
Patuloy ang Pagkakalulong ng Binatang Ama sa Pagkokompyuter; Ito ang Naging Dahilan Upang Malagay sa Alanganin ang Buhay ng Anak
“Ang likot mo talagang bata ka! Bakit mo binutas ‘yang kuna mo? Bakit kasi hindi ka pa sinama ng mommy mo nung umalis siya,” inis na sambit ni Bradley sa kaniyang kaka-isang taong gulang na anak.
“Lalo na akong walang magagawa nito! Nakakainis talaga ‘yang nanay mo! Halika na nga muna at dadalhin kita sa lola mo!” dagdag pa ng binata.
Mag-iisang linggo pa lamang na iniiwan ng kaniyang kinakasama si Bradley ay halos mabaliw na ito sa pag-aalaga ng kaniyang anak. Umalis ang dalaga dahil sa pitong taon na kaniyang pagtitiis sa ugali ni Bradley ay hindi na niya ito nakayanan.
Buhay binata pa rin kasi ito. Lulong masyado sa mga laro sa kompyuter at sa barkada. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi ito nakapagtapos ng pag-aaral bukod sa maaga niyang nabuntis ang kaniyang kasintahan. Dahil walang hanapbuhay at hindi rin naghahanap ng trabaho ay patuloy pa ring nakaasa si Bradley sa kaniyang mga magulang.
“Ma, dito nga muna itong si Den-Den. Ang likot-likot at walang sawa sa kakaiyak. Kukuhain ko na lang siya mamaya,” saad ni Bradley sa kaniyang inang si Flor.
“Aalis kami ng papa mo, anak. Ikaw na ang tumingin sa bata. Wala ka namang ginagawa,” tugon ng ina ng binata.
“Ma, naghihintay ang mga kasamahan ko sa laro namin sa kompyuter. Pustahan iyon, e. Kailangan ko nang magmadali at mag-uumpisa na ang laro. Nakakahiya naman kung ako ang dahilan kung bakit kami matatalo,” giit ni Bradley.
“Tigilan mo na ‘yang paglalaro mo sa kompyuter at wala namang patutunguhan ‘yan, Bradley. Iniwan ka na nga ng nobya mo ngunit hindi ka pa rin nadadala. Hindi ka na binata, anak. May anak ka na. Kailangan ay maging responsable ka na sa kaniya,” pangaral ng kaniyang Mama Flor.
“Paulit-ulit na lang tayo sa ganito, Bradley. Kailan ka kaya matatauhan na wala kang kinabukasan diyan,” dagdag pa ng ina.
“Oo na, ma. Sige, ngayon na lang ako hihingi ng pabor sa iyo. Tatapusin ko lang ang larong ito. Tapos ako na ang bahala sa anak ko. Ngayon lang, ma. Pakiusap. Huli na talaga ito,” pagpupumilit ni Bradley.
Sa pangakong huling laro niya na ito ay pumayag ang kaniyang ina na panasamantalang alagaan muna ang kaniyang anak. Ngunit gabi na ay hindi pa rin kinukuha ni Bradley si Den-Den.
“Naglalaro ka pa rin?!” bungad ng ina.
“Kanina ka pa naglalaro. Gabing-gabi na at hinahanap ka na nitong anak mo. Akala ko ba huling beses ka na maglalaro, Bradley? Kailangan na namin matulog ng papa mo dahil maaga pa kaming hahango ng mga paninda. Kapag hindi kami kumilos ay wala ka ring ipapakain dito sa anak mo. Konting konsiderasyon naman, Bradley. Tumulong ka sa amin ng ama mo. Makakatulong ka sa pamamagitan ng pag-aalaga nitong anak mo,” wika ni Aling Flor.
Ngunit imbis na matauhan sa sinabi ng ina ay lalo pang nainis si Bradley dahil binubungangaan na naman daw siya nito.
“Tulog naman na pala si Den-Den, ma. Sige, ibaba niyo na lang sa kuna niya. Ako na ang bahala sa kaniya. Ipagtitimpla ko ng gatas mamaya kapag umiyak,” saad ng binata para na lamang umalis ang kaniyang ina.
Nang ibinaba ni Aling Flor sa kuna ang natutulog na bata ay napansin niya na butas ang kuna nito.
“Sira na pala ang kuna ng anak mo, Bradley. Bukas ay kuhain mo sa bahay ang panahi at sulsihin mo ito,” sambit ng ina.
“Sige, sige, sige, Oo na, ma,” naiiritang wika ng binata.
Kinabukasan ng hapon, matapos ang mga gawain ni Aling Flor at kaniyang asawa ay nagpunta ito sa bahay ng anak upang dalhin ang panahi.
“Sabi ko na ay sa ganito na naman kita dadatnan, anak. Wala ka ba talagang balak ayusin ang buhay mo. Tingnan mo hindi mo na napalitan ng lampin ang anak mo. Itigil mo na ang paglalaro mo riyan sa kompyuter at babasagin ko na talaga iyan,” galit ng sambit ng ina.
Sa inis ni Bradley sa ina ay tumayo ito mula sa kaniyang paglalaro upang ipakita sa ina na tumigil na siya at tanatanan na nito ang pagsermon sa kaniya.
“Ito na ang panahi. Ako na ang magtatahi sa kuna ng anak mo dahil alam ko ay hindi mo na naman ito gagawin!” saad ni Aling Flor sa anak.
Agad na kinuha ni Bradley sa kamay ng ina ang lagyanan ng mga sinulid at karayom.
“Ako na ang magtatahi. Baka isumbat niyo na naman ito sa akin! Sige na, ma. Ako na bahala sa anak ko. Hindi na ako maglalaro. Baka may kailangan pa kayong gawin sa bahay niyo,” saad ni Bradley.
Umalis ang ina ng binata sa pag-aakalang tutupad sa usapan nila ang anak. Ngunit bumalik lamang sa paglalaro si Bradley nang matanaw na wala na ang ina.
Wala na namang tigil ito sa paglalaro sa kaniyang kompyuter. Halos umaga na nang tamaan na siya ng antok at saka tuluyang itinigil ang paglalaro. Doon niya naalala na kailangan niya nga palang timplahan ng gatas ang kaniyang anak.
Bago siya humiga ay tiningnan niya si Den-Den sa kuna nito. Ngunit laking takot niya nang makita niyang nakasuot na sa butas ng kuna ang ulo ng kaniyang anak. Agad niya itong inalis at pagharap niya sa kaniya ng bata ay laking pagkabigla niyang iba na ang kulay ito at hindi na ito humihinga.
Napasigaw na lamang si Bradley at humingi siya ng tulong sa mga kapitbahay. Nang malaman ng mga magulang niya at dating kinakasama ang nangyari ay agad nilang pinuntahan ang binata. Dinala ang bata sa ospital ngunit dineklara na itong walang buhay nang dalhin doon.
“Iniwan ko sa iyo si Den-Den sa pag-aakalang kung nasa iyo siya ay matutunan mong magpaka-ama sa kaniya. Baka sakali na magkaroon ka na ng responsibilidad sa buhay mo at sa anak natin. Pero nagkamali ako. Tama ka, dapat ay isinama ko na lang si Den-Den, baka sakaling ngayon ay kapiling pa natin siya,” pagsusumamo ng dating nobya ni Bradlye.
Walang magawa si Bradley kung hindi ang magsisi at lumuha ngunit huli na ang lahat.
Nang umuwi sa kaniyang bahay si Bradley para sa mga damit ng yumaong anak ay napatingin siya sa kaniyang kompyuter. Napansin niya ang lalagyanan ng pansulsi na ibinigay ng ina.
Napaluhod na lamang ang binata sa pagsisisi ngunit kahit anong iyak niya at pagsusumamo ay hindi na nito maibabalik ang buhay ni Den-Den.