Inilayo ng Mayamang Babae ang Anak sa Mahirap na Nobya; Nagsakripisyo Ito Makita Lamang ang Nobyo

“Will you marry me?” tanong ni Nathan sa kasintahang si Ariana.

“Yes, I will marry you, mahal ko,” sagot ng babae.

Isang linggo bago ang nakatakda nilang kasal ay naaksidente si Nathan habang nakasakay sa motorsiklo. ‘Di sinasadyang nabangga iyon ng isang van. Magkikita sana sila para puntahan ang simbahan kung saan sila ikakasal. Labis-labis ang kalungkutan ni Ariana sa nangyari sa nobyo. Nang puntahan niya ito sa ospital ay hindi pa rin ito nagigising. Galit na galit naman ang mama ni Nathan sa nangyari sa anak at sinisisi nito si Ariana sa sinapit nito. Hindi kasi boto ang mama nito sa kaniya.

“Ikaw ang may kasalanan nito, eh! Kung hindi mo inakit ang anak ko, hindi sana siya magkakaganyan. Malas kang babae ka!” gigil na sabi ni Donya Leticia.

“Sorry po. Aksidente po ang nangyari, hindi ko po kagustuhan iyon. Mahal na mahal ko po si Nathan. Sana nga ay ako na lamang ang naaksidente at hindi siya,” sabi niya sa humihikbing boses.

“Alam mo naman na ayoko sa iyo para sa anak ko. Mas gusto kong si Janicar ang makatuluyan ni Nathan dahil pareho sila ng estado sa buhay, ‘di gaya mo na isang hampaslupa. Hindi ka nababagay sa anak ko!”

Puro pangmamata at panlalait ang natanggap niya kay Donya Leticia. Pagkatapos ay agad siyang pinaalis sa kwarto ng babae, ipinakaladkad pa siya nito sa dalawang bodyguard na kasama. Wala siyang nagawa kundi ang umiyak sa isang tabi.

Pagkaraan ng dalawang araw ay nagmulat na ng mga mata si Nathan, nagising na ito sa ilang araw na pagkakatulog ngunit wala itong maalala. Ang tangi lang nitong naaalala ay ang kaniyang ina.

Advertisement

“M-mama, nasaan ako? Bakit ako narito?” naguguluhang sabi nito.

“Salamat naman at nagising ka na, anak. Narito ka sa ospital dahil naaksidente ka habang nakasakay sa iyong motorsiklo,” sagot ng ina.

Maya-maya ay biglang pumasok si Ariana sa kwarto habang pinipigilan ng dalawang bodyguard.

“Bitiwan ninyo ako! Gusto ko lamang makita si Nathan, nakikiusap ako sa inyo!” sigaw ng dalaga.

Nang mahagip siya ng tingin ni Nathan.

“S-sino ka?”

“N-Nathan? Salamat at nagising ka na! Hindi mo ba ako natatandaan? Ako si Ariana, ang fiance mo,” tugon ni Ariana.

“H-hindi kita matandaan. W-wala akong kilalang Ariana,” wika ng lalaki habang hinihimas ang magkabilang sentido.

Advertisement

“Alalahanin mo, Nathan. Ako si Ariana, ako ang fiance mo. Ikakasal na nga tayo, eh!”

Biglang tumayo sa pagkakaupo si Donya Leticia at galit siyang sinaway.

“Tumigil ka! Ano’ng ginagawa mo pa rito? Lalo mo lamang ginugulo ang isip ng anak ko! Nathan, huwag mo siyang intindihin. Magpahinga ka na at huwag mong pakinggan ang sinasabi ng babaeng ‘yan. At ikaw naman, umalis ka na rito, wala ka nang babalikan pa rito!” galit na sabi ng Donya at muling pinagtabuyan ang dalaga na ipinakaladkad muli sa dalawang bodyguard.

Umiyak nang umiyak si Ariana sa ginawang pagpapalayas sa kaniya ni Donya Leticia lalong-lalo na ang pagkalimot ni Nathan sa pagmamahalan nila. Tuluyan na ba talaga siya nitong nakalimutan?

‘Di nagtagal si Nathan sa ospital, pinalabas na rin ito ng doktor at sinabing sa bahay na lamang magpagaling. Ginamit ni Donya Leticia ang kalagayan ng anak para mailayo ito kay Ariana. Gaya nang inasahan ay hindi na nakita pa ni Ariana ang nobyo nang lumabas ito sa ospital. Nabalitaan na lamang niya na malapit na itong ikasal kay Janicar, ang babaeng gustong-gusto ni Donya Leticia na mapangasawa ng anak. Mayaman din kasi ang pamilya nito. Dahil sa natuklasan ay parang nadurog ang puso ni Ariana ngunit handa niyang gawin ang lahat para mapalapit sa lalaking pinaka-iibig niya. Nilakasan niya ang loob at kinausap si Donya Leticia. Muli siyang nakiusap rito.

“Parang awa niyo na po, handa po akong maglingkod sa inyo bilang katulong. Kahit hindi niyo ako bayaran sa aking gagawing pagsisilbi. Makita ko lang po si Nathan,” pakiusap niya sa Donya habang nakaluhod sa harap nito.

Natawa ang matapobreng Donya sa sinabi niya.

“Ganyan ka pala kadesperada? Buweno, pagbibigyan kita sa hiling mo. Baka kasi sabihin mong napakasama kong tao. Sige, papayagan kitang magsilbi sa akin bilang muchacha. Maaari mong makita si Nathan, pero hinding-hindi mo siya puwedeng lapitan lalong-lalong hindi mo siya puwedeng kausapin, naiintindihan mo?”

Advertisement

“Opo, Donya Leticia. Naiintindihan ko po.”

Nagsilbi siya sa mansyon ni Donya Leticia nang walang bayad. Makita lamang niya si Nathan ay masayang-masaya na siya ngunit kapag nakikita niya ang lalaki na yakap-yakap ni Janicar ay nakakaramdam siya ng matinding selos. Sa tuwing dumadalaw roon ang babae ay wala itong ginawa kundi ang lumingkis kay Nathan. Kahit hirap na hirap na ang kalooban ay nagawa pa ring magtiis ni Ariana. Mapagmasdan at mapagsilbihan lang niya si Nathan ay malaking bagay na sa kaniya. Alam niya na wala siyang laban kay Janicar at kay Donya Leticia. Ano nga bang laban ng isang dukhang gaya niya sa mga ito?

“Mahal na mahal kita, Nathan. Kahit masakit na makita kang kapiling ng iba’y kakayanin ko, dahil hindi ko kayang iwan ka, mahal ko,” bulong niya sa isip.

Nang sumunod na araw ay tinawag siya ni Nathan at inutusan siya na ipagtimpla ito ng kape. Hindi siya nakatanggi sa utos ng lalaki kaya ipinagtimpla niya ito ng kape at dinala sa kwarto nito.

“Heto na po ang kape, sir,” wika ni Ariana sa magalang na boses.

“Salamat. Ano nga ulit ang pangalan mo?” tanong ng lalaki.

“A, eh, A-Ariana, Ariana ang pangalan ko.”

“A-Ariana? Teka, parang pamilyar sa akin ang pangalang iyan.”

Advertisement

Nang biglang pumasok sa kwarto si Janicar at nakita nitong kausap niya si Nathan. Napakaselosa pa naman ang babae kaya hindi nito napigilang mainis nang makita siya. Alam nito na siya ang tunay na kasintahan ni Nathan. Malaki rin ang galit sa kaniya ni Janicar dahil kahit noon ay may pagtingin na ito sa lalaki.

“Ano’ng ginagawa mo rito sa kwarto ng fiance ko?” galit na sabi ng babae.

“Ipinagtimpla ko lang po ng kape si Sir Nathan,” sagot niya.

Nilapitan siya ng babae at dinuro-duro.

“Hoy, akala mo siguro ay hindi ko alam ang balak mo? Kunwari ka pa na nagpapanggap na katulong dito sa mansyon, pero ang totoo ay gusto mo lang agawin sa akin si Nathan! Wala kang karapatan sa kaniya, hindi ka gusto ni Tita Leticia para kay Nathan!” sigaw ni Janicar.

“A-anong ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong ng lalaki.

Pagkatapos na insultuhin si Ariana ay walang awa siyang kinaladkad ni Janicar palabas sa mansyon. Pinagsasampal at sinabunutan pa siya nito. Dahil awang-awa sa kaniya ang lalaki ay inawat nito ang babae.

“Tumigil ka na, Janicar! Huwag mo siyang saktan!”

Advertisement

Hindi malaman ni Nathan kung bakit siya nakaramdam ng kakaiba habang sinasaktan ni Janicar si Ariana. Magkahalong galit at inis ang naramdaman niya kay Janicar.

Nang biglang may dumaan na sasakyan at nakakuha ng pagkakataon si Janicar. Itinulak ng babae si Ariana sa gitna ng kalsada at ipinasagasa sa sasakyan. Sa bilis ng pangyayari ay hindi nagawang magpreno ng drayber kaya nahagip nito si Ariana.

Nagimbal si Nathan sa nasaksihan. Biglang bumalik sa kaniyang alaala ang lahat. Nang makita na nakahandusay sa semento ang sugatang kasintahan ay dali-dali niya itong nilapitan at kinarga.

“Ariana, Ariana, gumising ka, mahal ko!” anito sa nag-aalalang tono.

Nang imulat ni Ariana ang mga mata ay nasilayan niya ang nag-aalalang mukha ni Nathan.

“N-naaalala mo na ako, mahal ko?”

“Oo, naaalala ko na ang lahat. Hinding-hindi ako papayag na may masamang mangyari sa iyo, dadalhin kita sa ospital!”

Isinugod ni Nathan sa ospital ang pinakamamahal na kasintahan. Mabuti na lamang at hindi malala ang kundisyon nito kaya mabilis rin ang paggaling ng dalaga. Umatras ang lalaki sa kasal nila ni Janicar at ipinakulong ang babae dahil sa ginawa nito kay Ariana. Kahit kailan ay hindi naman niya minahal ang babae. Ang mama lamang niya ang may gustong maikasal siya rito. Humingi naman ng tawad si Donya Leticia kay Ariana sa lahat ng ginawa nito. Pumayag na rin ito sa relasyon nila ni Nathan. Desidido na si Nathan na ituloy na ang naudlot nilang kasal.

Advertisement

“Salamat, Ariana, sa pagmamahal. ‘Di ko akalain na nagawa mo ang lahat ng iyon para sa akin,” wika ni Nathan nang malaman ang ginawang pagsisilbi ni Ariana sa mansyon.

“Dahil ganoon kita kamahal, Nathan,” matipid na sabi ng dalaga.

“Ngayong wala ng hadlang pa sa pagmamahalan natin ay tatanungin kitang muli, will you marry me, mahal ko?” tanong ni Nathan sa ikalawang pagkakataon.

“Kahit kailan ay hindi magbabago ang sagot ko, Nathan. Yes, I will marry you,” tugon ni Ariana at masuyong hinalikan sa labi ang lalaking nag-iisa sa kaniyang puso.