Inday TrendingInday Trending
Iniinggit ng Dalaga ang Kaniyang Kaklase sa Bonggang Kaarawan; Hindi Niya Malilimutan ang Sumunod na Nangyari

Iniinggit ng Dalaga ang Kaniyang Kaklase sa Bonggang Kaarawan; Hindi Niya Malilimutan ang Sumunod na Nangyari

“Isay, malapit na pala ang kaarawan mo. Ano ang balak mo?” tanong ni Jade sa kaniyang kaibigang si Isay.

“Naku, walang plano, bes. Alam mo namang marami kaming gastusin lalo pa at tumataas na rin ang gastusin sa pag-aaral natin. Baka siguro magluto lang ng pansit si nanay,” tugon ng dalaga.

“Wow! Masarap ang pansit ni Tita Emma! Punta ako sa bahay niyo, bes, ha!” wika pa ni Jade.

“Ikaw talaga. Oo naman. Punta ka!” saad muli ni Isay.

Maya-maya ay bigla na lamang dumating ang mayaman nilang kaklaseng si Cindy at may nais itong sabihin sa klase.

“Guys, sa isang linggo ay debut ko na. Punta kayong lahat, ha! Isuot ninyo ang pinakamaganda at pinakabongga niyong damit dahil magiging pasabog ang party na hinanda ng mga magulang ko para sa akin! Alam niyo naman, lahat ay gagawin nila para sa nag-iisa nilang anak,” pagmamayabang ni Cindy.

“Isay, ‘di ba sabay tayo ng kaarawan? Gusto mo pumunta ka na lang sa party ko at makihanda? Para naman maramdaman mo kung paano magdiwang ng bongga,” wika pa nito.

“Salamat na lang sa imbitasyon mo, Cindy, pero hindi ako makakapunta,” mapagkumbabang tugon ni Isay.

“Bakit? Sayang naman, Isay. Pagkakataon mo na ito para maranasan mo kung paano talaga ganapin ang isang debut. Kung wala kang isusuot ay pahihiramin kita. Alam ko namang hindi kaya ng mga magulang mo na bilhan ka ng bagong damit kahit simple lang,” sambit pa ni Cindy.

Kahit na nasasaktan si Isay sa mga sinasabi ni Cindy ay hindi na lamang siya lumaban para lamang hindi na magkagulo. Ayaw din niya kasing bigyan ng sama ng loob ang kaniyang mga magulang.

“Pasensiya na talaga, Cindy. Sa susunod na lang,” pahayag ng dalaga.

“Ikaw din. Kawalan mo,” nakangiting pag-aalipusta ni Cindy.

Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na maliitin ang kawawang si Isay ng kaniyang kaklaseng si Cindy. Madalas nitong ipamukha sa dalaga ang yaman nila. Ngunit wala namang maisip si Isay na dahilan upang gawin nito sa kaniya.

“Pabayaan mo na lang ‘yang si Cindy, bes. Alam mo namang wala talagang magawa ‘yan sa buhay niya. Baka mamaya ay inggit lamang sa’yo ‘yan!” saad ni Jade sa kaibigan.

“Bakit naman maiinggit si Cindy sa isang tulad ko, bes. Lahat ay nasa kaniya na,” sambit naman ni Isay.

“Siyempre, tingnan mo nga, maganda ka na at mabait pa. Higit sa lahat ay napakatalino mo. Kahit kaya ano ang gawin namin ay hindi ka namin maungusan,” pahayag ng kaibigan.

“Kaya ‘wag mo na lang intindihin ang mga sinasabi sa’yo ng bruhang iyon. Ano ngayon kung bongga ang party niya, mas masarap naman ang pansit ni Tita Emma!” saad pa ni Jade.

Sa totoo lang ay wala naman talaga kay Isay ang malaking party ni Cindy. Naiintindihan niya ang kaniyang mga magulang kung bakit hindi kaya ng mga ito ibigay ang ganoong pagdiriwang. Ngunit minsan din ay humahaging sa kaniyang isip kung ano ang pakiramdaman ng maging isang mayaman.

“Bukas ay debut ko na, guys! ‘Wag kayong makakalimot. Pagkakataon niyo na ‘to para maisuot ang mga pinakamagaganda niyong kasuotan,” wika ni Cindy.

“Ikaw, Jade? Hindi ka ba talaga pupunta sa kaarawan ko? Huling pagkakataon mo na. Gusto mo ay isama mo na rin ang nanay at tatay mo para makatikim din sila ng masasarap na pagkain,” wika pa nito kay Isay.

“Kaya ko na minamaliit mo ako, Cindy. Pero sana naman ay h’wag mong idadamay ang mga magulang ko,” saad ni Isay.

“Nagsasabi lang ako ng totoo, Isay. Hindi ko kasalanan kung bakit ganiyan ang tayuan niyo sa buhay kaya tigilan mo ang mga sinasabi mo,” saad pa ng matapobreng dalaga.

Dumating ang kanilang kaarawan. Walang kasing ganda at magarbo ang gayak sa party ni Cindy. Bidang-bida ang dalaga sa suot niyang magarang gown. Samantalang mas pinili na lamang ni Isay na maghanda sa bahay kasama ang kaniyang mga magulang at kaibigang si Jade.

Kinabukasan ay katulad ng inaasahan ay pinag-uusapan ang kaarawan ni Cindy. Ngunit hindi alam ni Isay kung bakit ganoon na lamang ang tingin ng mga kaklase sa dalaga.

“Bakit ganiyan kayong makatingin kay Cindy?” pagtataka ni Isay.

“Kumusta ba ang party niya? Tiyak ko ay walang kasing garbo,” dagdag naman ni Jade.

“Hindi niyo ba nabalitaan. Oo nga, magarbo ang party niya ngunit wala halos kamag-anak na naroon. Ang daddy daw niya ay hindi rin makakarating dahil sa pagka-abala sa trabaho. Tapos ang mommy niya habang naroon ay trabaho pa rin ang inaasikaso hanggang sa tangkang aalis na rin ito tapos ay doon na nagwala si Cindy. Magulo at madrama ang party. Pero higit sa lahat, nakakaawa si Cindy dahil kahit mga magulang niya ay hindi nais dumalo sa sarili niyang kaarawan,” kuwento ng isang kaklase.

Bigla na lamang naisip ni Isay ang munting salu-salo niya kasama ang kaniyang mga magulang at matalik na kaibigan.

“Anong tinitingin-tingin mo, Isay? Masaya ka ba dahil sa nangyari sa party ko?” pagtataray ni Cindy sa dalaga.

“Kahit kailan, Cindy, hindi ako naghangad ng kahit anong masama laban sa iyo kahit na kung anu-anong masasakit ang ibinabato mo sa akin,” wika ni Isay.

“Ngunit napagtanto ko lang. Ayos lang sa akin na hindi makaranas ng magarbong party o makapagsuot ng magagarang damit. Kahit hindi na ako makakain ng masasarap na pagkain basta kasama ko ang pinakamamahal ko sa buhay. Sapat na iyon para maging maligaya ako. Kung tutuusin din, masarap naman ang pansit na niluto ng nanay ko kahapon,” pahayag ni Isay.

Lubos ang pagkapahiyang nangyari kay Cindy. Hindi niya naiwasan na sumama din ang loob niya sa kaniyang mga magulang at mainggit kay Isay. Aanhin nga naman niya ang lahat ng karangyaan kung ang mga magulang naman niya ay hindi siya minamahal.

Advertisement