Inday TrendingInday Trending
Siniraan Masyado ng Ginoo ang Kotseng Ibinebenta dahil Gusto Niya Pala Ito; Hindi Niya Akalaing Aksidente pala ang Dala Nito

Siniraan Masyado ng Ginoo ang Kotseng Ibinebenta dahil Gusto Niya Pala Ito; Hindi Niya Akalaing Aksidente pala ang Dala Nito

“O, nakatitig ka na naman sa litrato ng sasakyan na iyan. Kaunti na lang at magseselos na talaga ako riyan. Mas matagal mo pa ‘yang titigan kaysa sa akin,” sambit ni Karyl sa kaniyang asawang si Drew.

“Ikaw naman. Alam mo namang pangarap ko talaga ito noon pa. Kaya nga wala akong tigil sa pag-iipon para lang mabili ko na ito. Saka sawa na rin akong makipagpatintero sa lansangan dahil wala akong masakyan. Ito, pogi na akong papasok, pogi pa akong uuwi,” sambit ng ginoo.

“Hay, naku. Siguraduhin mo lang na wala kang ibang isasakay diyan sa sinasabi mong bibilhin mong kotse kung hindi kami lang ng anak mo! Sige na at tigilan mo muna ang mangarap diyan. Nakahain na ang pagkain at kumain na muna tayo ng hapunan,” paanyaya ng misis niya.

Halos limang taon na kasi nang simulan ni Drew ang pag-iipon sa kanilang sasakyan. Nagsimula kasi ang pangarap niyang ito nang makita niya ang kaniyang matalik na kaibigan na nakabili na ng sarili niyang sasakyan. Lubusan ang kaniyang inggit sa pagkakataong iyon.

Ngunit kahit anong ipon niya ay kulang upang makabili siya ng bago. Kaya laking tuwa niya nang mapabalitaang ibinibenta ng kaniyang kaibigan ang sasakyan nito dahil kailangan nito ng pera.

“Pare, baka naman p’wede akong makatawad kasi kulang pa talaga ang pera ko, e. O kaya ay ibibigay ko na lang ang kulang kapag nakaluwag na,” pakiusap ni Drew sa kaniyang kaibigang si Dexter.

“Pasensiya ka na, pare at hindi talaga maaari. Kung p’wede nga lang na hindi ko na ito ibenta ay hindi ko talaga ito ipagbibili. Mahalaga ang sasakyang ito sa akin at saka napakaganda pa nito. Alagang-alaga. Ngunit kailangan ko kasi ng pera para sa pagpapagamot ng nanay ko. Makakabili ako ng isa pang sasakyan pero hindi ng isa pang ina. Kaya kahit gaano ko ito kagusto ay kailangan kong ibenta,” saad ni Dexter sa kumpare.

“Naiintindihan ko naman, pare. Nanghihinayang lang ako,” tugon naman ni Drew.

“Hayaan mo kapag wala na talagang bibili sa presyo na gusto ko ay sa’yo ko kaagad ibebenta. Mabilisan lang,” wika muli ng kaibigan.

Sa tuwing nababalitaan ni Drew na may ibang balak bumili ng sasakyan ay agad niyang inaalam kung sino ito. Kapag nakita na niya ay personal niya itong kakausapin.

“Ginoo, ako sana ang bibili ng sasakyan ni Dexter, pero naisip ko kasi na sayang at magdadagdag na lamang ako ng kaunti ay bago na ang mabibili ko. Saka parang hindi maingat gumamit si Dexter. Baka gusto niyo ay may irerekomenda na lang ako sa inyong ibang bilihan ng sasakyan,” wika ni Drew sa bumibili ng sasakyan ni Dexter.

Agad namang tumanggi sa pagbili ang ginoo. Nabubuhayan na ng loob si Drew na sa kaniya na mapupunta ang sasakyan.

Ngunit biglang may isang babaeng nais na bumili muli ng sasakyan ni Dexter. Kahit ano ang sabihin niyang hindi maganda sa sasakyang binibili ay ayaw nitong tumanggi.

“Ayos naman ang sasakyan nang aking ipasuri. Kaya wala kong magiging problema,” wika ng ginang.

Nalaman ni Drew na mahilig pala ito sa mga pamahiin kaya doon niya idinaan ang kwento.

“Sa totoo lang kaya ibinebenta talaga ni Dexter ang sasakyang iyan dahil simula nang makuha nila ang kotseng iyan ay minalas na sila sa buhay. Ayan pa nga at nagkasakit naman ang kaniyang ina. D’yan na niya napatunayan na talagang malas ang sasakyan,” paninira ni Drew.

Nang marinig ng ginang ang kwentong ito ay agad din itong umurong sa pagbili ng sasakyan. Hindi maintindihan ni Dexter kung bakit ganito ang nangyayari.

“Pare, hindi ko alam, pero para sa iyo na ata talaga nakalaan ang kotseng ito. Kailangan ko na talaga ng pera. Ingatan mo ito kagaya ng pag-iingat ko, ha,” sambit ni Dexter na ibinenta na ng tuluyan kay Drew ang kotse.

Laking tuwa ni Drew nang sa wakas ay natupad niya ang kaniyang plano. Sa halaga na mayroon siya ay nakabili na siya ng sarili niyang sasakyan.

Agad niyang isinakay ang kaniyang mag-ina sa kotseng nabili at sila’y namasyal. Walang mapaglagyan ang kasiyahan niya nang mga panahon na iyon.

“Bagalan mo naman ang pagmamaneho, mahal. Hindi ka pa naman bihasa sa pagmamaneho ng kotse,” pakiusap ng asawa.

“Hayaan mo ang mga ‘yan. Ang daming pangit na kotse sa daan. Hindi sila tumulad sa sasakyan ko. Grabe, naka-jackpot talaga ako dito,” sambit ng ginoo.

Hindi nakinig si Drew sa kaniyang asawa. Lalo pa niyang binilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan upang makita ang kakayahan nito. Nang biglang nawalan ito ng preno. Hindi na alam ni Drew ang kaniyang gagawin hanggang sa naibangga na lamang niya ang kotse sa isang poste.

Sa tindi ng pagkakabangga niya ay nawalan na siya ng malay. Nagising na lamang siya sa ospital. Doon niya nalaman ang kagimbal-gimbal na balita na wala na ang kaniyang mag-ina sapagkat matinding napuruhan ang mga ito sa disgrasyang sinapit.

Hindi alam ni Drew ang gagawin nang malaman ang balita. Sinisisi niya ang kaniyang sarili kung bakit hindi siya nakinig sa asawa.

Nang malaman ng mga dating bumibili sa sasakyan ang nangyari ay agad silang tumawag kay Drew upang magpasalamat. Lingid sa kanilang kaalaman na ang ginoo pala ang nasangkot sa disgrasyang iyon.

“Salamat at naiwas kami sa tiyak na kapahamakan. Kung hindi dahil sa iyo ay marahil ay kami ang nasa aksidenteng iyon,” mensahe ng mga nais dating bumili ng kotse.

Lalong nanlumo si Drew. Lahat ng masamang sinabi niya tungkol sa sasakyan ay bumalik sa kaniya. Lubusan ang kaniyang pagtangis. Ngayon ay wala na siyang sasakyan ay nawala pa sa kaniya ang kaniyang minamahal na asawa at anak.

Advertisement