Inday TrendingInday Trending
Magmula nang Maloko ay Ibinuhos ng Babae ang Oras sa Paghahalaman; Daan Pala Iyon Para Mamukadkad din ang Bagong Pag-ibig

Magmula nang Maloko ay Ibinuhos ng Babae ang Oras sa Paghahalaman; Daan Pala Iyon Para Mamukadkad din ang Bagong Pag-ibig

Labis na nagdurugo ang puso ni Thelma nang mahuli na niloloko siya ng nobyo at ipinagpalit na pala siya ibang babae. Para maibsan ang sakit na nadarama ay naisipan niyang magbasa ng mga blogs at maglibang.

Habang tumitingin-tingin sa internet ay nakita niya ang litrato ng mga masasaganang gulay na nakatanim. Dito siya nakakuha ng ideya kung paano mawawala ang kaniyang kalungkutan.

“Eto na nga! Magtatanim na lamang ako ng mga gulay at ilalaan ko ang mga oras ko sa pagpapalago ng mga halaman. Sinasabi ko sa’yo, Virgilio, makakalimutan din kita! Matatapos din ang sakit na nadarama ko sa panloloko mo sa akin!

Kapag napuno ko na ng masagana at masustansiyang gulay ang hardin ko, makakalimot na rin ako sa sakit ng panloloko mo. Bukas na bukas ay sisimulan ko nang alisin ang mga masasakit na binhing itinanim mo sa puso at alaala ko.

Sa aking paghuhukay ng lupa ay sisimulan ko na rin na ilibing ang mga alaala ng kahapon nating nagdaan. Tunay at buhay ang aking itatanim, hindi gaya ng pag-ibig mo na peke at hindi totoo! Karmahin sana kayo ng bago mo na mukhang ugat!” galit na sabi ni Thelma habang umiiyak na tumitingin ng mga gulay na itatanim.

Kinabukasan, bumili ang babae ng mga binhi ng gulay na itatanim. Pagkatapos noon ay inumpisahan na niya ang pagtatanim sa kaniyang hardin. Itinanim ni Thelma ang mga binhi sa isang magadang puwesto na malapit sa pader, upang may gapangan ang ibang mga halaman.

Kaunting panahon lang ay napansin na agad ng babae ang mga lumalagong dahon mula sa binhi na kanyang ibinaon. Ipinagpatuloy niya ang pagdidilig, at pag-aalaga sa mga halaman upang mas mapabilis pa ang paglago nito.

Lumipas pa ang ilang araw at nakita niya na gumagapang sa pader ang mga gulay na kaniyang itinanim. Malaki ang pag-asa niyang mamumunga na ang mga halaman ngunit siya’y pumalpak. Lumipas pa ang mga linggo ngunit wala pa rin siya nakikita kahit isang bunga!

“Mga buwisit! Pati ba naman halaman paasa na ngayon? Hindi rin naman ako nagkulang! Inalagaan ko naman kayo, kinakantahan at laging dinidiligan, pero bakit walang nagbunga kahit isa?

Alam ninyo, pareho lamang kayo ni Virgilio! Pinaasa ninyo ako na magiging maayos at may mapapala ako, pero mali! Walang magandang nangyari. Mabuti pa, buhusan ko na lamang kayo ng gas at sunugin!” galit na banta ni Thelma sa mga halaman.

May dala-dala nang pala at kalaykay si Thelma para sana hukayin at bunutin na ang mga halaman nang bigla siyang tawagin ng isang matandang babae. “Hija, pwede ba kitang makausap?” sabi nito.

“A-ako ho? Bakit ho?” tanong ni Thelma.

“Bagong lipat na kapitbahay mo ako. Ako si Mrs. Puring! E nais ko lang sanang sabihin na napakasagana ng tanim mo! Ang mga halaman mo ay nagbunga rito sa pader ko!

Mahilig rin ako maghalaman kaya nakakatuwa na ngayon lamang ako nakakita ng ganito kagagandang mga gulay! Sariwang-sariwa at makikinis!” sabi pa ng matanda.

Ilang saglit pa ay lumabas rin ang isang gwapo at matangkad na lalaki kasunod ng matanda.

“Lola naman e! Kanina ko pa po kayo hinahanap, narito lamang pala kayo,” sabi ng lalaki.

Tumingin ang lalaki kung saan naroroon si Thelma kaya’t nagulat ang babae’t napahawi ng buhok.

“Miss, sorry ha? Naabala ka ata ni lola. Mabilis kasing mainip ito at talagang pala-kaibigan sa mga kapitbahay. Sorry talaga ha? By the way, ako pala si Chester, bagong kapitbahay ninyo. Ikaw?”

“Well, ano…” sambit na Thelma na parang bang kinikiliting pusa, “T-Thelma, Thelma ang pangalan ko,” natatawang sabi ng dalaga.

“Pareho rin pala kayo ng lola ko na mahilig magtanim? Nakakatuwa naman,” sabi pa ni Chester.

“Pareho rin kaming maganda, ‘di ba apo?” tanong pa ni Mrs. Puring sa gwapong apo.

“Siyempre naman po! Kayo ata ang pinakamaganda lola sa buong mundo!” sabi pa ng lalaki.

“Chester, parang bagay kayo ni Thelma. Bakit kaya hindi mo siya ayain na maghapunan kasabay natin mamaya? Ipapatikim ko ang napakasarap kong Caldereta!”

Napatingin lamang si Chester sa dalaga at nahihiyang ngumiti, “p-pasensiya ka na kay lola ha? Mabiro lang talaga ‘yan at medyo makulit, kaya sumama ka na mamaya sa hapunan! Aasahan ka namin, okay?” pag-imbita ng binata.

“Ganun ba? S-sige wala naman problema. Dadalo ako sa hapunan mamaya. Nakakasabik naman matikman ang specialty ni Lola Puring,” nahihiyang sabi ng dalaga, “salamat pala sa imbitasyon ha? Natutuwa akong makilala ka, este kayo,” may kaunting kilig na sabi ng dalaga.

Ang hapunan na iyon na pinaunlakan ni Thelma ay nasundan pa ng ilang paglabas-labas kasama si Chester na nauwi sa mga date nights. Hindi rin nagtagal, tuluyan ngang naibsan ang kalungkutan ng dalaga lalo na nang mamukadkad ang isang bagong relasyon kay Chester.

Naging ganap silang magkasintahan hanggang sa magdesisyon nang mag-isang dibdib. Sa huli ay nagpakasal ang dalawa sa isang magarbong hardin na napapaligiran ng magagandang bulaklak na si Lola Puring at Thelma mismo ang nagtanim.

Sa kanilang love story, makikita na sadyang napakahirap na makahanap ng tunay na pag-ibig. Sa paghahanap natin nito, kalakip na talaga doon ang mapait na pagluha, pero kung hindi ka mapapagod sa pagtatanim ng pagmamahal, balang-araw ay aanihin din natin ang pag-ibig na kay tagal inasam-asam.

Advertisement