po kayo nakausap o nakaharap nang personal, nakilala ko na po kayo batay sa kuwento niya. Ipinapangako ko po sa inyo na aalagaan at mamahalin ko ang apo ninyo, gaya ng pag-aalaga at pagmamahal ninyo sa kaniya.”
Niyakap ni Randy ang kasintahan at masuyong hinagkan sa noo. Masayang-masaya naman si Kathleen dahil alam niyang napakapalad niya sa pagkakaroon ng nobyo at mapapangasawang laki sa lolo at lola; na binusog sa aruga at pagmamahal.