Hindi Gusto ng Babae ang Lalaki Dahil Hindi Ito Ka-Gwapuhan; Labis ang Pagsisisi Niya Nang Malaman ang Ugaling Taglay Nito

“Claire, bulaklak para sa’yo,” nahihiyang inabot ni Vincent ang bulaklak na binili pa niya sa isang sikat na mall para lamang ialay sa pinakamamahal niyang si Claire.

“Salamat,” walang ganang sambit ni Claire at nagdadalawang-isip pang tanggapin ang bulaklak.

“Claire, kailan mo kaya ako sasagutin? Hindi pa ba sapat ang panliligaw ko ng isang taon mahigit upang mapatunayan ko lang sa’yong mahal kita,” seryosong wika ni Vincent.

Agad namang umismid si Claire sabay irap sa lalaki. “Vincent, pagod ka na ba sa ginagawa mo? Kung pagod ka na. Pwede mo nang itigil ang lahat ng ito,” wika ni Claire.

“Pero Claire—”

“Kahit kailan hindi ako nagkulang na sabihin sa’yong wala kang aasahan sa’kin. Hindi ikaw ang tipo kong lalaki. Hindi ikaw ang sa palagay ko’y kaya kong mahalin habang buhay. Ikaw lang naman itong patuloy na umaasa kahit alam mong malabong mangyaring magustuhan kita,” deretsong wika ni Claire.

“Hindi ko nga taglay ang gwapong mukha, Claire. Pero kaya kitang buhayin at mahalin hanggang sa nabubuhay ako. Pero kung iyan ang nais mo’y titigil na ako sa pangungulit sa’yo. Sana makahanap ka ng lalaking tipo mo at kaya kang mahalin na higit pa sa pagmamahal ko,” malungkot na wika ni Vincent.

Lumipas ang maraming araw at buwan. Nakahanap nga si Claire ng lalaking mamahalin niya na akala niya’y mahal na mahal rin siya. Ngunit hindi pala! Dahil no’ng nabuntis siya’y walang pagdadalawang-isip ang kaniyang nobyo na iwanan siya.

Advertisement

“‘Yan ang napapala ng mga babaeng sobrang taas ng standards sa lalaki. Nabubuntisan na lang,” naririnig ni Claire na pinag-uusapan siya ng mga chismosa sa barangay nila.

“Tama. Si Vincent, taon ang iginugol makamit lamang ang matamis niyang oo. Pero ‘yong nobyo niya, por que gwapo ay bumigay agad siya. ‘Yon nga lang iniwan rin siyang buntis. Kawawang Claire,” segundang wika naman ng kaututang dila ng unang babae.

Nais man niyang sagutin ang mga ito’y alam naman niyang wala siyang mapapala. Wala na rin namang saysay kung babalikan pa niya ang nakaraan. Wala naman siyang pinasisihan sa nangyari sa kaniya. Ginusto naman niya ang mabuntis, hindi nga lang niya akalain na iiwanan siya ng lalaking inalayan niya ng buong pagmamahal.

Nakasalubong niya si Vincent kasama ang asawa nitong pitong buwan na ring buntis. Masayang tingnan ang dalawa. Halatang inaalagaan ni Vincent ang kaniyang asawa, dahil kahit malaki na ang tiyan nito’y blooming pa rin ang mukha ng babae.

“Uy, Claire!” masayang bati ni Vincent sa kaniya. “Kumusta ang pagbubuntis mo? Hindi ka ba nahihirapan?”

“H-hindi naman,” nakangiting sagot ni Claire. “Bakit, nahihirapan ba ang misis mo?”

“Hindi naman. Pero sabi niya kasi ang sakit-sakit na raw ng buong katawan niya, lalo na kapag naglalakad siya ng matagal. Kaya nga lagi kong sinasamahan sa t’wing aalis siya gaya ngayong kailangan niyang bumili ng mga gamit ni baby. Sinamahan ko na para may nagbabantay sa kaniya at magbubuhat ng mga pinamili niya,” masayang wika ni Vincent. Halatang-halata sa mukha nito ang labis na ligayang nadarama sa babaeng ngayon ay mahal na mahal na nito.

“Ang swerte naman ng asawa mo. Nand’yan ka palagi para alalayan siya,” nakangiting wika ni Claire, ngunit halata ang lungkot sa boses niya.

Advertisement

Hindi nga ka-gwapuhan si Vincent, pero taglay ng lalaki ang prinsipyong sana ay noon pa niya nakita. Ang prinsipyong kahit sinong babae ay gugustuhin. Masyado siyang nag-bulag-bulagan noon dahil mas nais niya ng gwapong itsura. Nakahanap nga siya, iniwan naman siya.

“Hmm, kaya nga e. Malaki rin kasi ang pasasalamat ko kay misis, kasi siya lang ‘yong babaeng minahal ako kung sino ako. Hindi niya tiningnan kung anong itsura ko. Basta alam kong mahal niya ako dahil iyon ang nararamdaman ng puso niya. Minsan ka na lang makahanap ng ganiyang babae kaya wala na akong sinayang na oras,” pabirong wika ni Vincent.

Agad namang nakaramdam ng konsensya si Claire dahil sa sinabi ng lalaki. Sabagay, tama ang sinabi nito. Minsan lang sa mundo ang babaeng mamahalin ka dahil mahal ka talaga. Dahil siya nga noon, hindi niya talaga mahanap sa lalaki ang dahilan kung karapat dapat bang mahalin ito dahil hindi naman si Vincent ang kaniyang tipong lalaki. Ngunit ngayong nakatingin siya rito’y ngayon niya naisip na kamahal-mahal nga pala ang lalaki. Hindi sa itsura kung ‘di sa taglay nitong ugali. Sana nakita niya iyon noon.

“Sige Claire, mauna na kami ng misis ko. May mga dapat pa kasi kaming gawin,” paalam ng lalaki.

“Sige. Ingat kayo,” aniya saka tuluyang nagpaalam ang dalawa.

Siya dapat ang nasa sitwasyon ng babaeng iyon, kung hindi siya mapili at nanghusga base lamang sa panlabas na kaanyuan. Tama ngang walang pagsisisi ang nauuna. Kailanman ay hindi basehan ang itsura ng tao. May mga gwapong lalaki ngunit iresponsable. May hindi naman ka-gwapuhan pero kailanman ay hindi ka pababayaan.