Inday TrendingInday Trending
Pilit Ikinukubli ng Babae ang Kalahati ng Kaniyang Mukha; May Matinding Lihim Palang Nagtatago Doon

Pilit Ikinukubli ng Babae ang Kalahati ng Kaniyang Mukha; May Matinding Lihim Palang Nagtatago Doon

Lumaki na sobrang mahiyain si Lavinia. Mas pipiliin pa niyang magkubli na lamang sa loob ng bahay kaysa lumabas ang makihalubilo sa ibang mga bata. Natatakot siya siya na katakutan o pagtawanan ng mga kalaro.

Natanaw niya sa kalsada ang grupo ng mga batang naglalaro. Naisipan niyang pumunta roon at subukang makipagkilala. Tinakpan niya ang kalahati ng mukha gamit ang itim na itim na buhok.

“Hello!” sabi ni Lavinia sa mga bata.

“Sino ka? Bakit parang ngayon ka lang naming nakita?” tanong ng isang batang babae.

“Ngayon lang kasi ako nakalabas ng bahay. Gusto niyong maglaro?” tanong ng batang babae.

Tumango at ngumiti ang mga bata nang biglang umihip ang napakalakas na hangin noon dahilan para mahawi ang buhok na nagkukubli sa kalahati ng mukha ni Lavinia.

Nagsigawan at nagtakbuhan ang mga bata dahil nakita ang malaking peklat na dulot ng pagkasunog sa mukha ni Lavinia. Umiyak ang ibang bata sa sobrang takot, maliban sa isang batang lalaki.

“Ikaw, hindi ka ba aalis? Hindi ka rin ba tatakbo?” galit na tanong ni Lavinia.

“Hindi. Wala naman nakakatakot sa’yo e. At saka kilala kita…”

“Umalis ka na rin! Ganiyan naman kayo!” umiiyak na sabi ng batang babae.

“Alam ko kung bakit mayroon ka niyan sa mukha. Pero hindi mo dapat ikahiya iyan. Eto o paborito kong chocolate. ‘Wag ka nang umiyak ha?” inabot ng batang lalaki ang tsokolate at saka yumakap sa batang babae. “Uuwi na ako ha? Baka hinahanap na kasi ako ng mommy ko. ‘Wag ka na ulit iiyak ha?!” kumakaway na umalis ang bata.

Lumipas pa ang mga araw, umaasa ulit si Lavinia na masilayan ang batang lalaki na nakilala kahapon, ngunit bigo siya. Walang kahit na anino man lang ng lalaki ang lumitaw. Hanggang sa lumipas ang panahon at nagdalaga na si Lavinia.

Sa lumang parke kung saan laging pumupunta si Lavinia at nakita niya ang isang sketchpad. Marahil ay naiwan ito ng may-ari. Marahang binuklat ng dalaga iyon upang makita kung ano ang laman.

Pagbuklat niya ay agad bumungad sa kaniya ang larawang pamilyar na pamilyar sa kaniya. Nagpatuloy siya sa pagbuklat at nakita niya ang malaking larawan ng babae na nakakubli ang kalahati ng mukha. Ang sumunod na pahina naman ay mayroong iginuhit ng larawan ng isang babae may malaking peklat sa mukha.

Biglang nagbalik ang alaala ni Lavinia sa lalaking nakilala noong bata pa siya. Sa huling pahina ay may nakaipit ng balat ng tsokolate na gaya ng ibinigay sa kaniya ng batang lalaki mayroon din na nakaguhit ng larawan ng isang lalaki sa pinakang likod na may nakalagay na pangalang “Ivan.”

Kinabukasan, nagtungo si Lavinia sa parke upang doon hintayin kung babalik ang lalaking may-ari ng sketchpad.

Maya-maya pa’y nasilayan niya ang lalaking kamukhang-kamukha ng nasa larawan. Tinakpan ni Lavinia ang kalahati ng mukha at saka ngumiti.

“Sir, ito po bang sketchpad ang hinahanap ninyo?” tanong ng dalaga.

“Oo, iyan nga ‘yung hinahanap ko, miss! Buti nakita mo,” sabi ng binata.

Sinilip muli ni Lavinia ang larawan ng lalaki sa sketchpad para makasiguro.

“A-ako nga iyan, miss. Ako si Ivan,” pagpapakilala naman ng lalaki.

“Ikaw ba ang gumuhit niyan?” tanong ng babae.

“Oo, ako nga. Bakit mo pala natanong?”

Humangin ng malakas noon at muling nahawi ang buhok sa mukha ng babae. Lumitaw muli ang malaking peklat na naiwan sa mukha nito.

“Parang mukha ko kasi nakita kong nakaguhit diyan, kung hindi ako nagkakamali,” sabi ng babae.

Ngumiti lamang ang lalaki ngunit hindi nagsalita.

“Kilala mo pa rin ba ako?” tanong ni Ivan.

“I-ikaw ba ang batang nagbigay ng tsokolate sa akin noong bata pa tayo?”

Tumango lamang ang lalaki. “Iyon lang ba ang natatandaan mo?”

“M-may iba pa bang dapat?” naguguluhang tanong naman ng babae.

“Mukhang hindi mo na nga matandaan pa… naalala mo ba noong nasunog ang school natin noon bata pa tayo? Naiwanan ako sa loob ng classroom noon, ikaw yung matapang na babaeng bumalik sa loob dahil narinig mong umiiyak ako no’n.

Niyakap mo ako at hinila ako palabas ng classroom. Hindi naman sinasadyang nabagsakan ang kalahati ng mukha mo ng lumiliyab na kahoy, pero hindi mo ininda iyon. Hinila mo pa rin ako at sinagip,” kwento naman ni Ivan.

Parang kidlat naman na bumalik ang memoryang iyon ni Lavinia. Naaalala na niya ang bawat detalye noong araw na iyon at ang tunay na dahilan kung bakit sunog ang kalahati ng mukha niya.

“Naiintindihan ko na…” sabi ng dalaga. “B-bakit iginuguhit mo pa rin ako?”

“Kailangan ko upang hindi ko makalimutan ang babaeng pinangako kong papakasalan ko. Magmula nang iligtas mo ako, sinabi ko sa sarili ko na ikaw ang gusto kong pakasalan. Nadala ko ang pangakong iyon hanggang sa magbinata ako.

Pagkatapos kasi noong araw na binigyan kita ng tsokolate, umalis na kami para lumipat ng bahay, hindi man lang ako nakapagpaalam. Pero narito na ako ngayon,” pahayag pa ng binata.

“H-hindi ako maganda. Ikahihiya mo lang ang mukha na mayroon ako,” naluluhang saad naman ni Lavinia.

Lumapit si Ivan at saka marahang hinawi ang buhok ni Lavinia. Hinalikan niya sa noo ang dalaga at saka niyakap.

“Mas maganda ka kapag ganito,” sabi ni Ivan. “Bigyan mo ako ng pagkakataon na patunayan ang sarili ko.”

Tumango lamang si Lavinia at ngumiti. Matagal na panahon din niyang inasam na makatagpong muli ang batang nakilala noon. Pero higit pa pala roon ang dahilan niya, dahil una pa lamang, konektado na talaga ang kanilang tadhana.

Pagpapatunay lamang na ang pagiging matapang ay ang pagtanggap sa sariling kahinaan. Ngayon, masayang nagmamahalan sina Ivan at Lavinia. Hindi naman na rin nahihiyang ipakita ang dalaga na ipakita ang malaking peklat sa mukha dahil pagpapatunay iyon ng kaniyang katapangan noong sila ay bata pa.

Advertisement