Palpak sa Pagluluto at Malayong-Malayo sa Pagiging Perpektong Ina ang Ginang na Ito; Nakakaiyak Pala ang Tunay na Saloobin ng Anak Niya Dahil Doon
Kauuwi lamang noon ni Albert nang madatnan niya na natutulog na ang ina sa tumba-tumba habang naghihintay sa kaniya. Mukhang pagod ito sa maghapong gawain sa bahay.
Umupo ang lalaki sa tabi ng matanda at pinagmasdan ang maamong mukha nito. Kahit may edad na, bakas pa rin ang gandang taglay ng ina sa mga nagdaang panahon. Hinawakan niya ang kamay ng ina, at saka pinakiramdam ang magaspang na palad nito, pagpapakita kung gaano kasipag ang ina niya noon.
Iniiwasan ni Albert na makagawa ng ingay upang hindi magising ang ina. Bahagya siyang natawa nang hindi mawarian kung Afritada ba o Mechado o Chicken Curry ang nakahain sa lamesa.
“Ang nanay ko talaga, tumanda na pero hindi pa rin marunong magluto,” natatawa bulong sa sarili ng binata.
Habang kumakain ay minasdan niyang muli ang tulog na tulog na matanda mula. Napapangiti siya kapag naaalala ang mga pinagdaanan nila noon. Hindi naging madali ang buhay nila, pero kinaya nila ang napakaraming problema ng magkasama.
Hindi perpekto ang kaniyang ina. Napakalayo nito sa konsepto ng pagiging perpekto. Hindi ito magaling magluto at hindi rin marunong magplantsa. Kung hindi sobrang alat, minsan akala mo’y minatamis ang ulam nila.
Hindi perpekto ang kaniyang ina. Hindi rin siya nito nabigyan ng marangyang buhay. Hindi kasi ganoon kalaki ang kinikita nito sa mga sideline. Pero tandang-tanda niya na ‘di pa man sumisikat ang araw ay umaalis na ito upang kumita ng pera.
Aalis itong tulog pa ang anak, at babalik naman ng bahay na tulog na rin ito. Halos sa labas na nakatira ang babae dahil sa pagkayod. Mabuti na lamang at marunong sa mga gawaing bahay ang anak.
“Kung hindi kasi ako magpapakakuba sa trabaho, wala tayong kakainin. Kung hindi ko ako kakayod, wala kang matatapos. Ayokong matulad ka sa akin,” parating sinasabi ng ginang sa tuwing ito ay magsesermon sa anak.
Nakaramdam ng kaunting sama ng loob si Albert noon sa kaniyang ina. Sa tuwing recognition at graduation kasi ay hindi ito nakakadalo.
Magsimula nang maghiwalay ang mga magulang, ilang lalaki na rin ang dumaan sa buhay ng kaniyang ina. Hindi na talaga mabilang. May eksena pa nga na tumungga na ito ng multivitamins sa pag-aakalang matatapos nito ang buhay niya.
“Ano ba naman kayo, ‘nay?! Lalaki lang magkakaganiyan pa kayo? Tara, mag-inom na lang tayo!” biro ni Albert upang mapatawa ang ina.
“Hoy Albert, gusto mo lang makalibre gagamitin mo pa pagka-broken hearted ko para maka-alak!” umiiyak na sagot noon ng ginang.
“Gusto ninyong makalimot ‘di ba? Akin na ang pera at bibili na ako!” pagpupumilit pa ni Albert noon.
Hindi man madalas na magkasundo sa mga bagay-bagay, sa tuwing humihingi naman ng payo ang babae sa anak ay sinusunod naman nito agad. Pag sinabi ni Albert na ‘ayaw niya sa lalaki ng kaniyang ina’ ay hindi naman nagdadalawang-isip ang ginang na hiwalayan ito.
Dumating ang panahon na si Albert naman ang natutong magmahal at masaktan.
“Sa’yo talaga ako nagmana, ‘nay!” biro ng binata sa kaniyang ina.
“Ayos lamang iyan, anak. ‘Di siguro talaga kayo nababagay nung maharot na iyon! Makakahanap ka pa ng mas maayos kaysa doon sa mukhang askal mong ex,” natatawang sabi ng ginang.
Pagkatapos noon, nagkaroon mulit ng bagong karelasyon si Albert na isang chinita. Kinabog pa niya ng kaniyang ina sa sobrang pagkakilig sa bagong buhay pag-ibig. Hindi naman naglaon ay nagkahiwalay din sila.
“Hayaan mo na iyon, anak! May mas maganda ka pang makikita kaysa doon. Mukhang duwende sa hardin naman iyon e,” saad ng kanyang ina habang nagbubukas ng alak noon.
Isang beses pa ay sinabihan na siya ng kanyang ina tungkol sa bagong nililigawan, “alam mo ‘nak, parang ‘di ko bet yung nililigawan mo ngayon. Parang may pagkamalandi e.”
Pero binalewala niya ang sinabi na iyon ng ina. At ayun nga, niloko nga siya ng babae at ipinagpalit siya sa may kotseng. Tinapik lamang siya ng kaniyang ina at saka yumakap nang mahigpit.
“Sabi ko naman sa’yo anak, e. Mali ka talaga ng pinili,” mahinang bulong nito sa kaniya.
Pasaway man ang ginang, pero para sa kay Albert, wala nang mas hihigit pa kaysa dito. Kaya nitong sumabay sa mga gimik, sayawan, kahit sa pormahan at gala.
Sa kabila ng hindi pagiging perpekto ng kaniyang ina, tinuruan naman siya nito na maging responsible sa buhay. Ngayon ay mas nauunawaan niya ang mga naging sakripisyo nito para sa kaniya.
Kahit na mag-isa ay nakaya nitong itaguyod siya at mapagtapos. Napalaki siya ng maayos at may pagmamahal at respeto sa magulang, maging sa kapwa. Nasaksihan niya kung kailan malakas at mahina ang kaniyang ina.
Sa kabila ng lahat ng ito, kailanman ay hindi siya nagduda sa kakayahan nitong maging isang mabuting ina. Hindi siya pinabayaan at hindi rin ginutom.
Tumayo si Albert at lumapit muli sa natutulog na ina. Ngumiti siya at humalik.
“Mahal na mahal kita, nay. Salamat sa lahat,” mahinang sabi ni Albert.
Bigla naman nagmulat ang kaniyang ginang at sumagot ng nakangiti, “mahal na mahal ka rin ni nanay, anak ko.”
“Lasang minatamis na naman ‘yong ulam, ‘nay!” natatawang sabi ng lalaki.
“E alam mo naman, puro ganda lang si nanay pero walang talent sa cooking. It’s the thought that counts naman! Choosy pa!” biro ng ginang at sabay silang nagtawanan.
Hindi man perpekto ang ina, at hindi man perpekto ang lasa ng mga luto nito, hinding-hindi siya mauumay sa tamang timpla ng pagmamahal at kalinga na parating ibinibigay sa kaniya ng mapagmahal at mapag-arugang ina. Wala talagang tutumbas pa sa pagmamahal at pag-aalaga ng isang ina, ito ang pinakapuro at pinakatotoong anyo ng pagmamahal