Isang Nakabubulabog na Tunog ang Naririnig Gabi-Gabi sa Abandonadong Gusali; Isang Madilim na Sikreto Pala ang Bumabalot Doon
Nag-apply si Alex bilang security guard sa isang lumang gusali sa may Mandaluyong. Matagal na itong itinayo, ngunit hindi inabandona ito sa hindi malamang dahilan.
Tuwing gabi ang iskedyul ng duty ni Alex. Kailangan niya ng pera kaya kahit na nakakatakot, pinatos na niya ang malaking alok na sweldo.
Ang kailangan lang naman na bantayan doon ay ang mga bakal at iba pang materyales na pwedeng nakawin. Hindi naman na mabigat para kay Alex.
“Tol, alam mo bang walang guard na tumatagal na magbantay ng panggabi rito?” sabi ng guwardiya na pang-umaga.
“Bakot naman ‘tol? Mga duwag ba sa dilim?” natatawang biro naman ni Alex.
“Hindi ‘tol.. mas okay sana kung ‘yung dilim lang ang nakakatakot ‘di ba? Basta mag-ingat ka,” paalala ng lalaki.
Unang gabi ng pagbabantay ni Alex. Nagdala siya ng earphones upang malibang siya pakikinig o panonood habang nagbabantay. Sobrang tahimik lamang ng paligid, tanging maingay lamang ay tunog ng mga insekto at hangin.
Seryosong nanonood si Alex nang biglang may malakas na tunog ang bumulabog sa kaniya. Agad na napatayo naman ang lalaki at tiningnan kung ano ito. Baka kasi mga nangtri-trip o ‘di kaya nama’y magnanakaw. Umakyat siya sa ikalawang palapag ngunit wala namang tao doon.
Umakyat siya sa sumunod pang mga palapag hanggang sa makarating sa ika-lima, pero wala pa rin siyang nakita na kahit ano doon. Habang naglalakad pababa ay bigla siyang nagulat nang maulit ang tunog na narinig kanina.
“Blaaag!”
Tumakbo pababa ang guwardiya upang tignan kung ano ‘yung nahulog, ngunit pagkababa, wala rin siyang nakita. Nilakasan na lamang ni Alex ang loob at saka nilibang ang sarili sa panonood ng pelikula sa cellphone.
Lumipas pa ang ilang gabi ngunit, palaging naririnig ni Alex ang parehong tunog. Ilang beses itong nauulit sa loob ng magdamag. Pinili na lamang niyang huwag na itong pansinin. Wala naman din siyang nakikita na tao o ano, kaya naisip niya na baka masyado lang siyang nag-aaalala sa wala.
Isang malakas na tunog na naman ang bumulabog sa kaniya. Nag-unat-unat si Alex at saka naglakad-lakad.
“Nakakatakot palang tignan ang gusali na ‘to kapag malayuan,” wika ng lalaki sa sarili.
Bumili saglit ng makakain at kapeng maiinom si Alex. Nakakaramdam na siya ng antok kaya kailangan niya ng pampagising. Kinusot-kusot niya saglit ang mga mata at hindi sinasadyang naibaling ang tingin sa ika-apat na palapag.
Mayroong babae doon na nakatayo habang nakatingin sa direksyon kung saan nakatayo ang guwardiya. Kinusot pang muli nito ang mga mata dahil baka nagkakamali lang siya ng tingin. Sa kaniyang pagmulat, wala na roon ang babae… pero napasigaw siya nang makita itong nakatayo sa tabi niya.
“Diyos ko po!” sigaw ni Alex.
Nabitawan ng lalaki ang mga hawak na pagkain. Tatakbo sana si Alex nang bigla siyang mitumba at mabagok ang ulo.
Bago tuluyan mawalan ng malay, nakita niya ang dalawang magkaibang babae na nakatingin sa kaniya…
Umaga na nang magising si Alex. Hindi niya maipaliwanag kung panaginip lang ba o totoo ang mga nangyari kagabi lamang.
“Tol, sa sobrang antok mo ata diyan ka na sa semento natulog. Lasing ka ba kagabi ha?” biro ng kapwa guwardiya.
“H-hindi ‘tol. Hindi ko maipaliwanag e, pero may kakaiba… argh…” napa-aray naman ang lalaki dahil nalamog ang ulo niya sa pagkakabagsak kagabi.
Lumipas pa ang mga gabi, pero paulit-ulit na tunog lamang ang kaniyang naririnig. Muling nagtungo si Alex sa parehong lugar kung saan siya nabagok. Umupo siya saglit at saka uminom ng kape.
Tumunghay si Alex sa ika-apat na palapag, nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang babae na nakatingin muli sa kaniya. Napalunok ang lalaki at lakas loob na tumakbo papasok sa loob ng building.
Wala na siyang pakialam kung tao ba iyon o hindi, ang mahalaga malaman niya ay bakit naroroon ang babaeng nakikita niya.
“Sino ka?! Bakit ka naririto?” sigaw ni Alex. “Nasaan ka!?”
Nanindig ang balahibo nang guwardiya nang makitang nakatayo at nakatingin ang babae sa harapan niya. Iniangat ng babae ang kamay at may itinurong direksyon. Sinundan ni Alex ng tingin ang tinuturo ng babae.
“Wag!!!”
Napasigaw ang lalaki nang makita ang katawan ng isa pang babae na nahulog mula sa balkonahe ng ika-apat na palapag. Tumakbo siya sa pag-aakalang mapipigilan ito ngunit napatigil siya nang marinig ang parehong tunog na naririnig niya gabi-gabi.
Ang tunog na gabi-gabing naririnig ay ang paglagapak ng katawan ng babae sa semento mula sa ikalawang palapag.
“A-anong nangyari?” naluluhang tanong ni Alex.
“Tulungan mo kami… Sabihin mo sa kaniya ‘wag na kaming intayin at mahal na mahal namin siya,” sabi ng babae.
“Sino? Kanino? Sinong gumawa sa inyo nito?” sunod-sunod na tanong ng guwardiya na para bang hindi man lang nakakaramdam ng takot.
“Sabihin mo sa kaniya ang salitang ‘kalapati’, malalaman niyang kami iyon,” sabi ng babaeng nakaputi.
“Sino ang sasabihan ko?! Anong nangyari sa inyo?”
Itinuro ng babae ang kwarto sa bandang kaliwa ng lalaki. Iyon ang kwartong kabilin-bilinan ng kanilang boss na ‘wag bubuksan kahit anong mangyari. Pinuntahan iyon ni Alex at saka sapilitang binuksan.
Binuksan niya ang flashlight ng cellphone at inilibot ang mga mata. Walang laman ang kwarto bukod sa malaking kama. Lumakad-lakad pa si Alex at naapakan ang isang basag na cellphone. Durog na durog ito na para bang sinadya talaga basagin.
Napansin ng guwardiya ang memory card na nakasingit pa doon. Baka may laman iyon na mapagtuturo kung ano ang naganap. Kinuha ni Alex ang durog na cellphone at memory card.
Tumakbo pababa si Alex at saka lumabas. Napatigil siya nang makita ang isang babae na para bang mas maliit kaysa sa babaeng nagpapakita sa ika-apat na palapag. Nakatayo iyon sa lugar kung saan siya nawalan ng malay. May itinuturo ito sa lupa at saka biglang naglaho.
Pumunta si Alex at tiningnan mabuti kung ano iyon. Hinukay niya ng kaunti pa ang lupa at nakitang may nakabaon na ID lace doon. Napaurong siya nang makitang tila nakasuot ito isang katawan dahil may mga buhok rin na nakabaon doon.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang guwardiya, tumakbo agad siya sa malapit na Police Station. Ni-report niya ang nakitang ID lace at ibinigay ang durog na cellphone na nakuha.
Nakita sa memory card ang video ng dalawang estudyante na nagmamakaawang paalisin na sila, ngunit patuloy silang hina-har*ass ng mga kalalakihan. Malamang ay construction workers ito noon.
Sa mga sumunod na minuto ay tanging mga iyak at pagmamakaawa ng mga babae na lamang ang maririnig habang pinagsasamantalahan ng grupo ng mga kalalakihan. Nakilala rin ang mga katauhan ng dalawang babae kaya’t may tinawagan ang pulis.
“May pamilyang naghahanap po ba sa kanila?” tanong ni Alex.
“Meron… si Ka Tasio. Tatay nila…”
Ilang minuto pa ang lumipas dumating ang isang matandang lalaki, si Ka Tasio.
“Nahanap na ba kung saan nagpunta ang mga anak ko? Kumusta sila?” sabi ng matanda.
Tumahimik ang lahat ng naroroon. Wala may lakas ng loob na sabihin sa kaawang matanda na matagal nang wala ang kaniyang dalawang anak.
“W-wala na po sila… Narito po ang pruweba at ang main suspect sa pagkawala nila,” sabi ng isang pulis.
Sinapo ng matanda ang dibdib niya dahil sa pagkabigla. Nang kumalma ay kinausap ito ni Alex.
“Tatang, hindi ko alam kung maniniwala kayo, pero nakita at nakausap ko ang kaluluwa ng anak ninyo… Pinapasabi nila na ‘wag ninyo na po raw silang hintayin at mahal na mahal nila kayo,” sabi ng guwardiya.
“T-totoo ba iyan?” malungkot na tanong ng matanda.
“Pinapasabi rin po niya ang salitang ‘kalapati.’ Hindi ko po alam ang ibig sabihin noon, pero sabihin ko raw po.”
Biglang napahagulgol ang matanda. “I-iyon ang paboritong alaga ng mga anak ko. Iyon ang lagi kong inireregalo tuwing kaarawan nila…” hagulgol pa ng matanda.
Nahanap ang mga nakabaong buto ng dalawang estudyante sa lugar na itinuro ni Alex. Kinasuhan rin ang may-ari ng building dahil itinago nito ang krim*en na naganap noon. Iniimbestigahan rin kung may kinalaman ito sa krim*en.
Nahuli naman ang anim na construction workers na nagtago sa malalayong probinsiya sa tulong ng mga impormasyong nalakap ng mga pulis. Panghabangbuhay na pagkakulong at walang piyansa ang parusa sa kanila.
Bumalik si Alex sa lumang gusali at nagsindi ng kandila.
“Nawa ay matahimik na kayo at manatili na sa payapa. Tapos na… Nabigyan na kayo ng hustisya,” sabmit ni Alex. Nag-alay siya ng maikling panalangin at saka umalis.
Buti na lamang at naging malakas ang loob ni Alex. Siya ang naging susi upang mabuksan ang malagim na pangyayaring ibinaon sa mahabang panahon. Dalawang kaluluwa ang natulungan niyang magkaroon ng katahimikan.