Nilait ng Matapobreng Pamilya ang Mahirap na Lalaking Napangasawa ng Kanilang Anak; Tameme Sila nang Biglang Yumaman Ito
Nagkilala si Myra at Allan sa isang booth sa paaralan. Pareho silang kolehiyo at parehong nakulong sa jail booth. Napag-trip-an sila ng mga kaibigan kaya ang tagal nilang nakakulong doon.
Nagpalitan sila ng usapan at naging palagay naman ang loob sa isa’t isa. Iyon na pala ang tanda ng pagyabong ng pag-ibig sa kanilang mga puso.
Nanligaw si Allan na agad namang sinagot ni Myra. Maganda si Myra kaya napakaraming manliligaw niya noon, pero si Allan ang bukod tanging nakabihag ng puso niya.
Ang masakit rito, hindi pabor ang mga magulang ng dalaga sa relasyon ng dalawa. May kaya kasi ang babae samantalang, mahirap lamang ang pamumuhay ng lalaki.
Dala ng kapusukan at nag-aalab na mga damdamin, ginawa nila Myra at Allan ang isang bagay na hindi pa naman sana nila ginawa. Makalipas ang tatlong buwan, nagbunga ito.
“Papanagutan ko po ang anak ninyo. Gagawin ko po ang lahat upang maibigay ang buhay na nararapat sa kaniya,” sabi ng lalaki sa magulang ni Myra.
“Anong ipapakain mo sa anak ko? Mahirap ka pa sa daga at hindi pa tapos ng pag-aaral!” sabi ng ama ni Myra.
Hindi naman makakibo si Allan dahil totoo ang sinasabi ng magulang ng nobya.
“Kunin mo ang mga damit mo, Myra! Ginusto mo ang buhay na iyan, pagtiisan mo. Ibinigay namin lahat sa’yo pero magpapabuntis ka lang pala! Mga walang hiya!” sigaw ng ama ng dalaga.
Nag-empake si Myra at sumama nga kay Allan. Labis ang gulat ng babae sa buhay na mayroon pala ang nobyo. Maliit lamang ang bahay nito at siksikan pa. Pero dahil nais ni Allan na mapabuti ang asawa, gamit ang kaunting ipon, nangupahan sila sa napakaliit na apartment.
“Pasensiya ka na ha? Alam kong hindi ganito ang buhay na nakasanayan mo, pero pangako, bibigyan kita ng maginhawang buhay,” nahihiyang sabi ni Allan sa kasintahan.
“Ayos lamang iyon. Ang mahalaga kasama kita at magtutulungan tayo,” sabi naman ni Myra.
Nagtigil ng pag-aaral ang babae habang si Allan naman ay trabahador sa umaga at esdudyante naman sa gabi. Kahit konstruksyon ay pinasok na niya masuportahan lamang ang pangangailangan ng asawa at ng magiging anak.
Isang araw nadatnan ni Allan na bumisita ang ina ni Myra sa kanilang tahanan. Nagtago ang lalaki sa gilid at rinig na rinig ang mga usapan doon.
“Napakarami mong mayaman na manliligaw noon, hindi ka pumili ng iba at nagtiis sa ganitong pamumuhay. Tingnan mo nga iyang damit mo, luma at kupas-kupas na! Samantalang noon halos linggo-linggo bago iyan. My goodness, Myra!” inis na sabi ng ina ng dalaga.
“Ma, damit lamang ito. At saka nasa bahay lang naman ako. ‘Di naman malaking kaso iyon,” tugon ni Myra. Pero ang totoo, nasasaktan siya sa sinasabi ng ina dahil tama naman ito. Ibang-iba na ang buhay niya.
“Paano ka nakakatiis sa mabaho at maliit na lugar na ito? Ito ba ang klase ng buhay na gusto mo? Iwanan mo na si Allan, sumama ka na sa amin. Hindi ka nababagay sa mala-kahon na bahay at napakainit!” dagdag pa ng ina ng babae.
“Hindi, ma! Ayoko! Mananatili ako kasama ng asawa ko. Pinaalis ninyo ako ni Daddy, ‘di ba? Kaya pasensiya na, hindi ako sasama. Oo, mahirap ang buhay ko ngayon at oo, hindi ito ang buhay na nakasanayan ko, pero kasama ko ang lalaking mahal ko at hindi niya ako pinapabayaan, kaya makakaalis na kayo!” matapang na sagot ni Myra.
Napaluha naman si Allan sa isang sulok. Ganoon pala talaga kalaki ang pagmamahal sa kaniya ng kasintahan. Kaya lalo siyang naging pursigido na bigyan ng maganda buhay ang asawa.
Lumipas pa ang mga buwan, dumating ang kapanganakan ni Myra. Nangailangan sila ng malaking pera dahil nahirapan manganak sa kamadrona si Myra at kinailangan na dalhin sa ospital, pero ni-singkong butas hindi tumulong ang pamilya ng babae.
Si Allan ang gumawa ng paraan sa lahat. Kahit mabaon sa utang ay ayos lamang, ang mahalaga’y ligtas ang kaniyang mag-ina.
Huling taon na noon ni Allan sa kolehiyo kaya’t parang lagari ang kaniyang katawan. Trabaho sa umaga tapos may isang sideline pa bago pumasok sa paaralan at full-time tatay naman sa gabi. Parang pasan na niya ang buong mundo sa kaniyang balikat. Pero hindi niy magawang sumuko dahil may pamilya siyang binubuhay.
“Congratulations, mahal!” pagbati ni Myra sa asawa dahil sa wakas, nakapagtapos na ito.
“Salamat, mahal!” masayang-masaya na yumakap ang lalaki sa anak at kasintahan.
Hindi na kumuha pa ng board exam si Allan, nagpadala agad siya ng aplikasyon sa trabaho patungong ibang bansa. ‘Di na rin kailangan ng napakaraming experience dahil estudyante pa lang ay napakarami na niyang pinasok na trabaho.
Bago lumipad noon, pinakasalan muna ni Allan si Myra sa isang Civil Wedding. Pumayag ang mga magulang ng babae pero hindi ito dumalo sa kasalan. Bagkus nilait pa ang lalaki dahil sa pamumuhay nito.
“Nalulungkot ako dahil malalayo ako sa inyo ng anak natin, pero lahat ng pagsasakripisyo kong ito at para sa inyo, para mabigyan ko kayo ng magandang bukas,” wika ni Allan habang nakayakap sa asawa sa airport.
“Mag-iingat ka palagi doon ha? Lagi kang tatawag,” naluluhang sabi naman ni Myra.
Lumipad nga si Allan patungong Australia at doon nagsimulang manilbihan.
Lumipas ang isa, dalawa at tatlong taon… naging napakaganda ng trabaho doon ng lalaki at kumikita ng triple ng puwedeng kitain sa Pilipinas.
Umuwi si Allan upang magbakasyon at magpabasbas rin ng bagong patayong bahay. Oo, malaki ang naipon ng mag-asawa at nakapundar ng sariling bahay at sasakyan.
Imbitado ang pamilya ni Myra noon na pinaunlakan naman din ng mga ito. Nanlaki ang mga mata ng mapanglait na pamilya nang makita ang mala-mansiyon na bahay ni Allan at Myra. Hindi sila makapaniwala na biglang taas ng antas ng buhay ng mga ito.
“Sabi ko ho sa inyo ‘di ba? Ibibigay ko kay Myra ang buhay na nararapat sa kaniya,” sabi ni Allan sa matapobreng pamilya habang tameme ang mga ito.
Nagtapos rin ng pag-aaral si Myra kahit na nahuli nang kaunti at ngayon ay may sariling negosyo na. Lahat ng hirap na tiniis nila noon ay talaga namang napalitan ng malaking pagpapala ngayon.
Ang mga mapanghusgang tao noon at tila naman nahugutan ng dila dahil hindi nila matanggap ang tagumpay na tinatamasa ng taong minamaliit noon.
Parang gulong lamang ang buhay, kung minsan ay nasa baba ka, baka bukas makalawa nasa taas ka. Magsikap lamang at magpursigi, dahil balang-araw, lahat ng pinapangarap mo’y mapupunta lahat sa harapan mo, at taong nangmaliit sayo ay siya namang titingala sa’yo.