Inday TrendingInday Trending
Isang Malakas na Ulan ang Pumigil sa Lalaki Upang Marating ang Nag-iisang Nais sa Buhay; Sumilay pa Kaya ang Liwanag at Maabot Niya ang Inaasam na Pangarap?

Isang Malakas na Ulan ang Pumigil sa Lalaki Upang Marating ang Nag-iisang Nais sa Buhay; Sumilay pa Kaya ang Liwanag at Maabot Niya ang Inaasam na Pangarap?

Madilim ang kalangitan noon nang lumabas si Dave ng bahay upang umalis. Hindi pwede ang kaniyang sasakyan kaya naisip niyang sumakay na lamang ng tricycle, hindi naman din kalayuan ang destinasyon niya.

Kumaway ang lalaki at pumara ng dumaraang tricycle, “Kuya, sasakay po ako!” sigaw niya sa tricycle na dumaan. Maya-maya ay tumigil ito. Agad naman siyang sumakay.

“Saan tayo, boss?” tanong ng drayber.

Bahagyang natawa si Dave at sumagot, “Sa Pangarap po,” ang sagot niya sa drayber habang inaabot ang bayad na pera.

Naisip niya ang mabilis na pagtaas ng presyo ng pamasahe at mga bilihin. Sa kalagayan ngayon ng bansa, hindi talaga pwedeng hindi maglalabas ng pera at mapagastos. May kalayuan kasi ang lugar na iyon, malayo pa ang talaga ang Pangarap. Maari naman lumakad patungo roon, kaso medyo mahaba-habang lakbayin din. Kung walang pera, sipag at tiyaga ang kailangan upang makapunta doon.

Habang nasa byahe ay bigla na lamang umulan ng napakalas. Kasabay ng malakas na ihip ng hangin, nakakagulat ang malalakas na kulog kasunod ng isang maliwanag na kidlat. Dahan-dahang pinatakbo ng drayber ang pagmamaneho upang makaiwas sa posibleng disgrasya.

“Paano na kaya iyan? Makakarating pa kaya ako sa Pangarap?” tanong ni Dave sa kanyiang isipan.

Bumuhos pa lalo ang ulan. Nagpasya ng drayber na huminto sa isang tabi dahil hindi na makita ang kalsada sa sobrang lakas ng ulan.

“Hay!” buntong hininga ng lalaki. Huli na siya sa pupuntahan. May kalayuan pa ang Pangarap na nais puntahan. Napatingin siya sa labas at inilahad ang mga palad. Tinitigan niya ang pagpatak ng tubig sa kaniyang mga palad. Kasunod nito ay ang alaala ng malungkot na nakaraan.

Naalala niya noong panahong estudyante pa lamang siya. Sobra ang pagsisipag niya para sa kaniyang ina may malalang karamdaman. Pangarap niyang maging isang guro tulad ng ina.

Paalis sana siya noon para pumunta sa isang convention nang atakihin ng hika at matinding pag-ubo ang ina. Nakita niyang hirap na hirap ito sa paghahabol ng hininga. Ayaw na sana niyang umalis noon ngunit pinilit pa rin siya ng kaniyang ina na pumunta na doon.

“Ano ka ba naman, anak? Parang ubo lang ito e. Maya-maya ay mawawala na rin ito. Wag ka nang mag-alala pa. Sige na at umalis na! Sayang ang panahon pag pinalagpas mo pa ito,” sabi ng ina at saka ito ngumiti, mga ngiting nagbibigay ng lakas kay Dave.

Habang nasa convention at biglang tumunog ang cellphone ng binata. Medyo hindi na rin kumportable ang mga taong naroroon dahil sa ingay ng tunog nito.

Pagkatapos ng Gawain ay agad na tumawag ang lalaki sa kaniyang ama.

“Tay, kumusta po kayo diyan? Kumusta na po si nanay?” tanong ng binata.

“Anak…” narinig niya ang mabibigat na paghikbi ng ama, “ang nanay mo kasi… iniwan na niya tayo,” napahagulgol naman ang ama matapos sabihin iyon.

Mabilis na tumakbo at lumabas si Dave upang umuwi. Hindi na niya pinansin ang malakas na buhos ng ulan noon. Hindi na niya inintindi kung mabasa at magkasakit siya, ang mahalaga, makauwi siya agad. Pagkarating niya ay agad niyang niyakap ang ang wala nang buhay na ina.

Tila ba bumagal sa pag-ikot ang mundo nang mawala ang in ani Dave. Kasabay noon ay ang paghinto rin ng ninanais na pangarap niya sa buhay.

“Sir, okay ka lang ba diyan?” tanong ng drayber na nagpabalik kay Dave sa ulirat.

“A-ano po iyon?” gulat na sagot ng lalaki.

“Pumapatak rin kasi ang mga luha mo. Masyado bang malungkot ang pagbuhos ng ulan?” muling tanong ng lalaki.

“H-hindi po manong. Napuwing lang po ako kanina,” pagpapalusot ng binata.

“Alam mo ba? Hindi ko rin gusto ang ulan. Maraming pasahero, oo, pero malamig at madalas nagkakasakit ako. Limitado pa ang takbo kaya matagal bago makarating sa paroroonan. Pero kahit ganoon, kailangan pa rin natin ng ulan. Kailangan pa rin ng maraming halaman at mga hayop sa mundo ito,” pahayag ng drayber.

Habang nagsasalita ang drayber ay isang alaala na naman ang muling nagbalik sa memorya ni Dave. Apat na taon na din pala ang nakalipas magmula ng pumanaw ang kaniyang ina. Doon siya nakaramdam ng matinding kabiguan.

Nawalan na siya ng gana na ipagpatuloy ang pag-aaral. Unti-unting nawalan ng linaw na daan na sana’y tinatahak niya. Nawala nang tuluyan ang kaniyang direksyon at ipinag-isangtabi na lamang ang kaniyang pangarap na maging guro, ngunit hindi naman siya hinayaan ng pamilya na malugmok na lamang.

“Anak, may mga panahon na uulanin at babagyuhin talaga ang buhay natin, pero dumarating ito upang tayo ay mas maging malakas. Bumagal man ang takbo, kung ang daan may maging malubak, ituloy mo pa rin ang biyahe patungo sa inaasam na pangarap.

Sigurado na sobrang matutuwa ang iyong ina pag nakita niyang nagpatuloy ka at ipinaglaban mo ang mga pangarap mo kahit na napakaraming pagsubok ang pinagdadaanan mo,” naluluhang pahayag ng kaniyang ama noon.

Maya-maya pa ang biglang bumalik ulit si Dave sa ulirat nang muling magsalita ang drayber ng tricycle.

“Ah, boss, nandito na po tayo sa Pangarap,” ang sabi ng drayber.

“S-salamat po manong! Ingat po!” pagpapaalam ng lalaki sa drayber.

“Kayo din, boss! Hindi naman araw-araw uulan. Tulad nito, dumaan lang, pero kalauna’y muling magpapakita ang liwanag ng araw mula sa kaulapan,” nakangiting sabi ng drayber bago ito umalis.

Sa wakas ay nakarating din si Dave sa Pangarap, ang kaniyang Pangarap…

“Teacher Dave, nandiyan na po pala kayo. Kanina pa po nag-iintay ang mga estudyante!” bati ng kapwa niya guro.

Nakapagpatayo kasi si Dave ng isang paaralan para sa mga grade schooler na tinawag niya “Pangarap Montessori School” na kaniyang inaalay para sa pumanaw na ina.

Kagaya ni Dave, lahat tayo ay dumaan din sa isang malakas na bagyo ng buhay. Dumating din tayo sa pagkakataong nais na nating sumuko, pero laging tandaan na sa pagdaan ng ulan, muling sisilay ang liwanag ng pag-asa sa kalangitan.

Advertisement