Inday TrendingInday Trending
Akala mo Hari ng Kalsada Kung Magmaneho ang Kaskaserong Drayber na Ito; May Malaking Aral Palang Iiwan ang Isa Niyang Pasahero Dahil Doon

Akala mo Hari ng Kalsada Kung Magmaneho ang Kaskaserong Drayber na Ito; May Malaking Aral Palang Iiwan ang Isa Niyang Pasahero Dahil Doon

Kaskasero kung magpatakbo ng mimanehong jeep si Joey. Tila ba lumilipad ang sasakyan pati na ang mga taong sakay nito sa tuwing nasa kalsada siya. Iyon kasi ang maling nakasanayan ng lalaki sa ilang taon niya pamamasada.

Dahil sa pagmamadaling makauwi at maka-boundary, dinaig pa ng lalaki ang pagiging haro ng kalsada kung humataw sa pagmamaneho.

Sa pangit na pamamaraan ng pagmamaneho ay minsan nang nasangkot si Joey sa isang malalang aksidente. Madalas rin siya mahuli dahil sa overspeeding at sa napakarami pang bayolasyon.

Gabi na noon at talagang pinipilit ni Joey na kumita ng malaki nang maisakay niya ang isang pamilyar na mukha sa kaniya, si Edgar.

Kababata niya si Edgar at pinakamatalik na kaibigan. Talaga malapit na malapit sila sa isa’t isa na parang bang tunay silang magkapatid. Pero lahat ay nagbago nang sumama sa ibang grupo ng barkada si Joey ay naiwan si Edgar na mag-isa na lamang. Naging masama ang impluwensiya ng bagong barkadang iyon ni Joey.

“Joey! Akalain mo nga naman! Kumusta ka?” bati ni Edgar.

“Eto puro pasada. Mahirap ang buhay at kailangan kumita e,” sagot naman ni Joey habang nagpupunas ng pawis sa panyo na nakasabit sa balikat.

Tumango lamang si Edgar at pumikit. Nagsimula nang magmaneho si Joey at tulad ng dati, lumilipad na naman sa bilis ang sasakyan.

“Pare, baka pwede mong bagalan nang kaunti ang pagmamaneho, ‘di naman siguro tatakbo ang bahay mo paalis, makakauwi ka pa rin,” biro ni Edgar.

Napatingin lamang sa salamin si Joey at saka nagmaneho ulit. Talagang kaskas kung magpatakbo ng sasakyan ang lalaki at nakikipagkarera pa sa mga jeep na kasabayan. Kailangan niyang maunahan ng mga ito sa pasahero.

“Pare, may bata at matanda kang sakay, baka gusto mong bagalan naman nang kaunti,” sabi pang muli ni Edgar.

Tila ba naasar si Joey sa narinig. “Alam ko ang ginagawa ko!” sagot nito sa dating kaibigan.

Nagsimula nang bumaba ang mga pasahero kaya mas binilisan pa ng Joey ang pagpapatakbo upang makakuha pa ng ibang nag-iintay, ngunit dahil sa pagmamadali ay muntik na siyang makasagasa ng bata.

“Diyos ko po!” sigaw ng mga tao sa likuran.

“Manong, para ka naman kasing hinahabol ng pulis kung makapagmaneho ka!” sigaw ng babaeng may kargang bata sa jeep.

“Pare, sinabihan na kasi kita kanina. Bakit ka ba nagmamadali? Muntikan ka pang makasagasa tuloy,” wika pa ulit ni Edgar.

“May anak at asawa akong kailangan buhayin. ‘Di mo maiintindihan…” galit na saad ni Joey.

“Hindi ba’t mas matinding dahilan iyon para mag-ingat ka? Kasi may pamilyang nag-iintay sa’yo?” saad naman ni Edgar.

Napatihimik lang si Joey at sumimangot. Mas pinabilis pa nito ang takbo ng sasakyan hanggang sa maubos na ang pasahero at si Edgar na lamang ang natira.

“May problema ka ba sa akin, Edgar? Bakit kanina mo pa ako pinapakialaman?”

“Dahil hindi tama ang ginagawa mo, pare. May mga buhay kang dala-dala at may pamilya kang umaasa sa’yo. Hindi mo ba naiisip na mali ang pamamaraan mo?” tanong ni Edgar.

“Alam mo nakatapos ka lang ng pag-aaral ang yabang mo na. Nawala ka lang rito ng matagal tapos pagbalik mo akala mo kung sino ka na? At saka pulis ka ba para pagsabihan ako?” galit na pahayag naman ng drayber.

“Oo, pulis nga ako. Ngayon pa lang puwede na kita hulihin e! Sana ayusin mo naman. Nakita mo yung kanina? Yung bata na muntik mo nang masagasaan, gusto mo bang maulit na naman ‘yung nangyari noon?!” sigaw ni Edgar.

Napapreno naman si Joey sa narinig.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ng drayber.

“Halos sampung taon na ang nakakalipas nang may mabangga kang bata ‘di ba? Masyadong mabilis rin ang takbo mo noon at hindi mo nakita ang bata dahil sa bilis ng takbo mo…”

“Bakit mo alam iyon?”

“Dahil anak ko ang nabangga mo, Joey. Anak ko ang batang nawalan ng buhay dahil sa maling pagmamaneho mo!” sigaw ni Edgar.

Nanlaki naman ang mga mata ni Joey at tila ba hindi makapaniwala.

“P-pero… paano?” tumigil si Joey sa isang tabi at saka napayuko sa manibela.

“Takot na takot ka nang araw na iyon. Halos mawala ka sa ulirat dahil ang kaskas mong pagmamaneho at ikaw mismo ang dahilan kung bakit nawalan ng buhay ang inosenteng anim na taong gulang at wala pang kamalayan sa mundo.

Naroroon rin ako na katulad mo, umiiyak. Masakit.. masakit sa akin na mawalan ng anak, at mas lalo pang masakit sa akin nang makita kong ikaw ang nakasagasa sa anak ko.

Hindi kita kinausap. Pinabayaan ko nang batas ang magpataw ng parusa sa’yo. Nakulong ka ng ilang buwan pero nakalaya dahil sa malaking perang inutang ng asawa mo parang lang may ipang-piyansa ka.

Matapos noon, hindi na kita kinasuhan pa. Inalala ko pa rin ang pagkakaibigan na mayroon tayo, hindi na rin naman maibabalik ang buhay ng anak ko. Isa pa, may anak kang maliit pa rin noon, ayokong lumaki siyang walang ama.

Labis ang lungkot ko dahil matapos ng aksidente, nababalitaan ko napakarami mo pa ring bayolasyon na para bang wala kang natutunan. Masakit pa rin sa akin ang lahat…” naluluhang kwento ni Edgar.

Napaiyak naman si Joey sa nalaman. Kahit siya ay hindi rin matanggap na sa anak pa ng matalik niyang kaibigan nagawa ang masakit na pangyayaring iyon.

“Hindi ko alam kung gaano kasakit ang nararamdaman mo, pero humihingi ako ng kapatawaran. Alam kong malaki ang hinihingi ko at hiyang-hiya ako sa’yo, pero sana magawa mo pa rin na mapatawad ako. Patawad, Edgar…” umiiyak na saad ni Joey.

“Napatawad na kita sa nagawa mo noon, pero sana ay magbago ka at matuto sa kamaliang nagawa mo noon at sa kamaliang ginagawa mo pa rin ngayon.

Isama mo na lang ako sa dalangin mo at ipagdasal na tuluyang maghilom ang sugat ng mapait na nakaraan. May pamilya kang nag-iintay, ‘wag mong hayaang mawalan sila ng haligi ng tahanan dahil lamang kailangan mong maka-boundary nang maaga. Mas higit ang buhay kaysa pera at mas matimbang ang pamilya sa kahit anuman sa mundong ito.

Ingat ka na lamang palagi, pare! Sana sa susunod na pagkikita natin, ayos na ang lahat,” wika pa ni Edgar. Tinapik-tapik nito sa balikat ang drayber saka bumaba ng jeep na sinasakyan.

Namamaga na ang mga mata ni Joey sa sobrang pagtangis. Tama nga naman ang dating kaibigan sa lahat ng sinabi nito.

“Diyos ko, patawad po sa lahat. Nawa’y mapatawad rin ako ng mga taong nagawaan ko ng mali,” dalangin ni Joey.

Simula noon maingat na umuwi si Joey. Nakatitig lamang siya habang bumabagsak ang mga luhang humihingi pa rin ng kapatawaran.

Naging maingat na ang drayber sa pagmamaneho magmula nang malaman ang mapait na katotohanan. Kailangan niyang magbago upang hindi na muling maulit pa ang nakaraan.

Sobra rin ang pasasalamat sa puso ni Joey na kahit hindi maganda ang nangyari, nagkaroon ng puwang sa puso ni Edgar na patawarin siya. Kaya’t tuwing gabi, isinasama niya sa panalangin ang dating kaibigan at pamilya nito, iyon ang pinakamagandang bagay na magagawa niya para rito.

Advertisement