Inday TrendingInday Trending
Hinamak at Ginawang Katatawanan ng Mayayamang mga Kaklase ang Lalaki Dahil Mahirap Lamang Ito; Nakamamanghang Biglang Umangat din Ito sa Buhay

Hinamak at Ginawang Katatawanan ng Mayayamang mga Kaklase ang Lalaki Dahil Mahirap Lamang Ito; Nakamamanghang Biglang Umangat din Ito sa Buhay

Bunso si Johnly sa pitong magkakapatid. Lumaki siya sa probinsiya ng Laguna kung saan sila ay namumuhay nang payak. Kahit na marami sila sa pamilya, napagkakasya naman nila ang gastos sa araw-araw.

Lahat ay nag-iba nang magkaroon ng matinding sakit ang kaniyang ina. Magmula noon, tanging ang ama na lamang nila ang kumakayod para sa pamilya. Tumanggap ng maraming gawain ang ama para lamang maitawid ang pangangailangan ng pamilya sa araw-araw.

Naging mas mahirap ang kanilang pamumuhay magmula noon. Napakarami nilang kumakain at sabay-sabay pa silang nag-aaral na magkakapatid. Upang makabawas sa gastusin, nagtigil ang mga nakatatandang kapatid ni Johnly at namasukan bilang kasambahay sa mga mayayaman doon. Sa ganoong paraan ay makakaalwas sila sa panggamot ng ina at pambili ng pagkain.

Pumapasok siya sa paaralan na tanging limang piso lamang ang baon. Naglalakad siya ng mahigit isang oras makarating lang sa paaralan. Tinitiyaga niya ito upang makapag-aral at makatapos lamang.

Nang umakyat na ng high school ay doon mas naramdaman ni Johnly ang pasakit ng buhay. Wala silang kuryente kaya nagtitiis sila sa mainit na gabi kapag tag-init. Habang may araw pa ay inaaral na rin niya ng mga leksyon, dahil sa gabi ay tanging maliit na ilaw galing sa gasera lamang ang nagsisilbing ilaw nila.

Tumaas sa bente pesos naman na ang baon ni Johnly sa paraalan noon. Sapat na para sa pamasahe at isang pirasong tinapay na may palamang peanut butter na kaniyang makakain buong araw. Para makatulong sa pamilya ay kumuha siya ng pansamantalang trabaho tuwing walang pasok.

Nagtrabaho siya sa pagawaan ng kawayang alikansiya at doon ay kasama siya sa gubat na magputol ng ng mga kahoy. Sa pamamagitan noon ay nakakapagtabi siya ng pambaon na kanyang magagamit kapag pumapasok.

Sa lumipas na apat na taon ay hindi niya inaasa sa magulang ang babaunin sa araw-araw. Siya na rin ang bumibili ng mga kagamitang kailangan sa pag-aaral.

Hindi rin nakaligtas si Johnly sa mga mapanghusgang mata ng mga tao.

“Johnly kawayan! Payatot!” pang-aasar ng isang kaklase habang nagkakatuwaan ang iba.

“Bakit hindi mo pa isama ang sarili mo sa mga kawayan na binebenta mo tutal kasing katawan mo naman ang mga iyon!” sabat pa ng isang kaklase.

“Walang nakakahiya at nakakatawa sa trabaho ko! Para ito sa magulang at pag-aaral ko. Walang kahit sino sa inyo ang may karapatang laitin ako!” naiiyak na depensa naman ni Johnly.

“Iiyak na ‘yan! Iiyak na ‘yan!” pang-aasar pa ng mga kaklase, “Johnly, kawayan!” at saka muling mga nagtawanan ito.

Walang ibang magawa ang lalaki kundi ang lunukin ang panglalait ng ibang mga kaklaseng may kaya sa buhay. Wala rin siyang kaibigan kaya’t palihim na lamang din siyang umiiyak sa isang sulok minsan.

Minsan habang nagkikinis ng kawayan ay hindi napansin ni Johnly na pumapatak na ang kaniyang mga luha.

“Bakit ba kailangan kong tanggapin ang lahat ito? Bakit hindi na lang ako ipinanganak na mayaman? Bakit ba puro paghihirap na lamang ang buhay ko?” lumuluhang tanong sa sarili ng lalaki.

May mga pagkakataon na gusto na lamang din niyang sumuko, pero mas matimbang ang pangarap na maiahon sa kahirapan ang pamilya.

Nang makapagtapos ng hayskul ay kumuha ng iskolarsyip si Johny. Sinabihan siya ng ama na magtrabaho na lang muna at tumigil na sa pag-aaral, pero buo ang pasya ni Johnly na makapagtapos. Buong tapang niyang susuungin kung anuman ang magiging buhay na papasukin sa kolehiyo.

Bago makatapos ay isang matinding dagok na naman ang dumating sa kanilang buhay, pumanaw ang ina ni Johnly. Tumigil na rin pagsustento ang mga kapatid niya dahil may kani-kaniyang pamilya na.

Ang buwanang baon na natatanggap mula sa iskolarsyip ay ginagastos na lamang ni Johnly na pambili ng pagkain para sa pamilya. Kinailangan niyang bumalik muli sa pagkikinis at paggagawa ng alikansiyang kawayan upang may pandagdag sa gastusin.

Naging mas masipag siya at hindi umangal pa sa matinding hirap na nararanasan. ‘Di nagtagal ay nakapagtapos si Johnly na Magna Cum Laude.

Pagkababa sa entablado ay sinalubong siya ng amang lumuluha. Kinuha niya ang magagaspang na kamay nito at saka napaluhod sa harapan.

“Tay… nakamit ko na ang isa sa pangarap ko. Matutupad ko na ang mga pangarap ko para sa inyo ng mga kapatid ko,” lumuluhang sabi ni Johnly.

“Lahat ng paghihirap at pagpapagal mo anak ay inaani mo na. Ipinagmamalaki kita, anak ko! Sigurado akong tuwang-tuwa ang iyong ina ngayon!” tugon naman ng ama na may luha rin sa mga mata. Itinayo ng ama si Johnly at saka ito niyakap ng sobrang higpit.

Nagsumikap pa si Johnly at nakakuha ng magandang trabaho, pero hindi lamang doon natapos ang magagandang pangyayari sa kaniyang buhay, dahil dumagsa pa ang sunod-sunod na oportunidad sa kaniyang buhay.

Gusto ni Johnly na triplehin pa ang ginhawang dinaranas ng pamilya. Lahat ng sakripisyo niya ay inihahandog niya sa pamilya. Hindi siya tumigil na mangarap. Sa pagbabalik tanaw niya sa nakaraan ay isang malaking aral ang kaniyang baon.

Ang pagkikinis ng mga kawayan, mga pangmamaliit ng ibang tao at ang matinding kahirapan ang nagpaalala sa kaniya na hindi dapat maging hadlang ang pagiging mahirap at hinding-hindi dapat tumigil hanggang sa maabot ang pangarap.

Advertisement