Inday TrendingInday Trending
Inalipusta ng Lalaking Mayabang ang Gusgusing Babae at Anak Nito; Nakakatakot Pala ang Ganti ng Kawawang Ale

Inalipusta ng Lalaking Mayabang ang Gusgusing Babae at Anak Nito; Nakakatakot Pala ang Ganti ng Kawawang Ale

Mayabang at pilyo ang binatang si Roland. Mahilig siyang mam-bully ng ibang tao. Para sa kaniya kasi, nakakatawa iyon at ramdam na ramdam niyang sumisikat siya sa pagiging bad boy kuno.

Nagbakasyon sina Roland kasama ang ilang barkada sa malayong probinsiya na may magagandang beach. Doon naman niya planong magpasikat.

Habang naglalakad-lakad, nakita ni Roland ang isang batang babae na kumakain ng sorbetes. Ngumisi ang binata at saka kunwaring lumapit.

Binatukan ng binata ang batang babae kaya sumubsob ito sa kinakain. Nahulog ang sorbetes, dahilan para umiyak ang bata.

“Uy pare, tama na ‘yan! Bata iyan e. Baka magsumbong pa ‘yan sa magulang niyan. Tandaan mo, hindi tayo taga rito,” pagsuway ng isa sa kaibigan ni Roland.

“Wala akong pakialam. Isama pa niya ang buong angkan niya,” pagyayabang naman ng binata.

“Isusumbong kita sa mama ko! Lagot ka do’n!” umiiyak na sigaw ng bata.

“E ‘di magsumbong ka! Pagbuhulin ko pa kayo ng nanay mo e,” pagbabanta naman ng lalaki.

Tumakbo paalis ang batang babae. Matapos ang ilang minuto, bumalik ito kasama ang ina. Marumi at madungis ang ginang. Pero may kakaiba rito na tila ba hindi pangkaraniwan.

“Hijo, ang tanda mo na pinapatulan mo pa ang bata. Ano bang problema mo? May ginawa bang masama ang anak ko sa’yo?” tanong ng ginang.

“Wala naman akong ginagawa sa anak mo e! T*nga lang talaga kumain ng ice cream ‘yan at hindi tumitingin sa dinaraanan. Malay ko ba na matatapon yung kinakain niya,” palusot naman ng binata.

“Sana humingi ka na lang ng pasensiya kaysa nagsinungaling ka pa. Hindi mo ba alam na may balik iyan?” tanong pa ng ale.

“Hoy, mabaho at madungis na babae! Sino ka para pagsalitaan ako ng ganiyan? Mabuti pa, maghilod ka ng katawan kasi mukha kang naglalakad na libag! Isama mo na rin yung anak mong mukhang uod,” pang-aasar ng lalaki.

“Roland, ano ba?! Tama na ‘yan!” muling pagsaway ng isa sa mga kabarkada ng lalaki.

“Mag-ingat ka sa mga salita at kilos mo, hijo! Hindi lang ikaw ang may karapatan sa mundong ito. Lahat ng ginagawa mo ay may balik. Hindi ka ba natatakot na baka isang araw, lahat ng ginawa mo ay bumalik sa’yo?” madiin na tanong ng ale.

“Hindi. Wala akong pakialam sa’yo. Umalis na kayo ng mabaho mong anak bago pa ako masuka rito. Pwe!” dinuraan ng binata ang mukha ng babae.

“’Wag kang mag-alala, isusuka mo lahat ng sinabi mo,” nanlilisik ang mga mata na sab ing babae.

Tila ba nakaramdam ng matinding kilabot si Roland sa sinabi ng ale. Pero nagkunwari siyang wala lamang lahat ng iyon sa kaniya.

Pagkarating sa tinutuluyang bahay, nagpahinga si Roland dahil sumama raw ang pakiramdam. Nanlalambot siya at parang bang walang lakas.

Lumipas ang mga oras nakaramdam ng sakit ng tiyan si Roland.

“Arghh!!!” sigaw ng binata. “Dalhin n’yo na ako sa ospital!” pagmamakaawa ng binata.

Humingi ang magbabarkada ng tulong dahil namumutla na si Roland. Pero dalawang oras ang layo ng maayos-maayos na ospital.

Nagdesisyon silang lahat ng umuwi na sa Maynila dahil iba na ang lagay ni Roland. Nanginginig na ito at inaapoy na ng lagnat.

Nang makauwi sa bahay, nagsimula nang magsuka ang binata. Hinang-hina na ang katawan niya at hindi na makahagulapay pa.

“Dadalhin ka na namin sa ospital!” sabi ng ina ni Roland.

“A-ayoko! Trangkaso lang ‘to,” hirap na hirap na sabi ng binata.

Tatayo sana ang lalaki nang bigla siyang masuka at mawalan ng malay.

Nagising si Roland sa loob ng ospital. Pero napakahapdi ng kaniyang katawan. Para bang sinisilaban. Nagulat siya nang makita na sugat-sugat siya at kumakalat ito sa buong parte ng katawan niya.

“Sa bahay na ako magpapagaling. Iuwi ninyo na ako!” sigaw ng binata.

Hiyang-hiya ang binata sa hitsura niya kaya mas gusto niyang magkulong sa bahay.

Lumipas pa ang mga araw, lalong lumala ang sitwasyon ni Roland. Tila ba nalalapnos ang balat niya at umaaligasaw ang mabahong amoy galing doon.

Napasigaw ang lahat nang makitang nagsusuka ang lalaki ng mga ipis, gagambang malalaki, at alupihan. Walang makapagpaliwanag kung ano ang nangyayari pero hindi iyon pangkaraniwan.

Nagsimula rin lumabas ang mga uod sa sugat, tenga, mata at ilong ni Roland. Naalala tuloy niya ang sinabi niya sa batang babae. Pati na ang mga huling salita ng ale na inapi niya.

Nagtungo ang isang kaibigan upang bisitahin si Roland.

“Baka kailangan mong bumalik sa pinuntahan natin noon? Baka kailangan mong humingi ng tawad sa babaeng pinagmalupitan mo. Kasi kahit mga doktor hindi na alam kung saan nanggagaling ang sakit mo,” suhestiyon ng barkada.

“H-hindi… tama lang sa kanila ‘yun. Hindi ako naniniwala sa gano’n,” pagyayabang pa ng binata.

Lumipas pa ang mga araw, tuluyang bumagsak ang katawan ng lalaki. Hinang-hina si Roland at napakahapdi na ng buong katawan. Wala na atang ispasyo pa sa maayos na balat dahil lahat ay parang naa*gnas na at di na kaaya-aya ang amoy.

Ilang beses pang pinilit ng mga kabarkada ni Roland na ihingi ng tawad ang nagawa, ngunit matigas ang loob ng binata. Hanggang sa dumating ang araw na binawian ng buhay si Roland… Pumanaw siya na para bang pinamahayan ng uod ang buong katawan.

Hindi alam nila alam noon na isang mabagsik na mambabarang pala ang babaeng pinag-trip-an ng lalaki. Masyado siyang nagyabang at nangyurak ng katauhan ng iba kaya ibinalik lahat ng ginawa niyang masama sa kaniya.

Maging mabait sana tayo at maging mababa ang loob sa lahat ng tao. Kakilala man o hindi, mayaman man o mahirap, ibigay natin ang respetong nararapat. Hindi natin alam na baka ang maling ginawa natin sa kapwa ay bumalik sa atin ng mas matindi pa.

Advertisement