Inday TrendingInday Trending
Pinagsilbihan ng Ginang ang Doktor Hanggang sa Ito ay Masawi; Ito ang Ganti ng Doktor sa Kaniyang Pamilya

Pinagsilbihan ng Ginang ang Doktor Hanggang sa Ito ay Masawi; Ito ang Ganti ng Doktor sa Kaniyang Pamilya

Malakas man ang ihip ng hangin at maulan ay hindi inaalintana ng ginang na si Aling Mila ang bigat ng kaniyang dalahin. Sa kabilang braso ay bitbit niya ang kaniyang mga panindang lumpia samantalang ang sa kabila naman ay tangan niya ang kaniyang anak habang ipit niya sa kaniyang leeg ang payong.

“Huwag kang malikot, anak, para hindi ka mabasa. Malapit na tayo sa ospital,” saad ni Aling Mila sa kaniyang anak.

Marami na kasing suki sa ospital si Aling Mila at mabilis niyang maubos ang kaniyang tinda kaya doon niya gustong magtinda.

Malapit na ang mag-ina nang sa tarangkahan ng ospital ay nakita ng ginang ang isang matandang lamig na lamig. Wala man siyang maialok na mainit na inumin ay inutusan niya ang kaniyang anak na mag-abot ng lumpia dito upang kahit paano ay mailaman ang matanda sa kaniyang kumakalam na sikmura.

Lumalakas muli ang hangin kaya halos tumakbo na siya sa pagpasok sa ospital. Sa kaniyang pagmamadali ay hindi niya sinasadya na mabangga ang matagal nang doktor doon na si Dok Bobby.

Nadungisan nito ang puting uniporme ng doktor.

“Naku, Dok, pasensiya na po kayo at hindi ko kayo napansin. Patawad po talaga. Kung gusto niyo po ay iuuwi ko ang tsaleko ninyo at lalabhan ko po,” sambit ni Aling Mila sa doktor.

“Huwag na po kayong mag-alala, Aling Mila. Pauwi na rin po ako. Saka may isa pa naman akong tsaleko sa opisina ko. Ako na lamang po ang magpapalaba nito,” saad ng doktor.

Nagpumilit pa rin ang ginang ngunit patuloy sa pagtanggi ang doktor.

“Ito po, dok. Tanggapin niyo po ang tinda kong lumpia. Sige na po,” pakiusap ni Aling Mila.

Upang matapos na ang paghingi ng kapatawaran ng ginang ay tinanggap na lamang ito ng doktor.

“Bakit ho ba bitbit niyo pa ang anak ninyo sa ganitong uri ng panahon? Delikado po para sa inyong dalawa. At delikado rin para sa kaniya lalo pa’t dito ang tungo ninyo sa ospital,” saad ng doktor.

“Wala po kasi akong mapag-iiwanan sa anak ko, dok. Pero hindi naman po ako p’wedeng tumigil sa pagtitinda dahil ito lamang po ang ikinabubuhay namin,” tugon ng ginang.

“Nasaan ang asawa mo?” tanong muli ni Dok Bobby.

“Naku, mahabang kuwento po. Natigok po ang asawa ko dahil sa engkwentro. Sumama po kasi siya sa kilusan ng mga rebelde. Magmula po noon ay kami na lang talaga nitong anak kong si Lena ang magkasama,” pahayag ni Aling Mila.

“Alam niyo, Aling Mila, masarap itong lumpia ninyo. Saka nakita ko po ang kabuting ginawa ninyo sa matanda. Ibang klase talaga kayo! Marami po ba kayong alam na iluto?” tanong ng doktor.

“Opo. Hilig ko talaga ang pagluluto kapag nga mabibigyan ako ng pagkakataon ay magkakarinderya ako,” sambit ng ale.

Napahanga si Dok Bobby sa kabutihan at pagpupursige ni Aling Mila.

“Nami-miss ko na kasing kumain ng mga lutong bahay. Mag-isa na lang kasi ako sa bahay at siyempre kapag abala ay lagi na lang ako sa labas kumakain. Baka p’wede niyo naman akong matulungan. Gusto ko sanang alukin kayo na magkasambahay sa akin. Kung gusto niyo lang po,” alok ni Dok Bobby.

“Kung ayos lang din po ay doon na sana rin kayo tumira ng anak mo sa bahay ko,” dagdag pa nito.

Agad na pumayag ang ginang. Labis ang kaniyang saya sapagkat malaking tulong ito sa kanila ng kaniyang anak lalo na sa kaniya dahil hindi na siya mahihirapan pa sa pagtitinda. Hindi na rin nila kailangan pang manirahan malapit sa estero kung saan sila kasalukuyang nanunuluyan.

Lubusan ang pasasalamat ni Aling Mila sa kabutihan ng doktor. Pinangako niya na pagbubutihan niya ang kaniyang trabaho.

Wala nang mga magulang si Dok Bobby. Ang nag-iisa naman niyang kapatid ay isang doktor din na nakabase naman sa ibang bansa. Marahil, dahil din sa pagkasubsob sa kaniyang propesyon ay hindi na nito nagawa pang mag-asawa.

Samantala, ilang beses sinubukan ni Dok Bobby ang katapatan ni Aling Mila. Minsan ay nag-iwan siya sa kaniyang bulsa ng dalawang libong piso. Alam ng doktor na alam ni Aling Mila na labis siyang abala kaya hindi na niya ito hahanapin pa. Ngunit kinabukasan ay nakita na lamang ng doktor ang dalawang libong piso sa kaniyang mesa sa kaniyang silid.

Dahil sa katapatan at lubusang pag-aasikaso na ipinakita ni Aling Mila sa doktor ay naging panatag na ang kalooban nito sa mag-ina. Sa katunayan nga ay hindi na sila nito tinuring na iba. Pinag-aral din ni Dok Bobby ang anak ni Aling Mila na si Lena.

“Anak, pagbutihin mo ang iyong pag-aaral. Tanawin mo itong malaking utang na loob kay Dok Bobby. Sa totoo lang ay hindi ko kayang ibigay sa iyo ang buhay na ito, anak. Kaya sana ay pakingatan mo ang mga biyayang dumarating sa atin,” paalala ni Aling Mila kay Lena. Hindi naman siya binigo ng dalaga.

Kahit kailan ay hindi itinanggi ni Lena ang tunay na katayuan nila sa buhay. Labis niyang ipinagmamalaki ang kaniyang ina sa pagiging kasambahay nito at lalo na ang mabuti nilang amo na patuloy ang pagtulong sa kaniya. Lalo nilang pinahanga ang doktor.

Sa paglipas ng panahon ay nagkasakit si Dok Bobby. Kahit na may katandaan na si Aling Mila ay magkasangga pa rin sila ng kaniyang anak sa pag-aalaga sa doktor.

“Kita mo nga naman, ako ang doktor, pero ako ang inaalagaan,” biro ni Dok Bobby sa mag-ina.

“Ipahinga niyo lang po ang katawan niyo, dok. Kami po ang bahala sa inyo ni nanay,” sambit ni Lena sa amo.

“Maraming salamat sa inyo dahil sa haba ng taon ay narito pa rin kayo sa tabi ko,” saad ni Dok Bobby.

“Kami po ang dapat na magpasalamat sa inyo, dok. Araw-araw ko pong naiisip ang tagpong nasagi ko kayo. Dahil simula ng araw na iyon ay nagbago na ang buhay namin. Walang hanggang pasasalamat po sa inyo,” wika naman ni Aling Mila.

Lubos na inalagaan ni Aling Mila at Lena ang may sakit na doktor. Lahat ng pag-aasikaso na kailangan nilang ibigay ay kanilang ginagawa. Ngunit dahil malala na rin ang kondisyon ng doktor ay binawian na rin ito ng buhay.

Labis ang lungkot ng mag-ina.

“Nay, pangako ko po, magiging doktor ako tulad ni Dok Bobby. Hindi lang po isang magaling na doktor ngunit mabuting tao po kahit kanino,” saad ni Lena sa ina.

Nang inilibing na ang doktor ay aalis na sana ang mag-ina sa bahay nito. Ngunit pinigilan sila ng kapatid ni Dok Bobby. Iniabot nito ang isang papel sa kanila.

Laking gulat nila nang mabasa ang nilalaman nito.

“Tama kayo, iniiwan ng kapatid ko sa inyo ang lahat ng kaniyang ari-arian kasama ang bahay na ito. Alam niyang sa pangangalaga niyo ay lubos na maaalagaan ang kaniyang mga naiwan,” sambit ng kapatid ng doktor.

Napaluha na lamang ang mag-ina sapagkat hindi nila akalain na hanggang sa huli ay hindi sila pababayaan ni Dok Bobby.

“Hindi ko po alam kung ano ang nagawa ko upang matanggap ko ang mga bagay na ito mula sa inyong kapatid,” pagtangis ni Aling Mila.

“Mabuti ang puso niyo at ang inyong pagkatao. Hindi niyo rin naman po pinabayaan ang kapatid ko kaya karapat-dapat pong maiwan sa inyo ang lahat ng ito. Naniniwala po ako na hindi mapupunta lamang sa wala ang lahat ng ala-ala ng aking kapatid,” saad ng babaeng doktor.

Ginamit ni Aling Mila at Lena ang ipinamana sa kanila ni Dok Bobby upang magkaroon ng magandang buhay. Nakatapos ng pag-aaral si Lena at tinupad niya ang kaniyang mga pangako na tutulong sa mga nangangailangan.

Kahit na nagbago na ang buhay ng mag-ina ay hindi pa rin nila iniaalis sa pagkakatapak sa lupa ang kanilang mga paa. Hindi nila nakalimutan na ang dahilan ng lahat ng ito ay isang magaling at mabuting doktor.

Advertisement