Inday TrendingInday Trending
Ikakasal na Sana ang Magkasintahan nang Biglang Mabaldado ang Lalaki; Nakakaiyak ang Sumunod na Ginawa ng Babae

Ikakasal na Sana ang Magkasintahan nang Biglang Mabaldado ang Lalaki; Nakakaiyak ang Sumunod na Ginawa ng Babae

First year college nang magkakilala sina Gilbert at Diana noon. Naging magkaklase sila at magkagrupo sa ilang aktibidades sa paaralan. Kalaunan, ang mabuting pagkakaibigan ay nauwi sa totoong pagmamahalan.

Sa paglipas ng panahon, nakakuha sila ng maayos na trabaho at mas naging matatag ang relasyon ng dalawa kaya’t hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Gilbert at inaya rin magpakasal si Diana.

Sabik na sabik na sila sa nalalapit na kasal nang biglang humampas ang malaking dagok sa kanilang relasyon.

“Hello, Diana?” boses ng isang babae sa cellphone.

“Hi, sino po itong kausap ko?” tanong naman ni Diana.

“Ah, e, mama ito ni Gilbert. Maaari mo ba akong puntahan sa address ng ospital na ise-send ko sa’yo?”

“B-bakit po? May nangyari po ba?” tanong ng dalaga.

“S-si Gilbert kasi… nadisgrasya yung minamaneho niyang sasakyan. Kritikal ang lagay niya ngayon, kaya kung okay lang sana, puntahan mo siya rito ngayon para makita mo siya.”

“S-sige po. Pupunta na po ako agad. Pa-send na lamang po kung saan,” may panginginig sa boses na sabi ng dalaga.

Nagmamadaling pumunta si Diana sa ospital. Para bang bumagal ang lahat at panandaliang tumigil ang mundo nang makita niya ang kalagayan ng nobyo.

“Doc, ano pong kalagayan ng boyfriend ko ngayon? Magiging maayos po ba siya?” nag-aalalang tanong ng babae sa doktor.

“A part of his brain was damaged sa aksidente. Kritikal pa siya sa ngayon, pero he is going to get well soon enough, kaya lang… hindi na magiging normal muli ang mga pagkilos at pagsasalita niya. Maswerte siya dahil he managed to survive, napakalala ng nangyari sa kaniya,” paliwanag ng doktor.

Napaupo na lamang ang dalaga ang sobra ang lungkot na naramdaman sa narinig. Ang lahat ng mga plano at pangarap nila ay para bang nilipad ng isang malakas na bagyo.

Ang malakas, matipuno at gwapong lalaki ay nakaratay na lang ngayon sa higaan dahil sa pinsalang tinamo.

Sa Diyos na lamang kumapit si Diana. Wala na siyang ibang kakapitan pa kundi ang bawat panalangin na kaniyang inuusal. Handa siyang isakripisyo at gawin ang lahat maibalik lamang sa dating kondisyon ang minamahal.

Nang magkaroon na ng malay si Gilbert at naging mabuti ang kalagayan, nagdesisyon si Diana na lumiban muna sa trabaho at mag-alaga sa kasintahan.

Kahit na hinang-hina ang katawan, pinilit na Gilbert na lumakas dahil nandoon si Diana sa kaniyang tabi na siyang nagsisilbing lakas at kapayapaan niya. Buong puso namang ibinigay ni Diana ang oras at panahon para sa nobyo.

“Diana, alam kong pagod ka na. Kaya kung nais mong magpahinga, sabihin mo lamang ha? Alam naman natin na malala ang sitwasyon ni Gilbert. Hindi rin natin alam kung magiging maayos pa siya o mananatiling ganoon na lamang,” saad ng ina ng binata.

“Okay lang po ako, tita. Hindi ko po magagawang iwan si Gilbert, lalo na sa ganitong panahon. Mananatili po ako sa tabi niya at hindi ko kakayanin na iwan siya sa ganoong sitwasyon. Maging malakas lang po tayo, kailangan niya tayo ngayon at ipagdasal ang pag galing niya,” nangingilid ang luhang tugon ni Diana.

Napaluha ang ginang sa narinig. “Napakabuti ng puso mo, Diana. Tama na ikaw ang pinili ng anak ko na mahalin. Maraming salamat, Diana, anak…”

“Alam kong napakahirap po nito para sa atin, pero kakayanin ko po para kay Gilbert. Hindi bale nang mapagod basta, makita ko lang po na ayos siya, okay na po ako doon,” pahayag pa ng dalaga.

Inalagaan ni Diana ng mabuti ang nobyo. Tuwing may check-up at therapy session ay kasama rin siya. Siya ang tumayong pundasyon at kalakasan ni Gilbert sa panahong hirap na hirap ito sa dinaranas na pagsubok.

Lumipas ang tatlong taon, tila ba himala ang nangyari. Unti-unting lumakas ang katawan ni Gilbert at nagagawa nang makapagsalita nitong muli ng paunti-unti.

Napaluha rin ang dalaga nang malaman na klaro pa rin ang memorya ng lalaki tungkol sa kaniya at kanilang mga alaala. Ang bawat plano at pangarap na kanilang binuo at nakatatak pa rin sa isipan ng binata.

“May… pagkakataon… ka… na… umalis… noon… pero… hindi… mo… ako… iniwan. Salamat… mahal… ko… sa… lahat… lahat…” pautal-utal na sabi ni Gilbert.

“Wala akong hindi kakayanin para sa’yo. Lahat gagawin ko maging maayos ka lamang. Saglit na lang at alam ko, babalik ka na rin sa dati. I love you so much!” umiiyak na tugon naman ng dalaga.

Matapos ang maraming pagsubok at sa kabila ng malalang naging kalagayan ni Gilbert, muling nabuksan ang pagkakataon na muling ituloy ang pangarap na naudlot dahil sa aksidente. Napag-usapan nilang muli ang tungkol sa kasal.

Alam ni Diana ang puwedeng kahinatnan ng desisyon na iyon, subalit handa siyang harapin ang lahat alang-alang sa pagmamahal sa nobyo. Hindi sapat na may karamdaman ito para talikuran niya. Susugal siya at magsasakripisyo dahil totoo siya sa kaniyang puso. Ilalaban niya hanggang sa huli ang pagmamahal niya sa binata.

Halos tatlong taon rin ang nakalipas… Payapa at humahalik sa balat ang malamig na hangin ng Disyembre nang bumukas ang malaking pintuan ng simbahan…

Lahat ng tao ay may luha sa mga mata habang minamasdan ang babaeng nakasuot ng puting damit at belo. Hawak-hawak niya ang naggagandahang bugkos ng bulaklak habang lumalapit sa lalaking nakangiti habang umiiyak sa tapat ng altar.

“Hindi hadlang ang karamdaman para talikuran at iwan ka. Ang tunay na pagmamahal nanatili hindi lamang sa mga panahon masaya at walang problema, dahil ang pag-ibig, sinusuong niyan kahit na ang pinakamahihirap na pagsubok sa buhay.

Ang totoong nagmamahal, hindi agad sumusuko. Kaya asahan mong kahit anong mangyari, hindi ako mawawala sa tabi mo,” pangakong binitawan ni Diana sa kasintahan sa harapan ng Diyos at ng mga tao.

“At ikaw naman ang nagpakita sa akin na ang pagmamahal ang pinakamalakas na puwersa sa mundo. Ikaw ang naging lakas ko sa mga panahong gusto ko nang sumuko sa sarili ko. Ang pagmamahal mo ang naging silong ko sa mga panahong binabagyo ako ng pagsubok.

Pangako kong iaalay ko ang buong buhay ko para ikaw naman ang alagaan at mahalin. Pangakong nandito ako para sa’yo hanggang sa huli, Diana. Mahal ko, salamat at sobrang pinagpala ako dahil ngayon ay asawa na kita,” umiiyak na mensahe naman ni Gilbert.

Lahat ng naroon ay naiyak sa narinig dahil alam nila ang hirap na pinagdaanan ng magkasintahan makarating lamang sa kinaroroonan nila ngayon.

Ngayon ay may dalawang anak na sina Diana at Gilbert. Masaya silang nagsasama at sabay na tinutupad ang mga binuong pangarap. Tuluyan na rin bumuti ang kalagayan ni Gilbert na masasabing isang malaking himala talaga.

Sa isang kisapmata ay puwedeng umikot at magbago ang ating buhay. May mga daraang pagsubok kung saan susubukin kung hanggang saan pwedeng kumapit ang isang tao sa usapang pagmamahal. Pero patunay lamang din na ang totoong pagmamahal ay hindi nagbabago kahit na magbago man ang sitwasyon o hitsura ng taong minamahal natin.

Ang pusong totoong nagmamahal ay mananatili at kailanman ay hindi tatalikod o magbabago.

Advertisement