Labis ang Lungkot ng Magbabarkada nang Mabalitaan ang Nangyari sa Isang Kaibigan; May Ibang Katotohanang Nagkukubli Pala sa Likod Noon
Sa isang kolehiyo, hindi mawawala ang tinatawag na “squad”. Eto ay grupo ng mga estudyante o simpleng magkakaibigan na kasamang gumawa ng kalokohan, kasiyahan, iba’t ibang trip, at mga memoryang dadalhin mo sa ating pagtanda. Heto naman ang kwentong squad ni Ian. Isang mechanical engineering student sa sikat na unibersidad sa Maynila.
“Sa wakas! Grabe, ang sakit na ng likod ko! Tagal ng discussion na ‘yon ah? Grabe si sir, akala mo hangin ang tinuturuan. Hindi ba niya nahahalata na wala nang nakikinig sa kaniya?” inis na sabi ni Lea habang nag-uunat sa kanyang kinauupuan.
“True nga beh! Kanina pa ubo nang ubo ‘tong si Mafi. Akala mo kung ano na nangyayari eh! May tono pa ang pag-ubo – *ubo* overtime ka na *ubo.*” Sagot naman ni Joy, sabay tawa ng malakas. Nagtawanan rin naman ang buong tropa.
“So anong ang gagawin natin? May pasok ba kayo? Tara tambay muna tayo sa dorm ni Ian?” tanong ni Sai.
Ganoon ang usual setup ng squad nila. Dahil sa irregular students silang magbabarkada, iba-iba ang schedule ng kanilang klase, ngunit kahit ganoon, nagkakasundo silang kuhanin ang isa o dalawang minor subject upang kahit papaano ay mayroon pa rin silang kurso na maari silang magsama-sama. Bukod pa rito ay mayroon rin silang kasunduan na walang kukuha ng klase sa isang takdang oras upang doon sila sabay-sabay na kakain ng hapunan o tatambay kung saan man.
Madalas na tambayan nila ang condominium na nirerentahan ni Ian, kasama ng nakatatandang kapatid na lalaki nito. Bukod kasi sa medyo malapit lang ito, ay madalas sila lang ang tao doon. Kapag gusto naman nila lumabas ay katapat lang ng condominium ang isang mall. Mayroon ring swimming pool at clubhouse ng condo.
“Ang sarap talaga ng may condo ‘no?” biglang nasabi ni Nadia habang nanonood ng pelikula ang barkadahan sa condo ni Ian. Napatingin naman ang iba at napaisip na ang sarap nga naman kung magkakaroon ng isang lugar ang barkada na maari nilang puntahan upang mag-bonding. Kaya naisip nila na magkasundong gawin ang isang plano.
“Ganito ang gagawin natin, pagka-graduate natin, bibili tayo ng isang condominium na dapat ay pupuntahan natin para mag-bonding,” panukala ni Lea. Sumang-ayon naman ang iba dahil magandang ideya nga ito, upang kahit papaano ay mayroon silang lugar na maaring puntahan kung sakali man na may problema, o gusto lamang magsaya.
“Pero tingin ko mas maganda kung every Wednesday, dapat pupunta tayo don. Tapos kapag may mga anak na tayo and all,” dagdag naman ni Izza.
Nabuo na nga ang plano ng squad. Naging masaya ang mga sumunod na taon sa kolehiyo, pero tulad ng mundo na patuloy na umiikot, ganon din ang pagdaloy ng kani-kanilang buhay. Ang iba sa kanila ay nauna nang matapos sa kolehiyo habang ang iba ay nag-aral pa ng ilang taon. Ang iba naman ay nagkaroon na ng ibang kaibigan na mas madalas ng nakakasama dahil hindi tumutugma ang major subjects sa schedule ng magtro-tropa.
Lumipas ang panahon at unti-unti na ngang nagkanya-kanya na sila ng mundo. Subalit nag-uusap pa rin sila sa group chat kahit bihira na lamang. Bihira na rin silang magkaroon ng oras para magkita-kita pero kahit naman ganoon ay walang nagbabago sa pagiging malapit nila sa isa’t isa.
Dahil dito, sobrang na-miss ni Joy ang kanilang squad at dahil na din ilang taon na rin mula nang huli silang magsama-sama, naisipan niyang imbitahan ang lahat sa kaniyang birthday celebration.
“Guys, punta kayo sa birthday ko ha? Tagal na nating hindi nagkita. Dali na, bonding moment na natin ‘to o, please?” imbitasyon ni Joy sa kanilang group chat.
“Sorry be, hindi ako pwede kasi may ongoing project kami,” sagot ni Izza.
“Kami din ni Nadia, may pupuntahan kasi kami na matagal na naka-sched,” dagdag ni Mafi.
“Joy, ako pwede. Punta ako ha?” pagsang-ayon naman ni Lea.
Sumagot din si Ian, Sai, John ngunit hindi sila pwede. Labis naman na ikinalungkot ito ni Joy kaya sa halip na sumagot pa ay pinili na lamang niya na sagutin si Lea sa private message upang doon ito kausapin.
Araw na noon ng kaarawan ni Joy. Naka-ready na ang lahat. Masayang nairaos ang okasyon ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay naaksidente si Joy at nabundol ng sasakyan sa tapat ng kanilang bahay. Agad-agad siyang dinala sa pinakamalapit na ospital.
“Guys, naaksidente si Joy!” mensahe ni Lea sa group chat nilang magkakaibigan. Nagulat ang lahat sa nabasa at nagtanong kung anong nangyari.
Nanlumo din sila dahil hindi man lamang sila nakapunta sa kaarawan nito. Napagkasunduan nila na magkita-kita upang bisitahin si Joy sa ospital. Nang magkita-kita sila sa nasabing tagpuan ay napuno ng saya ang magkakaibigan dahil matapos ang mahabang panahon, muli silang nagsama-sama. Parang bumalik ang panahon ngunit mas tumanda na ang kanilang hitsura. Habang hinihintay nila si Lea, sabay-sabay tumunog ang kanilang cellphone at nagulat sa mensaheng nabasa.
“Wala na si Joy…” apat na salita na naging dahilan ng pagpalit ng kasiyahan sa matinding kalungkutan. Napuno ng iyakan ang lugar at walang ibang maririnig kundi hagulgol ng magkakaibigan.
“Bakit ganoon? Bakit kung kalian magkakasama na tayo, saka naman nangyari ito?” iyak ni Izza.
“Bakit kailangan pang may masamang mangyari bago tayo magsama-sama? Ang haba ng oras natin sa mundo pero ilang minuto lang hindi natin malaan sa isa’t isa,” wika naman ni Nadia.
Akala mo’y may anghel na dumaan sa harap ng magkakaibigan habang papunta sa ospital. Walang umiimik at hindi malaman kung sino ang unang magsasalita. Pagpasok sa kwarto kung saan naroon ang katawan daw ni Joy ay laking gulat ng magkakaibigan.
“Buhay ka?!” sigaw ni Sai ng makitang nanonood ng TV ang kaibigan.
“Loko-loko! Tinahi lang ulo ko kasi tumama sa gutter, pero buhay ako! Bakit parang nakakita kayo ng multo?” tanong ni Joy.
Napatingin na lang ang barkadahan kay Lea na noon ay tawa nang tawa sa isang sulok ng kwarto. Doon nila napagtanto na isang malaking prank pala ang mensaheng natanggap.
Napailing na lang sila. Pero muling nanumbalik ang saya nila at simula noon ay tinupad na nila ang kanilang pangako sa isa’t isa. Bumili sila ng condominium na kanila ring palaging pinupuntahan, at naging regular na rin ang kanilang pagkikita.
Dahil sa pangyayari ay natauhan sila. Naisip nila ang halaga ng paglalaan ng oras para sa mga taong imporante sa atin. Maraming bagay ang maaari nating gawin, at maaari rin masayang sa isang araw, ngunit ang bawat segundo na dumaraan ay panahong hindi na maibabalik pa.