Walang Pakialam ang Lalaki sa Kasintahan at Ginagawa Lamang Itong Sunod-sunuran sa Kaniya; Isang Pangyayari Pala ang Biglang Magpapabago sa Kaniya
Nasanay si Carlo na palaging ginagawang sunod-sunuran ang nobya. Tila ba aso kung ituring na ito. Hindi lamang siya maiwanan ng nobya dahil sobrang mahal siya nito, pero napakasama kung i-trato ito ng lalaki.
“Bakit aalis ka na naman? Gabi-gabi ka na lang kasama ng barkada mo,” reklamo ni Kate, nobya ni Carlo.
“O, e bakit ba? Lalabas kami ng mga barkada ko. May reklamo ka na naman ba?” inis na sabi naman ng lalaki.
“Sinabi ko naman sa’yo na layuan mo na ang mga ‘yan! Hindi maganda ang impluwensiya nila sa’yo. Mapapariwara ka lang,” mangiyak-ngiyak na sabi ng babae.
“Masyado kang toxic, alam mo ba ‘yun?” galit na sagot naman ni Carlo. Tumalikod ang lalaki at saka dali-daling umalis.
Naiwanang malungkot si Kate. Para sa kasintahan lang naman ang ginagawa niya. Totoong hindi rin naman maganda impluwensiya ang barkada ni Carlo. Mabisyo ang mga ito at puro pambababae ang inaatupag, na siya namang gawain na rin ngayon ng nobyo ni Carlo.
Hatinggabi na ngunit wala pa ring tawag o text message man lang si Carlo kung nasaan ba at kung sino talaga ang mga kasama nito, kaya napagdesisyunan ni Kate na tawagan na ang kasintahan.
Isa, dalawa, tatlo, apat hanggang sa maka-dalawampu’t isang tawag ang babae ngunit wala pa rin sagot. Hanggang sa sinubukan niya ng isang beses pa at doon, may sumagot din.
“H-hello… Babe, nasaan ka na? Pauwi ka na ba?” tanong ni Kate.
“P*t*ng*na ka talaga, Kate! Alam mo nang kasama ko mga barkada ko tapos aabalahin mo ako?! Nag-iinom pa kami. ‘Wag kang tawag nang tawag!” bulyaw ng binata sa nobya.
“Nag-aalala lang naman ako. Hating gabi na o! Baka naman puwedeng umuwi ka na?”
“Bakit ‘di mo ako puntahan? Sige nga, hanapin mo ako! ‘Pag nahanap mo ako, uuwi na ako.”
“Please naman, babe… Umuwi ka na. Wala akong kasama dito. Kung alam ko lang sana umuwi na ako kila mama. Parang awa mo naman na o. May sasabihin pati ako sa’yo na sobrang importante,” pagmamakaawa pa ng babae.
“T*ng*na mo pala talaga e! ‘Di ka uuwi tapos sa akin mo ibabato yung sisi? E ‘di umuwi ka sa nanay mo! Wala naman pumipigil sa’yo! Pero kung gusto mo akong makita, puntahan mo ako! Hanapin mo ako kung kaya mo, dali!” sigaw ng lalaki kasunod naman ng tawanan ng mga kasamang barkada.
Feel na feel na Carlo ang ginagawa niyang iyon sa kasintahan. Pakiramdam niya’y ikinagwapo niya ang pagpapahabol sa kawawang babae na ang gusto lang naman ay ang mahalin siya.
Lumipas pa ang halos isang oras, nakatanggap muli si Carlo ng tawag.
“Babe, nasaan ka? Hinahanap kita dito sa mga kabarkada mo kaso wala rin may alam kung nasaan ka. Sabihin mo na, please? Natatakot na kasi ako. May tatlong lalaki na kanina pa masama ang tingin sa’kin. Parang sinusundan ako. Wala naman tao na sa daan,” nag-aalalang sabi ng dalaga.
“Ginusto mo ‘yan e! Bahala ka diyan!”
“Babe, please… natatakot na ako. Sumusunod nga sila. Binibilisan ko na ang lakad ko.”
“Tigil-tigilan mo nga ako sa drama mo! Kunwari ka pa. Bulok na ‘yang style mo para lang pauwiin ako. Mag-intay ka! Uuwi rin naman ako e,” agad na binaba naman ni Carlo ang tawag.
Nagpakasaya pa ang binata at nagpakalasing habang kandong-kandong ang babae sa kaniyang mga hita. Wala siyang pakialam kung totoo ngang naghahanap ang kasintahan, ang mahalaga sa kaniya, barkada at sariling kaligayahan lang.
Natapos ang inuman, lasing na rin si Carlo. Tiningnan niya ang cellphone at nakita ang 57 missed calls doon. 55 mula sa kasintahan at ang dalawa nama’y galing sa ina at kapatid ng nobya.
“Parang mga t*nga ‘tong pamilyang ‘to. Nagtulong-tulong pa,” natatawang sabi ng lalaki.
Binuksan niya ang text message at nakita roon ang mga message ni Kate.
“Sagutin mo, please…”
“Babe, natatakot na ako.”
“Sinusundan nila ako.”
“Nasaan ka? Nandito ako malapit sa lumang palengke. Walang tao rito. Puntahan mo ako, please!”
“Babe, tulong!!! Hinahabol nila ako!”
“awqjkdjker34hcc4gc”
At iyon ang huling mensahe ni Kate. Tiningnan ni Carlo ang iba pang mensahe at nakita roon ang text message ng ina ni Kate.
“Pumunta ka rito sa address na ito.”
Limang minute pa lang naman ang nakakalipas mula nang matanggap niya ang text na iyon. Nakaramdam siya ng matinding kaba at takot. Pati kalasingan ay tila ba lumayas sa katawan niya.
Nagtungo nga si Carlo doon. Dinatnan niya ang ina at kapatid ni Kate na iyak nang iyak.
“Bakit ngayon ka lang? Paano nangyari ito? Bakit?!” hagulgol ng ginang.
“B-bakit po? Anong nangyari?” Medyo tuliro at hilo pa si Carlo mula sa mga alak na ininom.
Itinuro ng ginang ang isang kwarto kung saan may pasyenteng nakahiga. Pinuntahan iyon ni Carlo at nakitang nakataklob na ito ng puting kumot. Halos manigas ang paa niya habang naglalakad sa takot na nadarama.
Dahan-dahang inangat ni Carlo ang kumot at tumambad ang maputla, sugatan at dug*uang katawan ni Kate.
“Pinagsamantalahan si Kate ng tatlong tambay. Hindi na mga naawa, hinampas na ng bote at saka kinuha ang buhay ng anak ko!” umiiyak na saad ng ginang.
“T-totoo p-po ba iyan?” nauutal na tanong naman ni Carlo.
“Nasaan ka ba kasi? Bakit hinayaan mong lumabas si Kate nang mag-isa? Hindi sana sinapit ‘yan ng anak ko! Nasaan ka?!” galit na galit na pahayag ng ina ni Kate.
“H-hindi ko po alam na ganito ang mangyayari. Hindi ko po alam na aabot sa ganito,” gulong-gulong na sagot ng lalaki.
“O eto,” inabot ng ginang ang puting sobre. “Masdan mong mabuti! Iyan ang mga nawala sa’yo!”
Binuksan ni Carlo ang sobre at nakita ang resulta ng ultrasound test ni Kate. Tatlong buwan na buntis na pala ito. Iyon sana ang surpresang nais niya ipakita kay Carlo kaya gustong-gusto na nitong pauwiin at makita ang binata.
Napaupo lamang si Carlo sa sahig at saka napahagulgol. Hindi niya akalain na sa sukdulan aabot ang kaniyang pagiging pabaya. Hindi lamang si Kate ang nawala sa kaniya, pati na rin ang sanggol na bunga sana ng kanilang pagmamahalan.
“Nawala ang mag-ina mo dahil pinabayaan mo! Kung anu-ano ang inuna mo, hindi mo man lang inisip si Kate!” muling sigaw ng ina ng dalaga.
Tumayo si Carlo at yumakap sa walang buhay na katawan ng nobya. Sigaw nang sigaw ang binata habang humahagulgol at humihingi ng tawad.
“I’m sorry! I’m sorry, Kate! Kasalanan ko ‘to. Argh! Patawarin niyo ako!”
Sising-sisi ang binata, ngunit kahit anong gawin niya, hindi na maibabalik pa ang buhay ng mag-ina niya. Inuna niya ang sariling kaligayahan nang hindi nalalaman na ang mag-ina pala ang magiging kabayaran.
Hindi mapatawad ng lalaki ang sarili dahil sa nagawa. Lagi lamang itong tulala at sinisisi ang sarili sa kinahinatnan ng isa sanang magandang pamilya. Kung naniwala lamang siya sa kasintahan noon at hindi naging mayabang, sana ay buhay pa ang mga ito.
Dahil sa labis na stress na tinamo, nasa isang mental institution ngayon si Carlo dahil nawala ito sa katinuan. Madalas itong sumisigaw at humihingi ng tawad sabay umiiyak nang malakas. Marahil ay hindi pa rin nito tuluyang natatanggap at napapatawad ang sarili sa masakit na pangyayari.