Inday TrendingInday Trending
Hindi Tinanggap ng Gahamang Doktor sa Ospital ang Mahirap na Pasyente; Darating ang Araw na Daranasan rin Pala Niya Lahat ng Kasamaang Ginawa

Hindi Tinanggap ng Gahamang Doktor sa Ospital ang Mahirap na Pasyente; Darating ang Araw na Daranasan rin Pala Niya Lahat ng Kasamaang Ginawa

Isinugod sa ospital noon ang lola ni Jamie dahil biglang itong pinanikipan ng dibdib at nahimat*ay. Suspetsa nila ay atake ito sa puso. Humina kasi bigla ang puso ng matanda noong pumanaw ang asawa nito.

Unang dinala ang matanda sa maliit na ospital, ngunit kulang ang daw ang mga kagamitan doon at wala silang magagawa rito.

“Mas makabubuti po na ilipat ninyo na lamang po sa mas malaking ospital ang pasyente. Nangangailangan po kasi siya ng operasyon sa lalong madaling panahon,” sabi ng doktor.

Sakay ng ambulansiya, dinala ang matanda sa sumunod na mas malaking ospital. Ngunit laking gulat nilang tinanggihan ito.

“Kailangan po ng down payment para mai-admit ang pasyente. Marami rin pong tests ang gagawin para malaman kung anong operasyon ang gagawin. Mayroon ba kayong pera diyan kahit sampung libo?” sabi ng doktor.

“W-wala po, pero kaya po naming gawan ng paraan. Basta magamot lamang po ang nanay ko,” sabi ng ama ni Jamie.

“Ay hindi po puwede iyon. Bayad muna bago namin pakialaman ito. Kung gusto niyo lumipat na lamang kayo sa ibang ospital na mas mura o sa libre pero pumila kayo nang matagal,” sabi pa ng doktor.

“Parang awa n’yo na po. Gamutin niyo na po ang lola ko,” pagmamakaawa ni Jamie.

“Pasensiya na kayo, kung wala kayong pera, wala akong magagawa. Magpalipat na kayo,” madiing sabi pa ng doktor.

“Wala na po kaming oras, kritikal na ang aming ina,” napapasigaw nang muli ang anak na lalaki.

“Pasensiya na. May ibang pasyente pang nag-iintay sa akin.”

Tinitigan mabuti ni Jamie ang mukha ng doktor. Bawat detalye ng mukha nito ay minemorya na niya. “Darating ang araw, makakabawi rin ako…” bulong ng batang babae na nasa edad 12 na noon.

Sinubukang ilipat ng ospital ang matanda ngunit huli na ang lahat. Pumalya na ang puso ng matanda nang isakay ito sa ambulansiya upang ilipat na sana noon sa ibang ospital.

Hindi matanggap ng pamilya ang nangyari.

“Kapag ba walang pera, wala na rin Karapatan na makatanggap ng lunas? Ganito ba rito ha?” sigaw ng ng ama ni Jamie habang umiiyak.

Kahit na walang pera, lumapit sa abogado ang pamilya at ineraklamo ang doktor. Naipanalo naman nila ang kaso at tinanggalan ng lisensya ang lalaking doktor na masama ang ugali.

Umapaw ang galit sa puso noon ni Jamie. Hindi dapat ganoon ang doktor. Paano nila nagagawang matiis na mawalan ng pasyente dahil wala itong pera? Hindi ba’t napakasama noon?

Lumipas ang labing limang taon…

“Doc, emergency! Heart attack daw po. Medyo kritikal ang patient. Need po ng operation according dito sa results. Kaso wala raw pong dalang perang pang down payment ang pasyente,” sabi ng nars.

Napatigil ang doktor at napaisip. “P-prepare the operating room!” sigaw nito.

Naghanda ang doktor at inayos na ang mga kailangan sa operasyon. Natigilan siya nang makita ang mukha ng pasyente. Hindi siya puwedeng magkamali, kilalang-kilala niya iyon. Tandang-tanda niya ang hugis at detalye ng mukha ng taong iyon. Lumipas man ang mga taon, pero malinaw sa memorya niya ang lahat-lahat.

“Doc Jamie, okay lang po ba kayo?” tanong ng nars. Biglang naman bumalik sa ulirat ang doktora.

“O-okay lang ako,” muling tiningnan ni Jamie ang pasyente. Gustong kumawala ng mga luha sa mata niya ng mga oras na iyon, dahil ang pasyenteng nasa operating table ay walang iba kundi ang doktor na tumanggi sa lola niya ilang taon na ang nakakalipas.

Hindi alam ni Jamie ang gagawin. Naba-blangko ang isipan niya. Nais niyang gumanti sa ginawa ng doktor sa lola niya, pero nangako siya sa sarili na hinding-hindi siya papares sa ganoong doktor.

Ginawa ni Doctor Jamie kung ano ang tama. Itinuloy niya ang operasyon at ligtas naman ang pasyente. Naupo lamang sa labas ang doktora at doon umiyak. Napakabigat ng kaniyang puso dahil sariwa pa rin sa alaala niya ang lahat ng nangyari noon.

Parating dumadalaw si Doc Jamie sa pasyente upang tingnan ang kalagayan nito. Makalipas ang isang linggo, kinausap siya ng pasyenteng dating doktor.

“Alam mo bang dating doktor din ako. Nakakatawa ‘no? Doktor sa puso, pero nagkasakit sa puso,” tawa pa ng matandang lalaki.

“T-talaga po? D-doktor rin po pala kayo,” nauutal na sabi ni Jamie na parang bang kinakapos sa hininga.

“Bakit mo ginawa iyon?” tanong ng lalaki.

“Ang alin po?”

“Bakit mo ako iniligtas? May pagkakataon kang pabayaan ako, pero iniligtas mo ako. Panahon lang ang lumipas pero nakikilala kita. Maliit ka pa noon pero tandang-tanda ko ang mukha mo, dahil alam kong tulad mo, sariwa rin sa alaala mo ang lahat ng nangyari noong araw na iyon,” pahayag ng matanda.

Tumulo naman ang luha ni Jamie. “Dahil nangako po ako sa sarili ko na hindi ako tutulad sa inyo. Hinding-hindi ako mang-iiwan ng pasyente para sa pera. Hindi ba’t sinumpaang tungkulin natin ang tumulong sa nangangailangan? Kaya hindi ko magagawa ang nagawa ninyo noon,” sabi naman ng doktora.

“Malaki ang pagkakamali ko noon at walang araw na hindi ko pinagsisihan lahat ng iyon. Nasilaw ako sa pera at sa kinang ng pagiging isang doktor, pero may nawalang buhay at nawala rin ang lahat sa akin. Gusto ko lang sanang humingi ng kapatawaran sa iyo at sa pamilya mo. Alam kong hindi na nito mababago ang nakaraan pero gusto kong malaman mo na hiyang-hiya ako at nagsisisi na ako.

I’m very sorry, Dr. Jamie, for everything. Napakahusay mong doktor at kahanga-hanga. Maraming salamat sa’yo!” naluluhang paghingi ng paumanhin naman ng matandang lalaki.

Tumango na lang si Jamie at hinawakan ang kamay ng matanda. “Parehas na po nating palayain ang sarili natin sa mapait na nakaraan. Salamat po… ipinangako ko sa sarili ko na gagawin ko ang responsibilidad ko bilang isang tunay na manggagamot at malaking parte kayo kung bakit narito ako ngayon. Mauna na po ako,” pagpapaalam naman ni Jamie bago lumabas ng kwarto.

Masakit man pero iyon na ang pagkakataon upang palayain ni Jamie ang sarili sa galit at sama ng loob. Ipagpapatuloy lamang niya ang pangakong magiging mabuting doktor siya alang-alang sa lola niya na naging dahilan kaya iginapang niya ang sarili upang maging propesyonal at sa doktor na naging inspirasyon niya upang mas maging mabuti pa.

Kung ano ang ating ginawa ay siya ring babalik sa atin kaya’t panatilihin nating mapagkumbaba at mapagbigay tayo sa kapwa, dahil hindi natin alam na baka isang araw, tayo rin ang mangailangan at hindi pagbigyan.

Advertisement