Inday TrendingInday Trending
Grabeng Panggigipit ang Ginawa ng Misis na Ito sa Kaniyang Asawa Para Masunod Lamang ang Kaniyang Gusto; Iyak Siya nang Biglang Gumanti ang Mister

Grabeng Panggigipit ang Ginawa ng Misis na Ito sa Kaniyang Asawa Para Masunod Lamang ang Kaniyang Gusto; Iyak Siya nang Biglang Gumanti ang Mister

Limang taon nang mag-asawa sina Pocholo at Charito. Parang aso at pusa ang dalawa noong mga unang taon ng kanilang pagsasama, pero hindi naglaon, nakuha na rin nila ang tamang timpla na kailangan sa relasyon.

Habang kumakain ng hapunan noon ay binuksan ni Charito ang usapan tungkol sa malapit na kaibigan niyang nalalapit nang ikasal.

“Love, ikakasal na si Jennifer next month, e nakikiusap haplit sa akin na baka kung puwede raw ay ikaw ang magluto sa mga pagkain na ihahain sa reception? Gusto kasi nila ng magaling na chef, okay lang ba sa’yo?” tanong ni Charito.

“Love, baka puwedeng tanggihan ko muna yung alok nila. Medyo hindi kasi papasok sa iskedyul ko yung gusto nila gawa ng fully-booked ako next month. Alam mo naman na may pinapagawa ako ‘di ba? Tapos maraming paghahanda pa yung kailangan para doon, kaya kailangan ko muna na iyon ang pagtuunan ng pansin,” pahayag naman ni Pocholo.

“Ano ba naman ‘yan, love! Nakakahiya naman kila Jennifer. E umaasa sila na pagbibigyan natin sila kasi nga best friend ko siya. Alam mo naman na gustong-gusto nila mga luto mo e, kaya ikaw yung pilit nilang pinapakiusapan,” pagpupumilit ng asawang babae.

“E love, alam mo naman nang matagal ko rin na pinangarap ang makapagpagawa ng sariling restaurant at bakeshop, hindi ba? Eto yung first love ko, yung pangarap na gustong-gusto kong maabot noon pa man. Sana pagbigyan mo muna ako, kahit ngayon lang. Marami pa naman silang ibang makukuha diyan,” paliwanag ng lalaki.

“Anong gagawin ko?! Ikaw nga ‘yung gusto nila ‘di ba?!” mataray na sagot ni Charito. Bakas sa tono ng pananalita nito na naiinis na.

“Ayoko ngang gawin! Hindi pa ba malinaw iyon? May mas importanteng bagay akong kailangan tapusin!” nagsimula na rin magtaas ng boses ang lalaki.

At dahil hindi mapapayag ang asawa, ginamit ni Charito ang isang pamamaraan na alam niya upang mapilitan ang asawa na gawin ang nais. Nagawa na niya iyon noon, kaya’t sigurado siyang gagana muli ito ngayon. Natitiyak na niya na pagkatapos ng gagawin niya ay papayag na rin ang asawa.

“Okay… Bibigyan kita ng isang linggo para pag-isipan. Alam mo naman na siguro, hindi ako tumatanggap ng ‘hindi’ bilang sagot,” nakataas ang kilay na sabi ng babae.

“Wait, anong pina-plano mo? Lumalabas na naman iyang mga sungay mo, Charito ha!”

“Makikita mo rin. Nasa lupa ka pa, pero mararanasan mo na kung ano ang impyerno!” ngingiti-ngiting sabi pa ni Charito.

Nakaramdam ng kaunting kaba si Pocholo. Kabisado na kasi niya ang ugali ng asawa at hinding-hindi ito nagpapatalo.

Pasado alas kuwatro ng hapon kinabukasan, umuwi si Pocholo galing sa pinapatayong negosyo. Pagod at gutom na gutom siyang lumapit sa asawa.

“Love, may pagkain ba tayo riyan? Nalipasan kasi ako ng gutom sa dami ng inaasikaso kanina. Medyo nanginginig na ang katawan ko sa pagod at gutom,” saad ng lalaki.

“Wala e, marami rin kasi akong ginawa. Nakalimutan kong maghanda. May pork and beans naman diyan, iyon na lamang ang kainin mo,” sarkastikong sabi ng babae.

“D-de lata ang ipapakain mo sa akin?” tanong ng lalaki.

“O bakit? Rereklamuhan mo ako? Chef ka ‘di ba? E ‘di magluto ka ng pagkain mo! Ipaghanda mo ‘yung sarili mo,” pagtataray pa ni Charito.

Hindi na lamang kumibo si Pocholo at tumalikod. Alam niyang hindi niya mapipilit ang asawa dahil parte iyon ng planong panggigipit ng babae sa kaniya para pumayag sa gusto nito.

Kinabukasan panibagong pagsubok na naman ang haharapin ni Pocholo.

“Love, nakita mo ba ‘yung ATM card ko? Nawawala kasi sa wallet ko. Wala rin sa mga bag ko,” tanong ng lalaki.

“Hindi. Bakit sa’kin mo hinahanap? ATM mo kamo ‘di ba? Bakit ‘di mo alam? Hay nako!” inis na sabi ni Charito.

“Love, kailangan ko na kasing umalis. Wala na akong cash kaya magwi-withdraw na sana ako. Kailangan ko na kasi pumunta sa pinapagawa natin ng resto-bakeshop. Maaari mo ba akong tulungan na maghanap?” pakiusap ng lalaki.

“Naiwala mo, ‘di ba? Problema mo na ‘yan. May schedule kami ng manicure and pedicure ngayon kaya paalis na ako. Bahala ka na diyan maghanap,” malamig na tugon ng babae at saka nagmadaling umalis.

“Hay… paano ako kakain nito mamaya? Mukhang hindi na rin sasapat ang gas sa kotse ko,” nag-aalalang sambit ni Pocholo.

Gabi kinabukasan, tahimik na nakahiga ang mag-asawa sa kama nang basagin ni Pocholo ang katahimikan.

“Love, puwede ba tayong mag-usap? May gusto sana kasi akong sabihin sa’yo. May kailangan ka kasing malaman,” saad ng lalaki.

“Kung pumapayag ka nang maging chef nila Jennifer sa kasal, sige, kakausapin kita, pero kung hindi naman din, ‘wag ka nang mag-aksaya pa ng laway at itutulog ko na lang,” tugon ni Charito.

“Love, importante ‘to. Puwede bang umayos ka naman?”

“Ano ba kasi iyon ha?” galit na sabi ng babae.

“Gusto ko nang makipaghiwalay sa’yo. Ginaganito mo na rin naman ako. Para bang hindi mo ako asawa kung tratuhin mo ako e!” seryosong sabi ni Pocholo.

Napatahimik naman si Charito at hindi nakasagot agad. Nakikiramdam lamang ito at tanging mga paghinga lamang ang naririnig sa pagitan ng dalawa.

“At saka may aaminin pala ako… May tao sa nakaraan ko ang hindi ko inaasahang mamahalin ko. Nakilala ko siya noon pa, pero dahil sa nangyayari sa atin, para bang mas masaya ako noong nakilala ko siya. Napakabait niya, napakaganda at malakas ang dating, bonus na doon ‘yung malambing siya sa akin.

Alam mo, Charito? Sabi niya sa akin, susuportahan daw niya ‘tong pangarap ko. Siya na ‘yung nagpupumilit sa akin na unahin ko iyon kasi alam niyang napaka-importante raw no’n sa akin,” pagtatapat naman ng lalaki.

“At bakit mo sinasabi ito sa akin ngayon?” galit na tanong ni Charito.

“Alam mo naman na hindi ako nagtatago ng sikreto sa’yo ‘di ba? Kung gusto mong malaman kung sino, ito ang cellphone ko. Naka-save diyan lahat ng litrato niya at litrato ko naming dalawa bilang pruweba,” pahayag ng lalaki habang ibinibigay ang cellphone sa asawa.

Tumayo si Charito at saka sinampal ng malakas ang asawa. Tumalikod ito at nanatiling tahimik lang. Kita at rinig naman ang malalim na paghinga nito, bakas na nagpipigil lamang ng matinding galit at sama ng loob.

Nahiga naman na si Pocholo at ipinatong ang cellphone sa lamesa. Tumalikod ito sa babae at saka ipinikit ang mga mata upang matulog na.

Huminga nang malalim si Charito kasunod ng ilang paghikbi. Napansin niyang nakatulog na rin ang asawa. Kaya’t nilapitan niya ang cellphone at saka kinuha. Umupo si Charito sa tabi ng asawa at saka malungkot na nagsalita.

“Mahal din naman kita e! 100% full support naman din ako sa’yo palagi. Pero bakit kailangan pang humantong sa ganito? Bakit naman niloko mo pa ako?” naluluhang sabi ng babae.

Hindi na mapakali si Charito kaya’t binuksan niya ang cellphone ng asawa at saka tiningnan ang mga litratong sinasabi nito. Nang makita ito ng babae, biglang nagliwanag ang kaniyang mukha at saka nakangiting lumuha.

Ang galit ay biglang napalitan ng saya at ang malungkot na mukha’y maaliwalas na sa laki ng kaniyang ngiti. Ilang saglit pa biglang bumangon si Pocholo.

“Love naman e! Akala mo ba kaya ko talagang gawin sa’yo iyon? Tingin mo ba magagawa talaga kitang lokohin? Ikaw nga iyong babaeng tinutukoy ko kanina! Ikaw ‘yung nagtulak sa akin na abutin lahat ng pangarap ko.

Hindi ba’t ikaw ‘yung naniwala sa kakayahan ko noon? Ikaw yung bukod tanging nagtiwala na kaya ko at kakayanin kong maging isang mahusay na chef? Ang mga litratong nariyan sa cellphone ko ang nagpapaalala sa aking ng dating ikaw,” pag-amin ng lalaki.

Napaluha naman si Charito sa narinig. “P-patawarin mo ako, love… Sorry kung pinahirapan kita para lang sundin mo ‘yung gusto ko. Sorry kung naging malamig at masama ang pakikitungo ko dahil lang mas iniisip ko ‘yung sarili ko kaysa sa nararamdaman ko.

Pangako hindi na ‘to muling mauulit pa, basta ipangako mo rin na hindi mo ako ipagpapalit sa ibang babae kahit kailan ha?” umiiyak na sabi ng babae.

“Kahit naman pahirapan mo pa ako ng sobra, hindi ko naman talaga gagawin ‘yung ipagpalit ka. Ikaw lang ‘yung nag-iisang babae sa puso ko. Mahal na mahal kita kaya hindi ko kayang saktan ka,” matamis na saad ni Pocholo.

Kinuha naman ni Charito ang unan at saka hinugot mula roon ang ATM card ng asawa. “Love, o! Ibinabalik ko na ‘yung ATM mo, basta okay na tayo ha?” nangingiting sabi ng babae.

Napangiti lamang din si Carlo at saka hinila ang asawa at saka hinalikan sa mga labi. “Okay na okay na!” sabay humalik muli.. Kasunod noo’y maiinit na tagpo na.

Naipatayo ang pinapangarap na restaurant at bakeshop ni Pocholo, kasabay ng pagbubukas ng negosyo ay binyag naman ng kanilang unang supling. Mas naging matatag ang pagsasamahan ng mag-asawa magmula nang piliin nilang unawain na lamang ang isa’t isa.

Sa buhay na ito, wala naman talagang perpektong relasyon. Wala rin namang perpektong kasintahan, pero napakagaan ng pagsasamahan kapag parehong handing umunawa at magparaya ang bawat isa.

Pakatandaan na sa mga pagtatalo o tampuhan, hindi na binibilang doon kung sinong unang magbababa ng pride at hihingi ng tawad. Ang mahalaga, parehong gustong maayos ang hindi pagkakaunawaan at parehong lumalaban ang dalawang tao upang mapanatili ang tatag ng relasyon.

Advertisement