May Kababalaghang Nagaganap Daw sa Itaas na Palapag ng Isang Kwarto sa Boarding House; Ano Kaya ang Dahilan sa Kaganapang Ito?
First year college si Melissa sa isang kilalang unibersidad sa Maynila. Hindi man gaanong kagandahan ang kanyang dorm, kumpleto naman ito sa lahat. May canteen sa loob, may laundry area at may lounge kung mayroon kang bisita.
Mababa lang ang mga kisame ng kwarto sa dormitoryong tinutuluyan ng dalaga kaya naman kahit simpleng yabag ng paa ay maririnig ito agad-agad na medyo naging problema, dahil mabilis siyang magising sa kahit maliliit na ingay.
Maayos ang mga unang linggo ng dalaga sa dorm maliban sa mangilan-ngilan niyang gising ng daling-araw dahil sa kalampag sa taas ng kisame nila.
Ang mangilan-ngilan na araw ay naging sunod-sunod, na ipinagtaka na ng dalaga. Bakit sa tuwing sasapit lamang ang alas tres y media ng madaling araw at saka laging nagkakaroon ng malalakas na yabag na nanggagaling sa itaas?
“Bakit naman may mag lalaba pa ng alas tres? Ano yan aswang?” tanong ng dalaga sa kanyang isip.
Isang gabi ay hindi na nakatiis ang dalaga at agad itong umakyat sa third floor upang tingnan ang kwarto na nasa ibabaw nila. Pagtingin naman niya sa laundry area ay walang katao-tao roon at nakasarado ang ilaw na labis niyang ipinagtaka.
Dahil na rin sa hindi mapakali ang dalaga, agad niyang ikinuwento sa kaniyang mga kaibigan ang kakaibang nangyayari sa kanya na tinawanan lamang ng kaniyang mga dormmates.
Sa kagustuhan ng dalaga na mapatunayan ang mga kakaibang pangyayari ay bumili ito ng ilang mumurahing cellphone upang ilagay at itago sa Laundry area upang mapakinggan nila ito lahat sa araw na itinalaga nilang upang pakinggan ang mga yabag.
Mag aalas-tres na ng gabi at handa na ang mga dormmates ng dalaga sa mga posibleng marinig. Noong una ay tahimik lang na nag-iintay ang mga babae hanggang abutin sila ng bagot sa paghihintay.
“Ano ba ‘yan parang wala naman yung sinasabi mo, Melissa! Excited na pa naman ako. Ginu-good time mo lang ata kami eh,” nababagot na wika ni Ivy, isa sa mga roommate ni Melissa.
Mag-aalas kuwatro na nang nagulat sila sa narinig na mga yabag ng paa na nanggaling mismo sa parehong sa cellphone at laundry area. Habang papalapit ng papalapit ang yabag ng paa sa kinaroroonan ng kanilang telepono ay agad silang tumakbo sa itaas upang hulihin kung sino man ang nagpupunta ng ganoong oras sa laundry room.
Pag akyat ng mga babae ay dali-daling nilang tiningnan ang laundry room kung sino ba ang tao sa loob, Ngunit ang bumungad lamang sa mga ito ay isang sarado at walang ilaw na kwarto. Labis na pagtataka ang pumalit sa isip ng mga babae habang dala-dala ni Melissa ang cellphone na naka-loud speaker.
“Psst!” nagkatinginan ang mga babae sa pag aakalang tinatawag lang sila ng isa sa kanilang kasama. Nabalot ulit sila ng katahimikan ng biglang… “Psst! Pssst!” napagtanto ni Melissa na ang cellphone niya ang tumutunog at may sumisitsit gamit ang kabilang linya.
Sabay-sabay tumingin ang mga babae sa telepono at sunod-sunod na tumingin sa kinalalagyan ng telepono sa loob ng laundry room.
Nag sigawan at nagtakbuhan ang mga dalaga dahil sa nakita nilang matandang babaeng nakaitim na nakatingin sa kanila at nakangiting hindi nila maipaliwanag, hawak ang teleponong inilagay nila sa loob.
Nanginginig at takot na takot ang mga dalaga sa kanilang nasaksihan, hindi nila inakala na sa buong talambuhay nila ay makakasaksi sila ng bagay na kahit kalian ay hindi nila maipapaliwanag.
Tabi-tabing natulog ang magkakaibigan. Nagising sila nang may kumatok sa kanilang kwarto isang umaga, “Ma’am pinapatawag po kayong lahat dito sa 506 kasi marami pong nag reklamo kanina tungkol po sa pag sigaw at takbuhan daw po na nangyari. Pagcheck po kasi sa CCTV ay nakita kayo,” sabi ng boy sa kanilang dormitoryo.
Matapos mag ayos saglit ay sabay-sabay tumungo ang babae sa Management Office upang ipaliwanag ang mga pangyayari.
Kumatok at isa-isang pumasok ang mga dalaga at pinag usapan na nga ang pangyayari noong madaling-araw. Noong una ay ayaw pa minawala ni Mina, ang staff sa office na pinaka-close sa mga dalaga, dahil halos magkakasing edad lamang sila.
“Girls, sure ba kayo sa sinasabi niyo? Kasi hindi magandang feedback ito sa management at sa dorm. Imposible na may makapasok ng ganoong oras doon dahil sa tagal ko na nag tatrabaho dito ay ngayon lang may naka engkwentro ng ganiyan,” wika ni Mina.
“Miss Mina, kahit kami din po ay ‘di makapaniwala sa nangyari… kung alam lang din po naming ganun ang makikita naming, sana hindi na nga po kami tumuloy” nanginginig na paliwanag ni Melissa.
“Miss, pasensya na po, pero dahil sa karanasang ito ay parang hindi na po naming kayang mag stay pa sa dorm na ito. Grabeng trauma na po ang inabot ko dito sabay pa ng kawalan ng tulog dahil ilang linggo na rin po akong laging nagigising dahil sa yabag sa palapag sa ibabaw namin. Pasensiya na po, pero aalis nalang po siguro kami,” naiiyak na sabi ni Melissa na siya namang sinang-ayunan ng iba pa niyang mga roommates.
Hindi naman makapag desisyon si Mina kasi alam niya na malaking kawalan ito sa dorm, dahil anim na mga babae ang nasa room, sa panahon ngayon ay hindi ganoon kadali na makahanap ng papalit sa kanila sa kwarto.
“Girls, hindi naman kailangan na umabot dyan. Hmm, ganito nalang, later today, mag stay ako dito sa office to check if totoo nga ang claims niyo. I’ll be with you sa room niyo mamaya para malaman natin. Is that okay with you?” alok ng babae.
“Sige po Ms. Mina,” sagot ng mga dalaga.
Mabilis na lumipas ang oras at kanina pa rin natapos ang shift ni Mina. Nag late dinner nalang siya kasama sila ang mga boarders sa labas. Hindi pa rin kasi malimutan ng mga dalaga ang mga nasaksihan noong madaling araw.
Alas tres y media na at nakahiga na muli ang mga dalaga kasama si Mina sa kwarto, nakabukas na ang telepono ulit sa taas at sabay-sabay silang nag hihintay ng yabag.
Hindi naman nagtagal ay nariyan na ang mga yabag. Nanlaki ang mata ni Mina sa kaniyang naririnig. Nabalot man ng takot ay hindi pa rin ito nag patinag. Nag simula nang matakot ang mga dalaga at ang iba ay halos maiyak na. Bukod sa yabag na naririnig nila sa may itaas, maririnig naman na gumagana ang mga washing machine at gripo sa laundry room.
Nang makakuha na ng sapat na lakas ng loob ay tumayo na si Mina para tumungo sai taas.
“Saan po kayo pupunta?” tanong ni Ivy sa babae.
“Tataas, gusto kong makita kung sino man ‘yon. It’s against the rules of this dorm na maglaba ng ganitong oras at maka-istorbo sa iba,” tugon ni Mina na akmang lalabas na.
“M-Ms. Mina… wag po kayo pumunta mag isa… baka po ano ang gawin niya..” takot na sabi ni Melissa sa babae. “Sasamahan ko na lamang po kayo.”
Nagtungo na ang dalawa sa itaas at habang naglalakad sila ay naririnig pa rin ang washing machine na gumagana ngunit napatigil ang dalawa nang may marinig na sitsit. Kitang-kita sa mukha ni Mina ang gulat habang takot naman ang nasa mukha ni Melissa.
Nasa harap na sila ng glass door ng laundry room at aktong bubuksan na ang pinto nang may sumitsit muli ng malakas sa cellphone, dahilan para nagulat si Mina at mapatingin sa likod. Nang maisip niya na galing ito sa cellphone ay ibinaling niya muli ang atensyon sa pintong bubuksan ngunit pag harap niya ay ibang repleksyon ang nakita niya sa salamin. Isang matandang nakaitim na nakatingin at nakangiti sa kaniya.
Nabalot na ng takot ang dalawa sa nangyari, parang naubusan ng lakas ang mga binti ni Mina at napaupo na lamang sa takot, agad naman siyang inalalayang tumayo ni Melissa ngunit ‘di pa rin makatayo sa takot ang babae.
“Krrrr.. Krrrr…” nagpuputol-putol na tunog ng telepono “Krrrr.. Kamusta…Krrrrr Ka.. Krrrr na?” narinig nilang tunog ng telepono habang unti-unting nawawala ang matandang babaeng nakangiti sa kanila.
Pinilit itayo ni Melissa si Mina upang dalhin sa kanilang kwarto, ilang minuto ring tulala si Mina dahil sa labis na takot na inabot sa pangyayari. Pinainom muna nila ang babae ng tubig hanggang mahimasmasan.
“Ms. Mina, ayos na po ba kayo?” nag aalalang tanong ni Ivy.
“Salamat Ivy, ayos na ako. Kahit ako ay hindi rin makapaniwala sa nangyari at nakita ko. Pero kilala ko ang nakikita niyong iyon… kinausap niya ako gamit sa telepono. Kinamusta niya ako…” kuwento ng babae habang nakikinig naman ang mga dalaga.
“Ang matandang babaeng iyon ay si Manang Precy, matagal siyang nagtrabaho dito. Siya ang nagbabantay sa laundry area noon, baguhan pa lamang ako dito nang mga panahong iyon. Pero sa kasamaang palad ay inatake sa puso si Manang Precy, at hindi na siya umabot sa ospital. Hindi ko alam kung bakit siya nag paparamdam dahil ngayon lang ‘yan nangyari.” saad ng babae habang tulala sa malayo.
“Siguro ay humihingi siya ng dasal at gusto rin siguro ipagtirik siya ng kandila, dahil bukas ay November 1 na,” sabi pa ni Melissa.
Nang araw naring iyon ay nagpatawag sila ng pari at saka pinabendisyunan ang lugar. Nag-alay rin sila ng maikling panalangin para sa matandang yumao na. Magmula noon ay wala nang nag paramdam pa sa laundry room at nawala na rin ang yabag na naririnig tuwing alas tres ng daling araw.
May mga pagkakataon na ang mga pumanaw ay nililisan lamang ang kanilang katawang pang mundo, pero ang kanilang kaluluwa ay naiiwan sa lugar na kanilang minahal ng sobra. Nawa’y pag may pagkakataon, ipagdasal natin ang mga kaluluwang ito nang sa ganoon ay makatagpo na sila ng katahimikan sa kabilang buhay.