Isang Importanteng Takdang-aralin ang Pinagawa ng Guro sa Kaniyang mga Estudyante; Bigla Siyang Napaiyak sa Gawa ng Isa sa mga Ito
Disyembre noon at nalalapit na ang araw ng Pasko. Nalalapit na rin ang Christmas Break. Kaya naisip ni Teacher Grace na magpagawa ng isang takdang-aralin sa kaniyang mga estudyante. Guro siya ng mga batang mayroong espesyal na pangangailangan o ‘special child.’
“Okay class, since malapit na ang Christmas at marami tayong gifts na matatanggap, gusto kong magpagawa ng isang activity sa inyo. Gusto kong mag-drawing ng isang bagay na natanggap ninyo at nais niyong ipagpasalamat dahil mayroon kayo noon,” saad ng guro.
Kinabukasan, dala-dala na ng mga estudyante ang kanilang mga assignments. Tuwang-tuwa si Teacher Grace dahil napakahusay gumuhit ng kaniyang mga estudyante.
May mga estudyanteng gumuhit ng mga laruan, damit, tsinelas, pagkain, sapatos at iba pa. Pero mayroong isang larawan doon ang pumukaw ng kaniyang atensiyon dahil ibang-iba ito kumpara sa mga gawa ng iba. Ang larawang iyon ay ginawa ng mahiyain niyang estudyante na si Steffany.
Kakaiba si Steffany sa lahat ng estudyante. Tahimik lang ito at mahilig magbasa ng libro. Sobrang mahiyain din kaya’t hindi ito nakikisama sa ibang mga kaklase. Kaya madalas siyang nilalapitan ni Teacher Grace lalo na kapag mag aktibidades kasi hindi ito lumalapit para magpaturo kahit na nahihirapan na.
Alam rin kasi ng guro ang istorya kung bakit ganoon si Steffany. Isinama kasi ito noon sa naunang paaralan kung saan may nakahalo ang mga tipikal na estudyanteng wala espesyal na pangangailangan, kaya kinukutya at tinutukso lagi noon si Steffany.
Dahil sa takdang-aralin na pinagawa ng guro, lumabas ang tunay na saloobin ni Steffany. Nakita roon ang tunay niyang nararamdaman. Ang iginuhit kasi niya ay isang tao na kung titingnan ay para bang patpat lamang at nakabukas ang mga palad.
Nang ipresinta ng bata ang larawan sa harapan ay nagkaroon ng diskusyon ang mga klase sa kung ano ang naroroon sa iginuhit ni Steffany.
“Siguro ay candy iyan na matigas! ‘yung kagaya ng nabibili natin na matigas sa canteen!” sabi ng isang estudyante.
“Siguro ay mama mo iyan, hugis babae kasi!” dagdag naman ng isa pa.
Nang ipakita ng bata ang iginuhit niyang larawan, ay umandar ang imahinasyon ng kanyang kamag-aral. Hinulaan nila ang ibig sabihin ng kaniyang larawan.
“Barbie doll siguro ‘yan! Ganiyan kasi yung regalo sa aking ng daddy ko noon,” hula naman ng isa pang babaeng estudyante.
Tuloy-tuloy ang diskusyon nang putulin na ito ni Teacher Grace, “Okay mga bata, talagang napakagaganda ng ideya niyo at talaga lumabas ang mga magagandang imagination niyo, pero kailangan muna natin kumain para lumakas ang katawan. Recess muna, okay?” saad ng guro.
Napansin ni Teacher Grace na nakaupo lamang si Steffany at dinadagdagan ng detalye ang larawan na iginuhit kaya nilapitan niya ito.
“Tapos ka na bang kumain, Steff?” tanong ni Teacher Grace.
“Opo, teacher. Kaya tinatapos ko na lang po itong drawing ko,” nahihiyang sagot naman ng bata.
“Ganoon ba? Maganda ang larawan na ginuhit mo. Maari bang malaman ni teacher kung ano yung ginuhit mo na ipinagpapasalamat mo?” malambing na tanong naman ng guro.
“Kayo po, Teacher Grace. Ikaw po ang iginuhit ko.”
“T-talaga? Bakit naisipan mo na si teacher ang i-drawing?” may mga ngiting tanong ng guro.
“Kasi nagpapasalamat po ako sa inyo dahil kayo po yung tumutulong sa akin kapag nahihirapan ako. Kayo po yumayakap sa akin kapag inaaway po ako ng kaklase ko. Kayo po yung nakakaintindi sa akin kapag nahihiya po ako at kayo po yung nagtuturo sa amin para madami po kaming natututunan. Ikaw po yung the best teacher na kilala ko,” nakangiting paliwanag ng bata.
Bigla naman tumulo ang mga luha ng guro nang marinig ang kahulugan ng larawang iginuhit ng estudyante. Niyakap niya si Steffany at saka nagpasalamat sa bata. Napakahirap ng trabaho niya at napakalaking bagay para sa kaniya na mayroong nagpapahalaga sa kaniyang mga sakripisyo.
Talagang ibang-iba ang epekto sa mga bata ng mga tao na nagpaparamdam sa kanila ng tunay na pag-unawa, pagtanggap at pagmamahal, gaya na lamang ng mga guro at ating mga magulang. Higit na mas natatandaan kasi ng mga bata ang mga mabubuting kilos na pinaparamdam at ipinapakita natin kaysa sa mga salitang lumalabas sa ating bibig.
Hindi madali ang maging isang guro. Nariyan iyong mapupuyat ka at mahihirapan pagsuway sa mga estudyante pero ito rin ay isang propesyon kung saan bibigyan ka ng kakayahan na humubog ng isang indibidwal na kanilang dadalhin hanggang sa kanilang paglaki. Bago tayo maging kung sinuman tayo ngayon ay dinaanan natin ang paghuhubog ng ating mga mababait at mapagmahal na guro.
Ang mga guro ay ang ating pangalawang magulang. Maraming aral silang iniiwan sa ating buhay na ating madadala hanggang sa ating paglaki. Kaya mayroon tayong mga engineer, nurse, accountant, IT, at iba pa ay dahil dumaan tayo sa paghuhubog ng ating mga mapagmahal at mapag-arugang mga guro.