Inday TrendingInday Trending
Sinorpresa ni Misis ang Mister pati na ang Hinihinala Niyang Kabit Nito; Siya Pala ang Masosorpresa

Sinorpresa ni Misis ang Mister pati na ang Hinihinala Niyang Kabit Nito; Siya Pala ang Masosorpresa

Tila ba magnet na hindi mapaghiwalay ang mag-asawang Joy at Kevin noong mga unang taon ng kanilang pagsasama. ‘Ika nga nila, “Valentines Day everyday” daw kapag makikita ang mag-asawa.

Labis na nga silang kinaiinggitan dahil talagang ibang ang timpla ng kanilang relasyon. Kahanga-hanga rin na nakabili agad sila ng bahay, sasakyan at mayroong malaking ipon sa bangko. Talagang planado ang buhay ng dalawa.

Ang ilang taon na napakatamis na pagsasama ay bigla na lamang tumabang at unti-unting nanamlay. Pumasok ang hindi pagkakaunawaan, kawalan ng oras at madalas na awayan.

“Bakit naman simpleng hot cake na lang sinusunog mo pa? Hilaw pa ‘yung gitna!” reklamo ni Kevin isang umaga.

“Puro ka reklamo! Ikaw ba ‘yung nagluluto? Hindi naman, ‘di ba? Akala mo kung sinong malaki ang ambag sa gawaing bahay e,” inis na sagot naman ng babae.

“Nagpapaalala lang ako sa’yo kasi parang kumakain ako ng uling na may palaman na hilaw na hot cake sa loob. Bakit ba minamasama mo lagi ang opinyon ko ha?”

“Wala ka na kasing ginawa kundi ang magreklamo. E ikaw mismo hindi marunong magluto. Wala na akong gana, bahala ka na diyan!” sigaw ng babae at saka padabog na umalis sa lamesa.

Nagiging malamig na rin ang bawat gabi ng mag-asawa. Wala na ang dating pagsasamahan kung saan ang bawat gabi ay puno ng init at saya. Kung hindi magkatalikuran matulog, madalas sa sofa natutulog ang isa. Siguro marahil ay hanggang ngayon wala pa rin silang anak kaya naging matamlay bigla ang dating masayang relasyon.

Isang araw bago ang kanilang wedding anniversary, hindi sinasadyang narinig ni Joy na may ibang kausap ang asawa.

“Ako na ang bahala. Kaya kong gawan ng paraan na makaalis. Basta ite-text kita tapos magkita tayo doon ha? ‘Wag dito kasi baka marinig ako ng asawa ko,” saad ng lalaki sa kausap sa cellphone. Pabulong pa itong magsalita kaya lalong napaisip ng masama ang asawa ng babae.

“At talaga namang sumobra na ang kapal ng mukha nitong lalaking ‘to. Hindi na kami magkasundo, nakuha pang kumuha ng kabit!” nakasimangot na sambit ni Joy.

Naligo agad ang babae at saka humarap sa salamin habang nakatapis. Tiningnan niya ang sarili. Medyo nadagdagan nga ang timbang niya. Hindi na rin ganoon ‘ka-blooming’ ang kaniyang mukha. Losyang na nga siya at hindi na kasing ganda ng dati.

“Baka kaya nangaliwa si Kevin ay dahil ‘di na ako sexy at maganda tulad ng dati. Hindi rin naman kasi ako bumabata kaya baka mas bata ang nahanap niya,” bulong ng babae sa sarili habang tumutulo ang mga luha.

Bigla naman pumasok si Kevin sa kwarto kaya dali-daling nagpahid ng luha si Joy at nagbihis.

“May important meeting pala ako sa anniversary natin. Rush kasi ‘yung meeting para sa new project naming. Pasensiya na ha? Babawi ako sa’yo promise!” saad ng lalaki sa asawa.

“Sige…” malamig na tugon lang ng babae. “Aalis na lang din muna ako. Kung anuman pagkakaabalahan mo, gawin mo na lang, mukhang ‘di naman ‘yan makakapaghintay,” dagdag pa nito.

Araw na ng anibersaryo. Naramdaman ni Joy na wala na ang asawa sa tabi. Alas singko pa lamang ng umaga noon. Naulanigan niyang may kausap ang lalaki sa cellphone kaya nagpanggap siyang tulog pa.

“Aalis din daw ang misis ko ngayon kaya free na tayong dalawa. Agahan mo ang punta ha? Mga 4pm, para makauwi rin ako mamayang gabi. Pumunta ka doon sa Jupiter Hotel, iyong malaking hotel malapit sa mall! Tapos sabihin mo sa receptionist ang pangalan ko. May reservation na ako doon. Nasasabik na akong makita ka!”

Parang pinipiga naman ang dibdib ni Joy habang naririnig ang pangangalunya ng asawa. Hindi niya lubos maisip na magagawa iyon ni Kevin dahil nangako itong hinding-hindi siya sasaktan at ipagpapalit.

Umalis ang lalaki at hindi man lang nagpaalam. Anniversary nila pero pati iyon ata nakalimutan na rin. Hindi man lamang kasi ginising ang babae para batiin.

Hindi mapakali si Joy sa buong maghapon na lumipas, pero dahil hindi siya magpapatalo basta-basta sa kabit, nais niyang gumawa ng isang malaking pasabog. Huhulihin niya ang asawa at kabit nito!

Nag-ayos si Joy at sinuot ang isang itim na dress. Lumabas doon muli ang ganda niya. Nais niya kasi na mas maganda siya kaysa sa kabit. Nagkulot ng buhok at naglagay ng kolorete.

“Ngayon, ipapakita ko sa’yong kabit ka kung bakit hindi dapat kinakalaban ang tunay na asawa,” determinadong sambit ni Joy.

Nagpunta si Joy sa hotel at kompirmado na nandoon na daw ang asawa niya.

“Saan ang kwarto ng asawa ko?” binanggit ng babae ang buong pangalan ng asawa.

“Room 614 po, ma’am,” tugon naman ng receptionist.

“Kapal ng mukha! Sinaktong pang katulad ng araw ng anibersariyo naming, June 14! Mangangabit na nga lang, konektado pa sa akin!” gigil na sabi ni Joy. “Sino ang kasama niya? Maganda ba? Bata ba? Ibigay mo sa akin ang susi!”

“P-pero ma’am…”

“Ibigay mo na lang! Asawa ako kaya may karapatan ako!” medyo tumataas na ang boses ni Joy.

Agad naman binigay kay Joy ang susi. Napapahinga na lang ng malalim ang babae habang nakasakay sa elevator. Pagdating sa tapat ng kwarto, tila ba nanghina ang kaniyang mga tuhod at nakaramdam ng kaba.

Paano kung nandoon ang kabit? Paano kung hindi siya ang piliin? Paano kung hiwalayan siya sa harapan nito? Gusto na sanang umalis ni Joy pero kailangan niyang harapin ito.

Sinusian na ng babae ang kwarto at binuksan ang ilaw. Gulat na gulat siya sa nakita. Hindi siya makapaniwala at nabitawan ang mga dala…

Nakita niya roon ang kwarto na puno ng nakasabit litrato nilang mag-asawa simula noong magkasintahan pa lamang sila hanggang ngayon na kasal na sila. Sunod naman tumugtog ang kanilang paboritong love song. Parang pang nasa ulap si Joy ng mga oras na iyon.

May magagandang ilaw, cake at iba pang pagkain, pati na mga rosas na nakasabog sa kama. Talagang pinaghandaan ang araw na iyon.

Lalong napaluha si Joy nang makita ang asawa na may dala-dalang paborito niyang bulaklak at teddy bear.

“Happy anniversary, asawa ko!” bati ng lalaki at saka yumakap nang mahigpit sa asawa.

“P-pero… Akala ko…” hindi naman makapagsalita si Joy.

“Sorry, it’s all part of the plan. Planado lahat ng ito. Sorry kung napasama ko ang loob mo, pero ngayon ako babawi. Mahal na mahal kita, Joy! Hinding-hindi ko kakayanin o magagawang lokohin ka.

Sa mga mata ko, ikaw lang ang nag-iisang magandang babae sa buong mundo. Sa’yo lang ako pati na ang puso ko. Alam kong hindi tayo nagkakasundo sa mga nagdaang araw, pero hindi nawala ang pagmamahal ko sa’yo!” wika ni Kevin habang isinasayaw ang asawang babae.

“Sorry din kung palagi akong galit at lagi kong nasusunog ang mga niluluto. Aayusin ko nga, pangako… Mahal na mahal din kita,” yumakap ang babae at saka humalik sa asawa.

Naging masaya ang buong maghapon ng mag-asawa at naging mainit at puno naman ng pagmamahal ang gabi nila.

Pagkatapos ng tatlong buwan isang napakalaking balita ang natanggap ni Kevin, nagdadalang tao na ang kaniyang asawa at magiging ama na siya. Walang paglagyan ang saya ng mag-asawa dahil sa wakas, natanggap na nila ang kanilang matagal nang hinihiling.

Advertisement