Hindi Matanggap ng Dalaga na Nakahanap Agad ng Ibang Babae ang Lalaking Minamahal; Naiyak Siya nang Malaman ang Dahilan
“Huwag nalang kaya tayong tumuloy? Ang lakas ng ulan oh,” nag-aalang saad ni Nicole sa nobyo at mapapangasawang si Andrei.
“Okay lang ‘yan. Titila din ‘yan maya-maya. Tara na hinihintay na tayo nila mama,” sagot lang sa kaniya ng binata. Hinawakan na nito ang kaniyang kamay at inalalayan papasok sa loob ng sasakyan habang hawak sa isang kamay ang payong na nagsisilbing proteksyon nila sa ulan.
Wala nang nagawa pa si Nicole kundi sumama. Hindi malaman ng dalaga kung bakit pero para bang may nagsasabi sa kaniya na huwag na silang tumuloy dahil isang malaking pagkakamali iyon na habangbuhay nilang pagsisisihan.
“Babe…” tawag ni Andrei sa kaniya. Hinawakan nito ang isang kamay para pakalmahin siya. Habang ang isang kamay naman ay nasa manibela at nagmamaneho ng sasakyan nila.
“Stop worrying. Bahala ka papanget ka nyan,” biro pa nito sa kaniya. Pabirong pinalo niya naman ang lalaki na ikinatawa lang nito.
“Eh kasi naman…” nababahala pa rin talaga siya. “Masama talaga kutob ko eh,” mahinang dugtong niya tsaka tumango. Hinawakan naman ni Andrei ang baba niya at marahang ihinarap sa kaniya.
“I know you’re worried na hindi ka tatangpin ni mama. Na hindi siya papayag na pakasalan kita,” hindi siya sumagot. May katotohanan din naman kasi ang sinabi ng nobyo. Ayaw kasi sa kaniya ng ina ng lalaki. Hindi siya nito tanggap.
Dalawang taon na ang nakararaan ng napilitan siyang hiwalayan si Andrei dahil kinausap siya ng ina nito at sinabihang hindi siya karapatdapat sa nag-iisang anak nito. Sobra siyang nasaktan pero alam niyang tama ang ina nito, pakiramdam talaga niya ay hindi siya karapatdapat sa pagmamahal ng lalaki kaya naaman kusa siyang lumayo dito at hiniwalayan ito.
Pero hindi siya sinukuan ni Andrei. Hinanap siya nito at hindi tinigilan hanggang sa wala na siyang nagawa kundi bumigay. Mahal na mahal niya rin naman talaga si Andrei. Hindi niya kayang makitang nahihirapan at nasasaktan ito.
Inalok siya ni Andrei ng kasal noong isang araw at ngayon nila balak sabihin sa mga magulang ng lalaki ang kasal nila. Inuna muna nila ang mga magulang niya dahil iyon ang gusto ng lalaki. Pormal niyang hiningi ang kamay niya sa kaniyang mga magulang.
“Hey,” mahinang tawag ulit sa kaniya ng lalaki na nagpabalik sa kaniya sa wisyo. Tumingin siya dito at nakita niya sa mga mata nito ang nag-uumapaw na pagmamahal.
“I love you so m-“ hindi na natapos ni Andrei ang sasabihin sa pinakamamahal niyang babae sa kaniyang buhay dahil imbis na mga salita ng pagmamahal ay malakas na pagsabog ang maririnig.
Dahil sa lakas ng ulan ay hindi nakita ng driver ng malaking truck ang parating na sasakayan nila Nicole at Andrei. Tuloy-tuloy lamang ito sa mabilis na pagpapatakbo ng truck hanggang sa nabunggo nito ang sasakyan ng magkasintahan.
Nagising si Nicole na pakiramdam niya ay sobrang gaan ng katawan niya. Pakiramdam niya ay galing siya sa isang sobrang tagal na tulog. Tiningnan niya ang kaniyang paligid.
“Nasaan ako?” tanong niya sa sarili nang mapagtanto na hindi pamilyar sa kaniya ang lugar. Agad siyang tumayo at sinubukang makauwi sa apartment nila ni Andrei.
“Naku! Si Andrei baka nag-aalala na ‘yun sa’kin. Paano ba kasi ako napunta sa lugar na ‘yun?” tanong niya ulit sa sarili habang naglalakad. Ang huli niya kasing naaalala ay yung magkikita dapat sila ni Andrei para ipaalam sa mga magulang nito ang nalalapit nilang kasal.
Sa wakas ay nakarating na rin si Ncole sa apartment nila. Nahirapan talaga ang dalaga dahil sa hindi niya mahanap ang bag niya. Nandoon pa naman ang phone, wallet at susi niya.
Sobrang daming tanong sa isip niya. Gusto na lamang talaga niyang makauwi nang matanong niya si Andrei kung ano nga ba ang nangyari sa kaniya.
Nagliwanag naman agad ang mukha ni Nicole nang makita ang lalaking laman ng kaniyang isip na saktong palabas ng apartment. Dahil sa kasabikan ay napatakbo siya palapit dito pero agad din siyang napatigil nang may lumabas na babae kasunod nito mula sa apartment.
Parehong nakangiti sa isa’t isa ang dalawa. At para namang hindi pa nakuntento ang babae at lumingkis pa ang mga kamay nito sa braso ng nobyo niya.
Nabato sa kaniyang kinatatayuan si Nicole. Hindi siya makapaniwala asa kaniyang nakikita. Hindi niya lubos akalain na magagawa siyang lokohin ni Andrei. Agad-agad nagpasi-unahan ang kaniyang mga luha na tumulo sa kaniyang mga mata.
“Andrei…” tawag niya sa lalaki pero parang hindi siya nito narinig.
“Andrei!” sigaw niya ulit sa pangalan nito. Pero para siyang nadurog ng dinaanan lang siya nito kasama ang magandang babaeng nakalingkis na parang linta sa kaniya.
Bakit siya ginaganto ni Andrei? May nagawa ba siya? Ano ba talaga ang nangyayari?
Gulong-gulo siya. Wala siyang maintindihan sa nangyayari. Pero alam ni Nicole na galit ang emosyong namumuo ngayon sa kaniyang dibdib.
Pinahid niya ang mga luha sa kaniyang pisngi at tinatagan ang kaniyang loob. Hindi! Hindi niya matatanggap ito! Kailan niyang malaman ang mga sagot sa kaniyang isipan.
Hinabol niya si Andrei at ang kasama nito. Gusto niya munang makausap ng masinsinan ang nobyo bago siya gumawa ng hakbang. Ano nga ba talaga ang nangyari? Gusto niyang malaman ang sagot sa tanong na ‘yan.
Hindi naman nahirapan si Nicole dahil agad ding naghiwalay ang dalawa. Kaniya-kaniya sila ng kotseng sinasakyan.
“Andrei, mag-usap tayo,” determinadong saad niya sa nobyo peo hindi pa rin siya nito pinapansin.
“Hoy! Sabi ko mag-usap tayo!” sigaw niya ulit. Napipikon na siya kaya naman kahit hindi siya pinapansin ng lalaki ay kusa siyang pumasok sa sasakyan nito. Wala pa rin itong kibo at para bang hindi siya nito nakikita.
Wala siyang tigil sa pangungulit kay Andrei na hindi naman pinapansin ng huli. Nagtataka na talaga si Nicole.
Tumigil saglit si Andrei sa isang flowershop para bumili ng isang tangkay ng bulakak. White roses, ang paborito niyang bulaklak. Makikita ang lungkot sa mga mata ni Andrei habang nakatingin sa bulaklak. Biglang kinabahan si Nicole.
Hindi gaya kanina na kinukulit niya ang nobyo ay natahimik na si Nicole. Tahimik lang siyang pinagmamasdan si Andrei. Tumigil sila sa isang sementeryo. Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Nicole.
Pakiramdam ni Nicole ay sobrang bigat ng kaniyang mga paa habang sinusundan ang nobyo. Tumigil ito sa isang puntod na may isang tangkay ng bulaklak at isang box na chocolate. Parehong paborito niya.
Dahan-dahan siyang lumapit sa puntod kung saan inilapag din ni Andrei ang dalang bulaklak. Tumulo ang luha sa mga mata ng lalaki habang nakatingin sa pangalan na nakalagay sa puntod.
Nicole Francess T. Mabansag
Beloved daughter and fiancée
Kasabay ng mga luhang pumatak sa kaniyang mga mata ang pagguho ng mundo ni Nicole. Kaya pala. Kaya naman pala. Kaya naman pala walang nakakarinig sa kaniya kahit gaanong lakas ng sigaw niya. Kaya naman pala parang hindi siya nakikita ng mga taong kinakausap niya. Kaya pala… dahil wala na siya. Isa nalang pala siyang multo.
“Hi babe. It’s been 3 years since you left. Tatlong taon na simula nang iniwan mo akong mag-isa dito. Masakit pa rin. Sobrang sakit pa rin. Bakit mo kasi ako iniwan? Bakit hindi mo nalang ako sinama?”
Kasabay ng pag-agos ng mga luha sa mga mata ni Andrei ay ang pagbabalik ng mga alaala ni Nicole na parang rumaragasang ilog noong huling gabi niya kasama si Andrei.
“Please. Please, unahin niyo siya. Save him. I’m begging you,” napaluhod si Nicole at napahagulgol ng maalala ang huling mga salita niya.
Naaksidente sila ni Andrei habang papunta sa bahay ng mga magulang ni Andrei sa Laguna at nagmakaawa siya sa mga rescue na unahing sagipin ni Andrei bago siya tuluyang nawalan ng buhay.
“Alam kong wala akong karapatan dahil kasalanan ko kung nawala ka. Kung sana ay nakinig lang ako sayo. Pero babe, hanggang ngayon, hindi ko parin matanggap na wala ka na. Mahal na mahal pa rin kita. But don’t worry. I won’t try anything stupid anymore. Gustuhin ko mang sumunod agad sayo ay hindi ko na ulit gagawin. I’ll live my life. Mabubuhay ako para sa’ting dalawa. Tutuparin ko ang mga pangarap nating dalawa para sa susunod na pagkikita na’tin ay maipagmamalaki ko sayong hindi ako sumuko at hindi ko sinayang ang buhay kong mas pinahalagahan mo kaysa sa sarili mong buhay. Na nasuklian ko ang pagmamahal ko. I love you so much Nicole. So much,” ramdam na ramdam sa bawat salita ni Andrei ang pagsisisi, panghihinayang at sobrang pagmamahal niya para sa kaniya.
Tumayo si Nicole at nilapitan ang lalaking inialay niya ang buhay niya. Alam niyang hindi maramramdaman ni Andrei pero…
“I love you too,” hinalikan niya ito, “with all that I am.” Kasabay ng pagngiti ng dalaga ay unti-unti itong naglaho… nang puno ng pagmamahal ang puso ay umakyat na rin sa langit si Nicole.
Napatayo agad si Andrei at napahawak sa kaniyang labi. Tumingin siya sa kaniyang paligid. Kusang hinanap ng kaniyang mga mata ang nag-iisang babaeng maaring makapagbigay sa kaniya ng pamilyar na halik na naramdaman ngunit wala siyang nakita.
Tinupad ni Andrei ang kaniyang pangako kay Nicole. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang buhay. Tinupad niya ang kanilang mga pangarap. Ilang taon din bago siya nagpakasal kasama ang babaeng kasama niyang nakita ni Nicole bago ito umakyat sa langit.
Ipinagpatuloy niya ang kaniyang buhay hanggang sa araw na sa wakas ay magkikita rin sila muli ng kaniyang pinakamamahal na si Nicole.