
Grabe Kung Manggipit ang Babaeng Ito sa mga may Utang sa Kaniya; Tirik ang Mata Niya nang Karma na ang Maningil
Matunog ang pangalan ni Aling Teresita sa mga tao sa kanilang. Kilalang-kilala siya dahil siya ang nilalapitan ng mga nagigipit. Nagpapatubuan kasi siya at nagpapautang doon.
Madali man utangan, pero ubod ng sama ang ugali ng babae. Grabe kasi kung magpatong ito ng tubo. Halos kalahati ng inutang ang patong sa tuwing may lalapit rito. Ang malala pa rito, kaltas kaagad ang tubo kapag ipapahiram na ang pera.
“Aling Teresita, makikiusap lang sana po ako na pagbigyan niyo pa kami. Kaunting palugit lang po hanggang sa makaipon po kami ulit ng pera pambayad,” haplit na pakiusap ng isang babae.
“Ang kapal din naman ng mukha ninyo ano? ‘Pag mangungutang malakas ang loob, pag singilan na mga tiklop na ang bibig! E pasensiyahan tayo, ‘di ako tumatanggap ng pakiusap. Kung ganiyan kayo, magpapahugot ako ng mga gamit sa loob ng bahay ninyo bilang pambayad.
Sa bawat buwan na hindi kayo magtutubo, mga gamit ninyo ang kapalit. Naintindihan mo?!” sigaw ng mataray na babae.
“Wag naman po sanang umabot sa ganoon. Kailangan rin po namin ang mga kagamitan namin. Maawa naman na po kayo sa amin. May sanggol pa po ako na pinapadede.”
“Wala akong pakialam. Kukunin ko ang gusto ko. Para matuto ang makakapal na tulad ninyo! Hampaslupa!” pangmamaliit pa ni Aling Teresita.
Kinuha nga ng matabang si Aling Teresita ang mga appliances ng kawawang mangungutang. Pati electric fan na ginagamit ng sanggol ay kinuha rin niya. Pero walang magawa ang mga naaapi dahil malaki ang utang nila rito.
Dahil sa mga tubo ng tao ay palaki nang palaki ang pera ni Aling Teresita. Ang nasisingil niya bawat araw ay sapat na para mabuhay siya sa loob ng isang buwan. Ang bodega naman niya ay puno ng mga binatak na appliances at mga gamit.
Kaawa-awa na ang mga tao dahil nasisira at nabubulok lang naman ang mga gamit na binabatak niya mula sa bahay ng mga mangungutang.
Nagtungo sa palengke si Aling Teresita upang maningil ng utang doon. Sa palengke kasi ang may pinakamarami niyang kostumer. Ang mga tindera doon ay umuutang sa kaniya pangbanto at pangdagdag sa negosyo.
“Aling Cela, maniningil ako ng tubo sa’yo!”
“Nako, Aling Teresita, wala pa po akong sapat na kita e. Medyo mahina po ang benta ngayon kaya kung okay lamang sana na ipaabot ko na lang kapag naipon ko na po,” saad ng matandang tindera doon.
“Ganoon ba? Hoy, tanda! Gusto mo bang ipasipa kita paalis rito sa puwesto mo ha? Ang tanda mo na sinungaling ka pa!” galit na bulyaw ni Teresita.
“Hindi rin po kasi sasapat ang kita ko. Nasa ospital pa ang anak ko dahil nagkasakit po. Baka puwede po na bigyan niyo ako ng kaunting panahon, magbabayad rin po ako,” pakiusap pa ng matanda.
“Ay hindi pwede! Sumusobra naman ata kayo. Kung ayaw ninyo, lahat ng baboy na tinda niyo ay kukunin ko na. Akala mo uubra iyang mga drama ninyo sa akin. Mga palamara at makakapal ang mukha!” sigaw pa ng babae.
“’Wag naman po. Kailangan rin po namin kumita. Parang awa ninyo na!” naluluhang pagmamakaawa ng matanda.
“Wala akong pakialam! Hindi ka magbabayad, puwes akin na lahat ito. Subukan mong umangal, bukas wala ka na sa puwesto mo na ‘to!” pagbabanta pa ng swapang na nagpapautang.
Tiningnan ng matandang babae si Aling Teresita. Mamahalin ang bag nito, maganda ang cellphone, tadtad ng alahas ang katawan at sosyalin ang damit. Mataba rin ito kaya paniguradong hindi ito nagugutom.
Bakit kaya ganoon na lang ito kung manggipit sa pera? Ganoon na ba talaga kasakim ang tao sa pera? Bakit ‘pag pera na ang usapan, wala silang pakialam sa kapwa nila?
“S-sige ho. Kunin na ninyo lahat ng paninda ko, ‘wag lamang ninyo kaming palayasin sa puwesto namin,” malungkot na saad ng matandang tindera.
“Good! Kung kanina ka pa sumagot ng ganiyan, e ‘di wala na sana problema. Madali ka naman palang kausap.”
Pumapatak ang mga luha ng matanda habang minamasdan si Teresita na ngiting-ngiti habang kinukuha ang mga karne ng baboy na paninda roon. Napakasakim talaga at walang pakialam sa kapwa ang babae.
“Aling Teresita, lahat ng yaman sa mundong ito ay mananatili sa mundong ito kapag pumanaw na tayo. Mayroon na kayo ng lahat ng kailangan ninyo, pero bakit kailangan ninyong ipagdamot sa kapwa ang pagkakataon na makahinga at guminhawa man lang? Hind ninyo madadala lahat ng iyan sa langit,” paalala ng tindera sa swapang na babae bago ito umalis.
“Alam mo babaeng kulubot, wala akong magagawa kung naiinggit kayo sa yaman ko. Hampaslupa ka na ngang nabuhay, hampaslupa ka pang mawawala. Sa susunod magbayad ka nang maayos para hindi ganiyan ang lumalabas sa bibig mo. Puro inggit kayo sa katawan!” mataray na bulyaw ni Teresita.
May malaking ngiti na umalis ang babae. Sumakay siya sa magarbong sasakyan at nag-iisip ng kung anong mga putahe ang ipapaluto.
“Makabili nga ng branded na bag mamaya. Barya na lamang naman ang sampung libo sa akin,” sabi ng babae habang tumitingin ng bag online.
Napakadaling gumasta ng malaki kay Teresita para sa bag, pero grabe ito kung manggipit sa maliit na halaga sa mga mangungutang. Talagang hindi na ito makatao.
Kinabukasan, nagpaluto ng crispy pata, fried porkchop, caldereta, inihaw na liempo at kung anu-ano pa ang babae. Nilantakan niya iyon at hindi man lang naisipan na bigyan ang mga kasambahay. Sinarili ng babae ang lahat ng masasarap na pagkaing iyon.
Matapos mabusog ay uminom ng kaunti ang babae sa kaniyang balcony sa kwarto. Ligayang-ligaya siya sa sarap ng buhay habang nag-iisip kung sino pa ang pwedeng singilin hanggang sa nakaramdam siya ng pangangapal ng batok.
Bumigat rin ang paghinga ng babae at sumikip ang dibdib. Tumayo siya ngunit naibagsak bigla ang hawak na baso na may champagne.
Lalabas sana si Teresita upang humingi ng tulong ngunit hindi na niya maipaliwanag ang nadarama. Hindi na siya makahinga at tuluyang bumagsak sa sahig. Binawian ng buhay ang babaeng masama ang ugali dahil sa pagtaas ng blood pressure kasunod ng atake sa puso.
Tulad nga ng paalala ng matanda, sa panahong bawian siya ng buhay, maiiwanan niya ang kayamanan sa lupa at hindi madadala sa paroroonan niya.
Isa na lamang ang kamag-anak na malapit ni Teresita, ang kapatid nito na nangibang bansa noon dahil nagalit ito sa kaniya. Hindi nito pinag-interesan ang kayamanan ng yumaong babae, bagkus ipinamahagi niya ito sa charities at pinasauli ang mga gamit na binatak noon ng babaeng swapang. Kaya’t lahat ng kinuha ni Teresita ay nawala rin sa kaniya.
Totoo nga ang karma. Napakalaki ng balik nito lalo na sa mga taong mapagsamantala. Kaya’t iwasan natin maging gahaman lalo na sa salapi at mga bagay na hindi naman nadadala sa langit. Maging mapagkumbaba at matulungin tayo, dahil walang kasiguraduhan ang bukas na darating, baka lahat ng mayroon tayo ay mawala sa isang iglap lamang.
Pinagpapala ang taong may mababang kalooban at napapahamak ang walang ibang alam kundi kasakiman.

Akala mo Hari ng Kalsada Kung Magmaneho ang Kaskaserong Drayber na Ito; May Malaking Aral Palang Iiwan ang Isa Niyang Pasahero Dahil Doon
