Inday TrendingInday Trending
Isa Lang Naman ang Tanging Hiling ng Masipag na Bata sa Darating na Araw ng Pasko; Nakakaantig ng Puso Pala Ito

Isa Lang Naman ang Tanging Hiling ng Masipag na Bata sa Darating na Araw ng Pasko; Nakakaantig ng Puso Pala Ito

Bata pa lamang si Jonel ay pinapangarap na nito ang makapagdiwang ng pasko, ngunit ‘di naman niya magawa sa kadahilanang wala silang maayos na bahay na puwedeng pagganapan ng pinapangarap na selebrasyon. Bukod sa ipinanganak kasi siya sa isang mahirap na pamilya, hindi rin siya nakapasok sa eskwela dahil salat sa buhay.

“Ano kaya ang pakiramdam ng magpasko, Bert?” tanong ng bata sa kaibigan habang nakatingin mula sa labas ng isang sikat na supermarket.

Pinapanood ng dalawa ang commercial ng isang sikat na brand na gumagawa ng macaroni tuwing pasko.

“Ano ba namang tanong ‘yan, Jonel, kahit kami naman ay hindi pa nagagawa yan. Parang normal na araw lang sa amin ang pasko. Siyang itinutulog nalang din namin,” tugon naman ng kaibigan at tumalikod habang malungkot na sinisipa-sipa ang sahig.

“Bert, gusto ko talaga magdiwang ng pasko, hindi talaga ito mawala-wala sa isip ko. Tuwing sasapit kasi ang pasko, nagdarasal lang kami ng lola ko, pero nang nawala na siya, nawala na rin ‘yung ganoong gawain. Siguro ay nasanay nalang din ako… O siguro ay naaalala ko lang talaga ang lola ko,” malungkot na sabi ni Jonel.

“O Bert, dito na ako ha?” Pagpapalam ng bata sa kaibigan habang papasok na sa kanilang bahay. Tumango nalang ang kaibigan at kumaway habang diretsong lumakad palayo.

Gumising nang maaga ang bata at maagap na kumilos upang makapaghanap ng sideline na pwedeng pasukin upang may makain sila sa isang araw. Kung hindi sa carwash ni Mang Tony, nagtatrabaho ito sa tindahan ni Aling Verna sa palengke upang magbalot at magbantay ng tindahan.

“Magandang umaga po, Aling Verna!” bati ng batang lalaki sa matandang babae.

“Aba Bert, nakakatuwa naman, kabata-bata mo po ay daig mo pa ang matanda kung pumasok sa trabaho,” balik na bati naman ng matanda.

“Para po maraming magawang trabaho Aling Verna. Sayang naman po ang extrang bayad. Idinadagdag ko rin po kasi sa aking ipon.”

Natuwa naman ang matanda sa isinagot ng bata. “Hijo, dose anyos ka pa lang pero parang matanda ka na kung magsasagot ah?” giliw na giliw na sabi ng matanda.

Matapos ang maraming gawain sa trabaho, tulad ng dating gawi ay nagkikita sila ng kaniyang kaibigan na si Bert upang magmerienda.

“Jonel! May bago akong natutunan sa iskwela, alam mo ba na pag naglagay ka raw ng sulat kay Santa Klaws ay tutuparin niya ang hiling mo pagsapit ng pasko?” bibong kwento ng bata sa kaibigan.

“Talaga ba? Kahit anong hilingin ko? Baka naman ‘di yan totoo ha?” sagot ni Jonel.

“Totoo ‘to! Sabi nga ng pinsan ko ay binigyan siya nito ng paborito niyang laruan. Kaya ako maglalagay rin ng hiling ko sa medyas. Baka magkatotoo rin at tuparin ni Santa Klaws!” tugon naman ni Bert.

Napaisip ng malalim si Jonel at agad na tumayo at tumakbo pauwi.

“Ana! Nasaan ka?” tawag ng bata sa kaniyang nakababatang kapatid.

“Kuya? Kuya narito po ako sa kwarto,” sagot ng batang babae.

Agad namang pumasok ang batang lalaki sa kwarto.

“Ana oh.. may pasalubong si kuya,” wika ng batang lalaki habang lumalapit sa kaniyang kapatid na nakahiga sa banig.

“Binigyan ako ni Aling Verna ng maliit na bonus kaya binilhan kita ng paborito mong hot cake. Ubusin mo yan ha? Magpalakas ka!

Alam mo ba sabi kanina ni Bert, ‘pag daw sumulat ka kay Santa Klaws at nagwish ka bago magpasko ay tutuparin niya ang hiling mo? Gusto mo parehas tayong sumulat kay Santa? Mag-wish tayo!” masayang sabi ng batang lalaki

Masayang nagsulat ang dalawa ng kanilang hiling para sa paparating na pasko. Nang matapos ang dalawa ay itinago muna nila ito sa kanilang lumang medyas.

Bisperas na ng pasko at ang mga tao ay abala na sa paghahanda sa kanilang noche buena. Habang si Jonel naman ay sabik na sa kaniyang sorpresa sa pamilya. Inilagay ng batang lalaki ang lumang medyas na kaniyang tinahian upang maitago ang butas at isinabit sa silya.

Nagtungo ang bata sa kaniyang trabaho kay Aling Verna dahil napag-alaman niya na hapon pa ito magsasara at sayang ang kikitain niyang pera pandagdag sa sorpresa niya sa pamilya.

Matapos ang trabaho ay agad na bumili ng isang kilong bigas ang bata at ng lechong manok na matagal na niyang gusto matikman. Masayang naglalakad ang bata pauwi nang makakita siya ng nagbebenta ng puto bumbong. Binili niya ito agad dahil paborito nila iyon.

Nang makauwi si Jonel ay agad niyang ibinalita kay Ana na iyon raw ang unang araw na mag no-Noche Buena silang pamilya. Naglinis si Jonel sa kanilang munting bahay na yari sa pinagtagpi-tagping kahoy at nagsaing na para sa hapunan.

Alas onse y media na nang dumating ang ina nila Jonel galing sa bahay ng kumare nito na may-ari ng sugalan sa kanila. Halatang pagod ang babae kaya sinalubong ito ni Jonel ng may malaking ngiti sa labi.

“O bakit ngingiti-ngiti ka? May nakakatawa ba?” malamig na tanong ng ina sa anak.

“’Nay, may sorpresa ho ako sa inyong ngayong pasko. Tara po!” pag-aaya ng bata.

Napagmasdan ng ina ang lamesa na may lechon manok at kanin, naroon din ang ispesyal na puto bumbong. Nakaupo rin habang nakangiti roon ang bunsong anak na si Ana.

“Nay, Pinag-ipunan ko po ang mga iyan, dahil gusto ko po na ngayong taon ay makapag-Noche Buena tayo ng sabay-sabay. Sayang nga po wala si lola para makasama natin siya ngayon,” may lungkot na sabi ng bata.

Lumapit ang ina sa bata, ang akala ng bata na yakap na sasalubong sa kaniya ay napalitan ng malalakas na sabunot at pingot sa tenga.

“Wala kang utang na loob kang bata ka! At pinagtataguan mo pa pala ako ng pera! Kung hindi dahil sa kadamutan mo ay panalo na sana ako sa sugal kila Mareng Sita. Umalis ka rito! Sulong! Sunduin mo ang batugan mong tatay sa inuman! Parehas kayong walang kwenta! Bwiset na buhay ‘to!” inis na sabi ng ina at tumungo sa kwarto.

Halong dismaya, sakit, at pagkapahiya ang naramdaman ng bata.

“Gusto ko lang naman maging masaya ngayong pasko,” sambit ni Jonel sa isip.

Nang makarating na sa kabilang kanto ay agad niyang nakita ang kaniyang amang lasing na lasing na’t tumatagay kasama ang kaniyang mga kumpare.

“’Tay pinapauwi na po kayo ni nanay. Uwi na raw po kayo. Tara na po!” nangingilid na luhang sabi ng bata, ngunit ‘di pa rin siya pinagtuunan ng pansin ng kaniyang ama.

“’Tay, tara na po, lasing na kayo. Uwi na po tayo!” pagpupumilit ng bata habang kinukuha ang braso ng kaniyang ama.

“Ano ba?! Kita mong nag-iinom pa kami e! ‘Wag mo ‘ko ipahiya dito!” galit na wika ng ama sabay hablot pabalik ng kaniyang braso.

“’Tay… magagalit po sa akin si nanay kapag hindi kayo sumama. Tara na po! Umuwi na tayo, ‘tay!”

“P*t*ng in*ng bata ka! Napakakulit mo! Sinabi nang mamaya!” sigaw ng lalaki. Hindi sadyang napalakas ng tulak ang lalaki sa bata at tumalsik ito sa kalsada na may paparating na rumaragasang van.

Huli na nang mapagtanto ng kanyang ama ang kamaliang nagawa nang masalpok ang kaniyang anak ng van. Parang tumigil ang mundo ng lahat sa gulat at bilis ng pangyayari.

Sinubukan nilang dalhin si Jonel sa hospital ngunit huli na nang makarating sila doon. Kinailangang umuwi ng kaniyang ama upang ipaalam sa kaniyang asawa ang nangyari. Lagpas alas dose na at lahat ay nagsisimula na ng kanilang Noche Buena.

Lumuluhang pumasok ang ama sa bahay at nadatnang naghihintay ang kaniyang mag-ina sa kanilang mesa habang iniintay ang pag-uwi nila. Agad na tumayo ang asawang babae at sinabing, “Sorpresa raw ni Jonel. Gusto daw niyang maging masaya ang pasko natin. Nasaan na ang batang iyon?” tanong ng babae.

“Tay! Basahin ninyo po ang wish ni kuya kay Santa Klaws! Sabi ni kuya magkakatotoo daw po pag sumulat kay Santa!” wika ng bata sabay abot ng sulat na ginawa ni Jonel.

“Dear Santa Klaws,

Sabi po ng kaibigan ko, kapag daw sumulat kami ay tutuparin niyo raw po ang kahilingan namin. Kaya po ako sumusulat ngayon. Ang wish ko po ay sana hindi na mag-away sina nanay at tatay, para naman po kahit papaano ay hindi na po kami madamay ng kapatid ko. Mahirap po kasi na pumasok sa trabaho na puro pasa at may mabigat sa dibdib.

Santa klaws sana rin po ay bigyan niyo pa po ako ng marami pang trabaho. Kahit ano po, para po ‘wag na mag-away si nanay at tatay dahil sa pera. At para rin po maalagaan nalang po kami ni nanay. Miss ko na rin po kasi yung trato niya sa amin nung buhay pa si Lola.

Santa sana po maging malakas pa ang kapatid ko, pangako po santa magpapakabait po ako at magtatrabaho para sa kanila. Kahit gaano kahirap, susubukan kong kayanin para sa kanila. Para po masaya kami sa araw-araw kahit wala na po si lola. Gusto ko lamang po na maging kumpleto kami, kahit ngayon pasko lang po. Gusto ko po maranasan at masilayan na masaya ang pamilya ko.

Yun lang po santa. Maligayang pasko din po sa inyo!

Nagmamahal,

Jonel”

Matapos basahin ng kaniyang ama ang munting sulat ni Jonel ay bumuhos ang mga luhang kanina pa pinipigil. Ibinalita nito ang nangyari at lubos na pagsisisi ang naramdaman nila. Kahit anong gawin kasi nila ay hindi na mararanasan ni Jonel ang nag-iisang kahilingan.

Iyak nang iyak ang mag-asawa at sobrang nakokosensiya. Kung naging mabuting magulang lamang sana sila noon, sana ay kapiling pa rin nila ang mabait na anak. Pero huli na ang lahat. Hindi na maibabalik pa ang buhay na nawala.

Sana ay palagi natin maparamdam sa mga mahal natin sa buhay kung gaano natin sila kamahal. Lalo na ngayong sasapit na naman ang araw ng Pasko. Hindi kasi natin alam na baka ngayon kapiling natin sila, pero bukas-makalawa ay hindi na.

Advertisement