Inday TrendingInday Trending
Pilit Pinaghiwalay ang Magkasintahan Dahil Ayaw ng Pamilya ng Babae sa Nobyo Nito; Kahit na sa Kabilang Buhay ay Hindi pa rin Huminto ang Lalaki na Umibig sa Naiwang Minamahal

Pilit Pinaghiwalay ang Magkasintahan Dahil Ayaw ng Pamilya ng Babae sa Nobyo Nito; Kahit na sa Kabilang Buhay ay Hindi pa rin Huminto ang Lalaki na Umibig sa Naiwang Minamahal

Nagtapos ng kursong Business Administration si Jona. Agad siyang nakakuha ng trabaho sa isang kompanya sa Maynila na pasok sa kaniyang kwalipikasyon. Sa trabaho rin niya nakilala ang officemate na si Perry. Halos sampung taon ang tanda ng lalaki, ngunit hindi naging hadlang ang edad upang maging magkaibigan ang dalawa.

Mabait at mapagmahal si Perry, at idagdag pa rito ang pagiging gwapo at romantiko. Sa murang edad ay siya ang naging breadwinner ng pamilya. Katuwang siya ngayon ng kaniyang ama sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.

Mas naging malapit pa sina Jona at Perry, hanggang sa tuluyan na nga silang nahulog sa isa’t isa.

“J-Jona, sorry, pero mahal na kasi kita. Hindi ko naman sinasadya, pero nahulog na ako sa’yo,” pagtatapat ng binata na pulang-pula ang buong mukha.

Natawa naman si Jona sa naging rekasyon ng binata. “Mahal din kita at hindi mo kailangan mag-sorry, okay?” nakangiting sabi ng dalaga. Iyon ang naging simula ng matamis nilang pagmamahalan.

Ilang buwan rin ang nakalipas, ipinakilala na ni Perry si Jona sa kaniyang pamilya. Gustong-gusto ng pamilya ni Perry ang dalaga. Bukod sa maganda, mabait, at mapagbigay kasi ito. Sa madaling salita, wala nang hahanapin pa.

Ipinakilala rin ni Jona si Perry sa pamilya, ngunit hindi maganda ang naging resulta nito. Hindi pabor sa binata ang ama at ina ng dalaga.

“Makakahanap ka pa ng mas maayos, mas bata, mas mayaman at hindi parang dagang nag-iintay lang hulugan ng keso sa ilalim ng lamesa. Makipaghiwalay ka na!” galit na sabi ng ama ni Jona.

Kahit na ayaw ng magulang, sinunod pa rin ni Jona ang puso at ipinagpatuloy pa rin niya ng palihim ang relasyon sa lalaki. Makalipas ang dalawang taon, sinorpresa ni Perry ang nobya ng isang romantic date kung saan dito rin nagpropose ang lalake. Dahil sa sobrang pagmamahal naman ni Jona ay walang alinlangan naman itong sumagot ng “oo.”

Ibinalita ni Jona ito sa pamilya sap ag-aakalang kaya nang tanggapin ng mga ito ang kaniyang desisyon, subalit nagkamali siya. Ikinulong ng pamilya ang babae sa loob ng bahay at hindi na pinalabas pa. Pinilit nilang mag-resign ang dalaga sa trabaho dahil hindi naman daw kailangan ni Jona iyon. Mayaman na kasi ang pamilya, pero mas gusto ng dalaga na kumayod at kumita para sa sarili.

“Tama na ang paglalaro, Jona! Ikaw na ngayon ang hahawak ng negosyo natin. Magpapakasal ka sa isa sa mga anak ng business partners natin at hindi na mababago iyon! Maging praktikal ka at hindi ta*nga na puro puso ang pinapairal!” saad ng ama ni Jona.

Hindi rin naman nakaligtas si Perry doon. Pinagbantaan ng magulang ng babae ang buhay ng pamilya ni Perry kung hindi ito titigil sa pakikipagrelasyon sa dalaga.

“Akala niyo ba hindi naming alam? Ngayon, hindi mo na makikita si Jona. Ikaw ang panira sa magandang plano namin para sa kaniya. Isang beses ko pang malaman na nakikipagkita ka sa anak ko, ipapahanap kita at ang pamilya mo sa kahit saang sulok ng mundo at ako mismo ang papat*ay sa inyo. Naiintindihan mo? Isang bala ka lang… Isang bala lang kayo!” pagbabanta ng ama ni Jona.

Hindi makaimik si Perry at tila ba naistatwa. Gulong-gulo na ang isipan niya at hindi na alam ang gagawin. Mahal na mahal niya si Jona pero buhay ng pamilya niya ang nakasalalay… Ano ba ang dapat pipiliin niya?

Dahil sa pananakot ng ama, ginawa ni Jona ang lahat naisin nito at nagpokus sa Negosyo ng pamilya. Habang abala muli ang dalaga sa negosyo, nakakuha siya ng text mula sa kapatid ni Perry.

“Pumanaw na po si Kuya Perry kagabi.”

Gulat na gulat si Jona sa nabalitaan, kaya tumawag kaagad siya:

“A-anong nangyari? Totoo ba iyan?” naiiyak na tanong ng babae.

“Opo. Walang araw na hindi siya umuuwing lasing. Madalas naaabutan nalang namin siya na natutulog na sa may hagdanan. Ate… alam mo ba? Ssimula nang maghiwalay kayo hanggang sa mga huling oras ng buhay niya ay ikaw ang hinahanap niya? Halos parang nasisiraan na siya ng bait dahil oras-oras niyang binabanggit na mahal na mahal ka niya,” kwento ng kapatid ni Perry.

Hindi na makasagot si Jona. Umiyak na lamang siya ng umiyak dahil sa halong-halong emosyong nadarama.

Kahit sa mga huling sandali ni Perry dito sa mundo, hindi pa rin pinayagan si Jona ng magulang na pumunta sa burol ng lalake. Tahimik na nagluksa si Jona sa kaniyang kwarto habang ipinagdarasal ang kaluluwa ng kaniyang minamahal. Minsan nga ay umaabot na rin si Jona sa puntong kinukumbinsi niya ang sarili na hindi pa totoong pumanaw si Perry.

Laging tulala si Jona at hindi kumakain o lumalabas man lang ng kwarto. Kahit magulang niya ay walang magawa. Minsan ay bigla-bigla na lamang sumisigaw ang babae at saka iiyak ng malakas. Parang bang nawawala na rin siya sa katinuan.

Makalipas ang isang taon, nagpakita si Perry sa kaniyang panaginip. Saktong pagtapat ng alas dose, oras ng birthday ni Jona. Sa panaginip niya, naroon sila sa restaurant kung saan nagpropose si Perry. Biglang lumabas daw doon si Perry na may kakaibang ilaw na bumabalot dito.

“Perry b-buhay ka! Tama nga ako… buhay ka pa…” wika ni Jona.

“Mahal… kailangan mong tanggapin na wala na ako. Wala na ako, pero hindi ibig sabihin nito ay iiwan kita ng mag-isa. Lagi kitang sasamahan, mananatili ako sa tabi mo. Pangako. Babantayan kita palagi,” sagot ni Perry na para bang bawat salita ay yakap na bumabalot sa katawan ni Jona.

“Patawarin mo ako, Perry… Nawalan ako ng lakas ng loob na ipaglaban ka, na ilaban ang pagmamahalan natin…” paghingi ng tawad ni Jona.

Tumayo si Perry at hinalikan ng matamis si Jona. Halik na punong-puno ng pagmamahal. Sa gitna ng yakap at halik ng dalawa ay may boses na tumawag kay Perry.

“Kailangan ko nang umalis, Jona… Kailangan ko nang magpalaam. Hindi na ako kabilang sa mundong ito kaya patawarin mo ako,” paalam ni Perry.

“’W-wag muna. P-paano na ako?” pagsusumamo ng babae habang hawak ng mahigpit ang kamay ng minamahal.

“Lagi kitang sasamahan, lagi kitang babantayan. Iintayin kita doon at huwag na huwag mong kakalimutan na mahal na mahal kita. Kailangan mo na akong pakawalan, Jona. Kailangan mo nang umusad at maging masaya ulit. Mag-iintay ako, pangako. Hanggang sa muli, mahal ko…”

Sa huling pagkakataon ay hinalikan ni Perry ang noo ni Jona at lumakad na papalayo. Walang magawa ang babae kung hindi ang lumuha na lang. “Mahal na mahal din kita. Paalam, Perry… darating din ako diyan balang-araw para muli kang katagpuin…”

Bigla namang nagising si Jona na humahagulgol. Basang-basa na ang unan niya sa dami ng luhang iniyak. Hindi maipaliwanag ni Jona, pero sigurado siyang dinalaw siya ni Perry at kinausap siya nito. Ramdam pa rin niya ang mga braso na tila ba nakayakap sa kaniya, malamig ang paligid at amoy sampaguita, ang paboritong bulaklak ni Perry.

“Magiging ayos na ako, Perry. Pangako… Maaari ka nang magpahinga. Magkikita rin tayo balang-araw. Mahal na mahal kita…” sambit ni Jona. Pagkatapos sambitin ay unti-unting naglaho ang amoy ng bulaklak at unti-unti na rin nawala ang panlalamig sa paligid.

Sa tuwing nakakaranas ng problema o kalungkutan at bigla na lamang umaamoy sampaguita. Marahil pagpapaalala iyon ni Perry sa dalaga na nariyan lamang siya. At kahit na nasa kabilang buhay ay ipaparamdam niya ang pagmamahal sa dalaga

“Sa susunod na buhay, pangako, itutuloy natin ang naudlot na pagmamahalan. Hintayin mo lamang ako, mahal ko…”

Advertisement