Isang Misyon ang Nais Maisakatuparan ng Matanda Bago Siya Tuluyang Mamaalam; Nakakaiyak Pala ang Misyon na Iyon
Pagod, lakas ng loob at determinasyon ang naging puhunan ni Aling Nena para lamang maitaguyod nang mag-isa ang kaniyang pamilya. Second year high school lamang ang natapos niya kaya kumayod siya ng todo at nagtiyaga sa kung paa-paanong kita sa pagbebenta ng lugaw.
Bunga ng katanda at dahil nalilipasan na rin ng panahon, iniinda na ng matanda ang matinding sakit ng balakang, tuhod, likod at mga brasong nararanasan, marahil dahil ito sa ilang taon niyang pagtra-trabaho.
“Nay, mas makabubuti siguro kung itigil na ninyo kasi ang pagbebenta ng lugar. Matanda na kayo at mas makabubuting magpahinga na lamang. May mga trabaho naman na kaming anak niyo, kaya wala na kayong dapat problemahin,” sabi ng panganay na anak ni Aling Nena.
“Mukhang tama ka nga anak. Madalas na kasing sumumpong itong mga pananakit sa katawan ko. Akala ko’y kalabaw lang ang tumatanda, pati pala ako tumatanda na,” biro pa ng babae.
Desidido na ang matanda na itigil na ang ilang taong pagbebenta ng lugaw, ngunit biglang nagbago ang kaniyang isipan sa isang kadahilanan.
Habang naglalakad-lakad isang umaga ay napansin niya ang mga bata sa kanila barrio na pagala-gala lamang sa kalye. Ang ilan ay naglalako ng bulaklak at maagang nagtratrabaho.
Sila ang mga kabataan na kapos-palad at walang kakayahan na makapasok sa paaralan. Sila ang dahilan kung bakit nagningas muli ang apoy sa puso ng matanda.
Dala-dala ang determinasyon sa kaniyang puso, inilabas muli ng matanda ang mga kaldero, malalaking sandok at iba pang gamit sa pagluluto upang muling magbenta ng lugaw.
Sa edad na 65 ay muling nagbanat ng buto ang matanda upang kumita. Sa ganoong paraan, plano ni Aling Nena na makatulong sa pamumuhay ng ibang kababayan at tanging edukasyon ang nakita niyang solusyon para doon.
Hindi na niya ininda ang katandaan at madalas na pagsumpong ng pananakit sa iba’t ibang parte ng katawan. Nagtrabaho si Aling Nena at kumayod upang makaipon ng pera na gagamitin para ibayad sa matrikula ng ilang kabataan na nabiyayaang makapag-aral. Buo ang loob niya na igapang ang edukasyon ng mga batang ito.
Upang makaipon ng malaki, pati sarili ay tinipid na rin ng matanda, aniya “Hindi ko naman na kailangan ng maraming bagay at materyal dahil matanda na ako.”
Kahit sa pagkain ay hindi na rin naging mapili ang matanda. Halos magbuhay pulubi na siya para lamang maisakatuparan ang pangarap na mayroon siya para sa iba. Tanging malalaking ngiti mula sa batang natutulungan ang sukli ng lahat niyang sakripisyo.
“’Nay, talaga bang importante sa inyo iyan? Kailangan ba talagang gawin ninyo pa iyan?” tanong ng anak ni Aling Nena.
“Kaya nakatapos kayong magkakapatid at maayos na namumuhay ngayon ay dahil sa pagbebenta kong ito ng lugaw. Maikli na lamang ang ititigil ko sa mundong ito dahil matanda na ako, kaya gusto kong ibahagi ang kaunting panahon ko parang sa mga taong nangangailangan,” may ngiti sa labing sagot naman ng matanda.
“E ‘nay, halos sa kusina at sa tindahan na kayo tumira. Baka naman makasama na inyo ‘yan! Mabuti pang magpahinga na kayo ‘nay,” pakiusap pa ng anak.
“Ang totoong pagtulong sa kapwa, iyon bang galing sa puso, tandaan mo anak, walang mukha iyon, wala rin edad o kasarian. Kaya hangga’t kaya ko pa, hangga’t malakas pa ako, ibibigay ko iyon. Ang pagbabagong gusto natin ay kailangan magmula sa ating mga sarili mismo,” paliwanag ng matanda.
Napaluha naman ang anak at yumakap kay Aling Nena. “Sobrang proud ako na nanay kita! Pinahanga mo na naman ako, ‘nay!”
“Sana lamang ay bigyan pa akong ng lakas ng Diyos. Sana pahabain pa Niya ang buhay ko para naman mas marami akong bata na matulungan,” saad ng matanda.
Sa loob ng labing limang taon ay walang humpay sa pagsuporta ang matanda sa pag-aaral na mga kabataan doon. Pero dahil sa sobrang katandaan ay kailangan nang mag retiro talaga ng matanda. Kaya’t nagkaroon ng maliit na pagpupulong kung saan imbitado ang lahat ng kaniyang natulungan.
“Salamat sa inyong pagdalo sa aking paanyaya. Pero nais ko rin humingi ng pasensiya dahil kahit gustuhin at pilitin ko, hindi na rin kinakaya ng katawan ko.
Bukal sa aking puso ang lahat ng ginawa ko. Wala akong hiningi na kahit anong kapalit, dahi lang malaman na masaya kayo at natutupad ninyo ang inyong pangarap, sapat na sa akin iyon.
Nais ko lang ay mabigyan kayong lahat ng pagkakataon na mabago ang buhay at matupad ng inyong minimithi.
Hiling ko lamang na sana, sa mga batang natulungan ko noon at maging ngayon, ipagpatuloy ninyo nawa ito. Maging hagdan kayo ng pagbabago sa inyo kapwa. Simulan ninyong ipamahagi sa iba ang tulong na ipinagkaloob sa inyo at simulan ang pagbabago sa sarili,” malungkot na mensahe ni Aling Nena.
Matapos ang tatlong buwan ay binawian na rin ng buhay si Aling Nena. Ngunit hindi siya namaalam ng malungkot at mag-isa, nagtungo roon ang ilang daang estudyanteng natulungan niya upang magpasalamat at iparamdam ang pagmamahal na mayroon sila sa matanda.
Isang sulat rin ang iniwan ng matanda para sa kaniyang mga batang natulungan:
“Walang pagsisisi akong haharap sa Diyos na malaki ang naitulong ko sa bawat isa sa inyo. Sana ay kayo ang magtuloy ng halimbawang iniwan ko sa inyo. Payabungin ninyo ang punla na itinanim ko sa inyo puso at maging pag-asa nawa ng nakararami.
Hindi ako nakatapos, pero nagpapasalamat ako dahil mayroon na akong engineer, nurse, guro, at marami pang iba. Dahil sa inyo, para ko na ring naabot ang pangarap ko.
Basta ‘wag ninyong ipagdamot sa iba ang pagkakataong makatulog at makapagpabago ng buhay. Iyon ang kayamanang napakasarap iwanan.
Hanggang sa muli!
Nagmamahal,
Aling Nena”
Dahil sa sulat ng matanda, ang kaniyang mga anak, katuwang ang mga napagtapos niya ay nagtulong-tulong upang ipagpatuloy ang nasimulan ng matanda. Iyon na rin marahil ang pinakamaganda maibibigay nila pabalik sa matandang nagsakripisyo para lamang mabigyan sila ng magandang buhay.
Nakatatak sa puso ng marami ang istorya ng buhay ni Aling Nena. Ang matanda na may ginintuang puso na handang magsakripisyo upang makatulong at maiangat ang buhay ng kaniyang mga kababayan. Isang bayani sa puso at isip ng lahat ng natulungan at naging parte ng kaniyang kabutihang nasimulan.