Inday TrendingInday Trending
Nahintakutan ang Dalaga nang Dalawin Siya ng Multo ng Kaibigan; Isang Katotohanan Pala ang Nais nitong Ibunyag Niya

Nahintakutan ang Dalaga nang Dalawin Siya ng Multo ng Kaibigan; Isang Katotohanan Pala ang Nais nitong Ibunyag Niya

Isang buwan matapos pumanaw ng kaibigang si Alexa ay hindi pa rin ito makalimutan ni Shany. Palagi siya nitong dinadalaw sa panaginip na lalong nagiging dahilan ng kaniyang pangungulila. Natagpuan ang walang buhay na katawan ni Alexa sa ilalim ng sarili nitong kama. Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, ang limang malalaking sugat daw ang dahilan ng pagpanaw nito. Hindi pa alam ng mga pulis kung sino ang salarin sa nangyari sa babae, dahil wala silang makitang ebidensya.

Sa huling sandali ng lamay ni Alexa ay nangako si Shany na ipaghihiganti niya ito. Hahanapin at ipakukulong niya ang gumawa nito sa kaibigan. Pangungulila, pagkamuhi at galit ang naramdaman ni Shany nang mga sandaling ’yon.

Nabalik sa ulirat ang nakatulalang si Shany nang tumunog ang kaniyang telepono. Isang voicemail ang kaniyang natanggap.

“Sino naman ito?” nagtatakang tanong ni Shany sa sarili. Lalo pa niyang ipinagtaka nang makitang isang segundo lang naman ang nilalaman ng naturang voice message.

Bumangon sa pagkakahiga si Shany dahil sa inis nang tumunog muli ang kaniyang cellphone. Isa na namang voice message ang kaniyang natanggap.

Dahan-dahan niyang pinindot ang voice mail na ipinadala ng isang hindi kilalang follower at itinapat ito sa kaniyang tainga.

“Ako ’to, Shany!” Agad niyang nabitiwan ang aparato, kaya nahulog ito sa sahig sanhi upang mabasag ang screen nito.

Nakaramdam ng matinding takot si Shany. Isang malamig at malalim na boses ng babae ang kaniyang napakinggan. Pamilyar sa kaniya ang boses na iyon… biglang nakadama ng matinding takot si Shany.

Maya-maya ay tumunog muli ang kaniyang cellphone. Labis siyang nahintakutan nang kusa itong gumana kahit basag-basag na ang screen at walang kahit sinumang tao ang pumindot.

“Nakalimutan mo na ba ako, Shany?” Sinakop ng kakaibang boses ang buong kwarto ni Shany. Takot na takot siya sa mga nangyayari ngunit hindi niya magawang sumigaw.

“A-Alexa?” natawag niya ang pangalan ng sumakabilang buhay na kaibigan.

Imbis na sagot ay umihip ang malamig na hangin sa loob ng kaniyang kuwarto kahit nakasara naman ang lahat ng bintana bintana roon. Sanhi upang mas dumoble ang kabang nararamdaman ni Shany.

“Shany, ako ito! Ako ito, Shany!” paulit-ulit na sambit ng isang tinig na bumibingi sa dalagang si Shany. Tinakpan ng kaniyang mga palad ang sariling tainga at ipinikit ang mga mata.

“Tama na ang pagpapanggap, Shany!” patuloy na pagsasalita ng boses sa kaniyang isipan.

Hindi nakasagot si Shany. Halos ayaw kumawala ng tinig sa kaniyang lalamunan. Naramdaman ni Shany ang pag-agos ng luha mula sa sariling mga mata.

Biglang nagbalik sa kaniyang mga alaala ang nangyari nang gabing iyon… nang gabing iyon kung saan nagkaroon sila ng pagtatalo sa kaibigan na nauwi sa sakitan, habang naroon siya sa kuwarto nito mismo.

Hindi niya akalaing magagawa niya iyon sa sariling kaibigan dahil sa matinding inggit. Matagal na kasi niyang kinaiinggitan ang kaibigan at mas lalong tumindi pa ang pagpupuyos ng kaniyang damdamin nang ito ang mapiling representative ng kanilang eskuwela sa magaganap ng beauty pageant ng iba’t ibang unibersidad imbes na siya!

Siya ang salarin sa nangyari kay Alexa! Siya ang nagtarak ng matulis na bagay na sumugat dito kaya ito naubusan ng dugo hanggang sa malagutan ng hininga!

“Bakit mo ginawa sa akin ’yon, Shany?” ang umiiyak na ani Alexa na bigla na lamang lumitaw sa kaniyang harapan. “Hindi ba at magkaibigan tayo?” hiyaw nito habang nagpupuyos na nakatingin sa kaniya nang masama!

Unti-unting lumapit sa kaniya ang nakalutang na imahe ng dating kaibigan. Bumilis naman nang todo ang tibok ng puso ni Shany, dahil sa takot at kaba, kaya naman unti-unti siyang nakadama ng pagdidilim ng paningin… maya-maya pa ay bumagsak siya sa sahig at nawalan ng malay.

Nagising si Shany kinaumagahan. Wala siyang ginawa kung hindi ang humagulhol dahil sa kaniyang ginawa. Kinakain na siya ng kaniyang konsensiya kaya’t maging sa panaginip ay minumulto na siya ng kaluluwa ni Alexa!

Maya-maya ay nagbihis siya at nag-ayos. Dumiretso siya sa sementeryo at dinalaw ang puntod ng kaibigan. Humingi siya ng tawad bago pumunta sa istasyon ny pulis at sumuko.

Ngayon ay handa na niyang pagbayaran ang kaniyang ginawang kasalanan. Buong buhay niyang pagdudusahan ang kaniyang ginawa na naging bunga dahil hinayaan niyang lamunin ng inggit ang kaniyang buong pagkatao…

“Patawarin mo ako, Alexa.” Iyon ang huling katagang nasambit niya bago siya mapaluha sa paghihinagpis.

Advertisement